top of page
Search
  • BULGAR
  • May 24, 2024

ni Eli San Miguel @News | May 24, 2024


Gumuho ang isang restaurant building na may dalawang palapag sa tabing-dagat sa Palma de Mallorca noong Huwebes, na ikinamatay ng hindi bababa sa apat na tao at ikinasugat ng 16 iba pa sa sikat na destinasyon ng turismo sa Balearic Islands ng Spain, ayon sa pahayag ng pambansang pulisya ng bansa.


Dinala naman ang mga biktima sa iba't ibang mga ospital sa Palma.


Tinatapos na ng mga emergency teams ang mga search and rescue efforts para tiyaking ligtas ang lugar, ayon sa pahayag ng kinatawan ng lokal na pulisya sa radio station na RNE bandang hatinggabi.


Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon para tukuyin ang sanhi sa pagguho.

 
 

ni Eli San Miguel @News | May 23, 2024


Nagsimula na ng mga military drills ang China na nakapalibot sa Taiwan nitong Huwebes.


Inaasahan na magtatagal ito hanggang Biyernes, ilang araw lamang matapos na italaga sa pwesto ang bagong Presidente ng Taiwan na si Lai Ching-te.


Inihayag ng Eastern Theater Command ng Chinese People's Liberation Army (PLA) na nagsimula na sila ng mga military drills sa mga lugar sa paligid ng Taiwan sa ganap na alas-7:45 ng umaga (2345 GMT).


Ayon sa pahayag ng komando, ginaganap ang mga pagsasanay sa Taiwan Strait, sa hilaga, timog, at silangan ng Taiwan, pati na rin sa mga lugar sa paligid ng mga isla na kontrolado ng Taiwan tulad ng Kinmen, Matsu, Wuqiu, at Dongyin.


Wala namang agad na komento mula sa pamahalaan ng Taiwan.

 
 

ni Angela Fernando @News | May 21, 2024


Ipinaalam ng prosecutor na si Karim Khan ng International Criminal Court nu'ng Lunes na humirit siya ng mga warrant of arrest para kina Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu, Defence Minister Yoav Gallant, at mga lider ng Hamas dahil sa mga krimen sa digmaan sa Gaza.


Kinilala naman ang mga lider ng Hamas na sina Yahya Sinwar, Mohammed Al-Masri, Deif, at Ismail Haniyeh.


Nagpahayag si Khan na mayroon siyang makatwirang mga batayan upang panagutin ang mga sinasabing akusado para sa mga nangyayaring krimen laban sa karapatang pantao at digmaan.


Agad namang itinanggi ng mga pinuno ng Israel at Palestine ang mga alegasyong idinidikit sa krimen sa digmaan, at kinondena ng mga kinatawan ng magkabilang panig ang desisyon ni Khan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page