top of page
Search

ni Eli San Miguel @Overseas News | June 4, 2024



File photo


Pinaniniwalaang nagdulot ang matinding tag-init sa India ng higit sa 100 na pagkamatay at nag-iwan ng libu-libong may sakit, ayon sa mga opisyal at ulat ng media.


Simula noong Marso, umabot ang temperatura sa 50 degree Celsius (122 F) sa Delhi at kalapit na Rajasthan noong Mayo.


Hindi bababa sa 30 katao ang namatay sa heatstroke sa silangang estado ng Odisha sa India, ayon sa disaster management authority ng estado noong Lunes.


Halos 25,000 katao naman ang nagdusa sa hinihinalang heatstroke sa kasagsagan ng tag-init sa India mula Marso hanggang Mayo, ayon sa ulat ng ThePrint.


Bukod dito, naitala rin ang mga pagkamatay sa hilaga at kanlurang bahagi ng India, kung saan lalong tumindi ang tag-init noong nakaraang buwan sa panahon ng pambansang eleksyon.

 
 

ni Eli San Miguel @News | June 1, 2024


Umabot na sa higit sa 30 ang mga namatay dahil sa hinihinalang sunstroke sa ilang estado ng India na Bihar, Uttar Pradesh, at Odisha.


Kasalukuyang nakakaranas ng matinding tag-init sa India at isang bahagi ng Delhi ang nakapagtala ng pinakamataas na temperatura sa bansa sa 52.9 degree Celsius (127.22°F) nitong linggo.


Ayon sa mga opisyal, 14 na tao ang namatay sa Bihar noong Huwebes, kabilang na ang sampung taong sangkot sa pag-oorganisa ng pambansang halalan na kasalukuyang ginaganap sa bansa.


Sa pinakamaraming populasyong estado ng Uttar Pradesh sa India, hindi bababa ang namatay noong Biyernes sa siyam na personnel ng halalan, kabilang ang mga security persons.


Iniulat din na may 10 namatay sa ospital ng pamahalaan sa rehiyon ng Rourkela sa Odisha noong Huwebes. Tatlong tao naman ang namatay dahil sa pinaniniwalaang sunstroke sa estado ng Jharkhand, na kalapit ng Bihar, ayon sa local media.

 
 

ni Angela Fernando @News | June 1, 2024


Inihayag ni Pangulong Joe Biden ang kanyang tinawag na “tatlong-yugtong” panukala ng Israel para sa tigil-putukan sa Gaza kapalit ng pagpapalaya ng mga bihag na Israeli.


Iginiit niya ring panahon na para wakasan ang nangyayaring digmaan at umani ito ng positibong reaksyon mula sa Hamas.


Sinabing ang unang yugto o parte ay ang anim na linggong tigil-putukan kung saan ihihinto ng mga pwersang Israeli ang pag-atake sa lahat ng populadong lugar ng Gaza.


Ilang bihag, kabilang ang mga matatanda at kababaihan, ang palalayain kapalit ng daan-daang bilanggong Palestino. Ang mga sibilyang Palestino ay maaaring bumalik sa kanilang mga tahanan sa Gaza at 600 na mga truck kada araw ang magdadala ng tulong sa enclave.


Sa ikalawang yugto, sinabi ni Biden na magkakaroon ng palitan para sa lahat ng natitirang buhay na bihag, kabilang ang mga lalaking sundalo.


Dito aatras ang mga pwersang Israeli mula sa Gaza at magsisimula ang permanenteng tigil-putukan.


Ang ikatlong yugto ay maglalaman ng isang malaking plano para sa muling pagtatayo ng Gaza at ang pagbabalik ng natitirang labi ng mga bihag sa kanilang mga pamilya.


Sinabi ni Biden na natanggap ng Hamas ang panukala mula sa Qatar, at naglabas ng positibong pahayag ang Hamas.


Handa na rin ang Hamas na makipag-ugnayan nang maayos sa anumang panukala patungkol sa permanenteng tigil-putukan, paghinto ng mga Israeli sa pag-atake, muling pagtatayo ng Gaza, pagbabalik ng mga lumikas, at tunay na kasunduan sa pagpapalitan ng mga bihag kung malinaw na ipapahayag ng Israel na sila ay susunod sa nasabing kasunduan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page