top of page
Search

ni Angela Fernando @World News | Oct. 31, 2024



Photo: Lebanon Prime Minister na si Najib Mikati / Lebanese Prime Minister's Press Office-AFP / Jalaa Marey-AFP


Nagpahayag ng pag-asa ang Lebanon Prime Minister na si Najib Mikati sa posibilidad na ianunsyo sa loob ng ilang araw ang kasunduan para sa tigil-putukan kasama ang Israel, matapos iulat ng pampublikong broadcaster ng nasabing bansa ang isang draft ng kasunduan na naglalaan ng paunang 60-araw na ceasefire.


Ayon sa dokumentong inilabas ng Kan, na sinasabing isang leaked proposal mula sa Washington, ang ilang mga puwersang Israel ay panandaliang aatras mula sa Lebanon sa loob ng unang linggo ng nasabing 60-araw na tigil-putukan.


Magugunitang ang mga detalye ng tinutukoy na draft ay halos tugma sa mga naunang ulat ng Reuters mula sa dalawang source na may alam sa usapin.


Sinabi ni Mikati na hindi siya naniniwalang posible ang isang kasunduan bago ang eleksyon ng pagka-pangulo sa United States (US), ngunit naging mas positibo ang kanyang pananaw matapos makipag-usap nu'ng Miyerkules sa U.S. Envoy para sa Middle East na si Amos Hochstein, na nakatakdang magtungo sa Israel ngayong Huwebes. "Hochstein, during his call with me, suggested to me that we could reach an agreement before the end of the month and before November 5th," paglilinaw ni Mikati.

 
 

ni Angela Fernando @Business Tech | Oct. 30, 2024



Photo: Snap Inc. - Justin Lane - EPA / Circulated


Nalampasan ng kumpanyang Snap ang inaasahan ng Wall Street na kita at paglobo ng mga users nito kamakailan, matapos makabalik ang ilang mga advertiser sa tulong ng mga tampok sa ads.


Ipinaalam din ng kumpanya ng Snapchat messaging app, na kanila muling bibilhin ang shares na aabot sa $500-milyon.


Bagamat bumagsak ng 8% ang stocks ng Snap sa after-market trading, agad itong nakabawi at naabot ang 10% na pagtaas.


Matatandaang malaki man ang kinikita ng Snap mula sa digital advertising, nahaharap pa rin ito sa mga dambuhalang kakumpitensya tulad ng Meta Platforms, na nagmamay-ari ng mga kilalang applications na Facebook at Instagram.


Gayunman, tinugunan ito ng Snap at namuhunan sa machine learning upang mapabuti ang ad targeting nito at gawing mas madali para sa maliliit at hindi kalakihang mga negosyo na mag-advertise gamit ang Snapchat.

 
 

ni Angela Fernando @Overseas News | Oct. 27, 2024



Photo: Nasa larawan sina Michelle Obama at Kamala Harris matapos ang speech nito - AP / Melissa Perez Winder


Ipinanawagan ni Michelle Obama na suportahan ang kandidato sa pagka-presidente na si Kamala Harris sa ginanap na rally nito habang umapela naman si Donald Trump sa mga botanteng Muslim sa Michigan.


Matatandaang naglalaban sa Michigan sina Harris at Trump para sa mga botante, kabilang ang Arab American at Muslim na populasyon na nababahala sa pambobomba ng Israel sa Gaza.


Kabilang sa mga nasabing botante ang unyon ng mga manggagawa na nag-aalala kung paano maapektuhan ng mga electric vehicle ang industriya ng auto sa United States (US) na nakabase sa Detroit, ang pinakamalaking lungsod ng estado.


Magaganap ang araw ng halalan sa Nobyembre 5, ngunit nagsimula na ang maagang pagboto sa Michigan, tulad ng sa maraming estado.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page