top of page
Search

ni Eli San Miguel @World News | Nov. 19, 2024



Image: Donald Trump - Al Jazeera


Kinumpirma ni President-elect Donald Trump na balak niyang magdeklara ng national emergency sa seguridad ng border at gamitin ang militar ng US para sa malawakang deportasyon ng mga undocumented migrant.


Binigyang-diin ni Trump ang isyu ng imigrasyon, na nangangakong mag-deport ng milyun-milyon at patatagin ang border sa Mexico matapos ang rekord ng ilegal na pagtawid ng mga migrante sa administrasyon ni President Joe Biden.


Sa kanyang social media platform na Truth Social, muling ibinahagi ni Trump ang isang post mula sa isang konserbatibong aktibista na nagsasabing "[the president-elect is] prepared to declare a national emergency and will use military assets to reverse the Biden invasion through a mass deportation program."


Kasabay ng repost, nagkomento si Trump ng "True!"


Naipanalo ni Trump ang isang kahanga-hangang pagbabalik sa pagkapangulo matapos ang kanyang tagumpay noong Nobyembre 5 laban kay Democratic Vice President Kamala Harris.

 
 

ni Eli San Miguel @World News | Nov. 17, 2024



Image: Circulated-MPOX


Ayon sa mga opisyal ng kalusugan nitong Sabado, nakumpirma ang kauna-unahang kaso sa United States, ng bagong uri ng mpox na unang nakita sa silangang Congo.


Naglakbay ang pasyente sa silangang Africa at ginamot sa Northern California pagbalik, base sa California Department of Public Health.


Patuloy na gumagaling ang pasyente at mababa ang panganib sa publiko. Naka-isolate ang indibidwal sa bahay, at nakikipag-ugnayan ang mga health worker sa mga ‘close contact’ bilang pag-iingat, ayon sa state health department.


Ang mpox ay isang bihirang sakit na dulot ng impeksyon mula sa isang virus na kabilang sa parehong pamilya ng virus na nagdudulot ng smallpox.


Endemic ito sa ilang bahagi ng Africa, kung saan ang mga tao ay nahahawa mula sa kagat ng mga daga o maliliit na hayop.

 
 

ni Eli San Miguel @News | Nov. 16, 2024



Photo: Bagyo / typhoon - Presidential Communications Office


Nararanasan ng Pilipinas ang tumitinding epekto ng climate change sa mundo habang naghahanda ang mga Pilipino para sa Super Typhoon “Pepito,” ang ika-anim na bagyong tumama sa bansa sa loob lamang ng isang buwan.


Nakararanas na rin ng pagkalito ang mga siyentipiko at eksperto mula sa National Aeronautics and Space Administration (NASA) ng United States sa ganitong sitwasyon.


Sinabi ng Administrator ng Office of Civil Defense (OCD), Undersecretary Ariel Nepomuceno, na ang sunud-sunod na pagkabuo ng mas malalakas na bagyo na tumatama sa bansa na may maikling pagitan, ay hindi maitatangging epekto ng climate change.


“No debate, this is an effect of climate change. We are in the middle of it all and climate change worsens the typhoons coming into our country. We have been hearing complaints from communities left and right that they were not affected by flooding before, now their communities are getting swamped,” ani Nepomuceno sa isang media forum ngayong Sabado.


Nagbabala naman ang OCD na magdudulot ang Bagyong Pepito ng matinding banta sa Rehiyon ng Bicol, taglay ang pinakamalakas na hangin na 185 km/h, bugso hanggang 230 km/h, at malalakas na hangin na umaabot hanggang 440 km mula sa sentro nito.


Inaasahan ang mapanganib na storm surge na higit sa tatlong metro ang taas sa mga mabababang lugar sa baybayin, kabilang ang Ilocos, Isabela, Gitnang Luzon, Metro Manila, Calabarzon, Bicol, at ilang bahagi ng Samar at Leyte.


Posibleng mag-landfall ito sa silangang baybayin ng Quezon o Aurora sa Linggo. Ito ay kasunod ng limang bagyo—Kristine, Leon, Marce, Nika, at Ofel—na tumama sa bansa sa loob lamang ng isang buwan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page