top of page
Search

ni Angela Fernando @Technology | Oct. 16, 2024



Nai-close ng tech giant company na Microsoft ang $69 Billion Activision-Blizzard deal nitong taong 2023. Photo: Esports gaming image - Patrick T. Fallon / Bloomberg / Circulated - NYT


Nagsampa ng kaso ang ilang mga video gamers laban sa $69-bilyong pagbili ng Microsoft sa "Call of Duty" developer na Activision Blizzard dahil makakasama raw ito sa kompetisyon ng industriya at magtataas ng mga presyo.


Sa magkakasamang pahayag na isinampa sa federal court sa San Francisco kamakailan, iniulat ng mga gamer at Microsoft na isinasara na nila ang kaso "with prejudice," ibig sabihin, hindi na ito maaaring ihain ulit. Hindi naman idinetalye sa dokumento kung paano nalutas ang kaso, at hindi pa nagbibigay ng komento ang mga abogado ng mga nagsampa ng reklamo.


Nagpahayag naman ang Microsoft na nagkaroon ng kasunduan ang dalawang panig, ngunit tumangging magbigay ng karagdagang detalye. Sa nasabing demanda, ang kasunduan ng Microsoft sa pagbili ng Activision ay lumabag sa batas ng antitrust ng United States at dapat agad wakasan.


Matatandaang ang pribadong kaso ay isinampa nu'ng huling bahagi ng 2022, bago pa magsampa ng kaso ang Federal Trade Commission (FTC) na hindi nagtagumpay sa pagpigil sa kasunduan na matuturing na pinakamalaking acquisition sa kasaysayan ng industriya ng gaming.

 
 

ni Angela Fernando @Overseas News | Oct. 14, 2024



Photo: Nasa sa larawan ay ang Ukrainian journalist na si Victoria Roshchyna. Moscow Times / Circulated / AFP


Nasawi si Victoria Roshchyna, isang Ukrainian journalist na nawala sa isang bahagi ng kanyang bansa, habang nakakulong sa poder ng Russia nu'ng nakaraang buwan, ayon sa mga otoridad ng Ukraine.


Nawala nu'ng Agosto ng nakaraang taon si Roshchyna, 27, habang nasa isang reporting trip sa isang okupadong lugar ng Russia sa Ukraine. Ayon sa Office of the Ukrainian Prosecutor General, Moscow, nu'ng Abril lamang ipinaalam sa pamilya ni Roshchyna na siya ay nahuli at hawak ng Russia, ilang buwan matapos siyang madakip.


“I have official documentation from the Russian side confirming the death of Ukrainian journalist Victoria Roshchyna, who was illegally deprived of her liberty by Russia,” saad ng Ukrainian human rights commissioner na si Dmytro Lubinets.


Sinabi ng mga kasamahan ni Roshchyna na siya ay naglakbay sa teritoryong hawak ng Russia, isang mapanganib na sitwasyon para sa sinumang Ukrainian. Ito ay para sana mag-ulat tungkol sa buhay ng mga tao na naninirahan sa ilalim ng nasabing okupasyon. Naniniwala sila na pinatay ang batang mamamahayag ng mga otoridad ng kalabang bansa.

 
 

ni Eli San Miguel @News | Oct. 13, 2024



Photo: AP Circulated ET


Tinatayang 37 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Lebanon ang darating sa Maynila sa Lunes, kasunod ng mga airstrike ng Israel. Inutusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensiya ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino.


Inanunsiyo ng Presidential Communications Office (PCO) na umalis ang mga OFW na ito mula sa Beirut nitong Sabado, na magdadala sa kabuuang bilang ng mga na-repatriate mula Lebanon sa 442 OFW at 28 dependents, kasama ang siyam na dumating sa Maynila ngayong Linggo.


Nagaganap ang repatriation na ito sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Iran-backed na Hezbollah at Israel, na nagdulot sa Pilipinas na itaas ang Alert Level 3 sa Lebanon noong Oktubre 2023.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page