top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | September 27, 2023



ree

Kinuwestiyon ni Sen. Raffy Tulfo ang pagkakaroon ng mga VIP lounge sa mga paliparan sa bansa at sinabing ang mga ito ay dapat na gawing lounge para sa overseas Filipino workers (OFWs).


Ginawa ni Tulfo ang pahayag sa pagdinig ng Senate committee on migrant workers sa Senate Bill 2077 o Balikbayan Hub Act, na layuning lumikha ng mga hub na may tulugan, shower, banyo, at komplementaryong pagkain at inumin para sa mga OFW.


“Alisin na kaya natin ‘yung mga VIP lounge na ‘yan? Sino ba ‘yung mga VIP na dapat uupo doon, pupunta doon? Imbes na mga VIP lounge na ‘yan na ang lalaki, eh bakit hindi na lang natin i-convert sa OFW lounge mga ‘yun?” mungkahi ni Tulfo.


Ayon pa sa senador, “unnecessary” ang mga VIP lounge.


“Kasi ‘yung mga VIP can afford naman sila kumuha ng Mabuhay Lounge, 'di ba? Can afford naman silang dumating ng late kasi nga VIP naman sila. Kung minsan iniintay pa ng eroplano. Eh, ‘yung mga OFWs natin pumupunta nang maaga tapos nade-delayed ‘yung flights. Natetengga sila d'yan sa paligid-ligid,” paliwanag ng senador.


Sa panig ni Manila International Airport Authority (MIAA) OIC Senior Assistant General Manuel Gonzales, inihayag niya na maganda ang mungkahi ng senador.


Idinagdag ni Gonzales, na gumagawa na ang MIAA ng memorandum of agreement sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa paglalagay ng hub sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).


Binanggit naman ni OWWA Administrator Arnel Ignacio na nais nilang magkaroon ng mapagtatambayan ang mga OFW sa NAIA Terminal 3. Naglaan umano sila ng P7 milyon para sa renovation.


Hiniling naman ni Department of Migrant Workers (DMW) OIC Undersecretary Hans Leo Cacdac, na isama ang lahat ng uri ng OFWs sa naturang panukala.



 
 

ni BRT @News | September 17, 2023



ree

Isinusulong ang House Bill (HB) 00176 o ang Overseas Filipino Workers Retirement System Act nina Rep. Caroline Tanchay at Rep. Rodante Marcoleta at ang HB 8574 o ang Kabayan OFW Pension Act ni Rep. Ron Salo.


Layon ng dalawang panukala na maibsan ang pag-aalala ng mga OFW kapag sila’y magreretiro na.


Suportado ng maraming sektor ng gobyerno ang panukala, kasama na rito ang Commission on Human Rights (CHR).


Isusulong ng HB 00176 ang pagkakaroon ng retirement system na magbibigay ng retirement benefits ang OFWs, pension para sa kanilang dependents, voluntary separation benefits, at isang set ng retirement fund.


Layon naman ng HB 8574 na isulong ang social justice at pagkakaroon ng sapat na proteksyon ang OFWs at kanilang dependents sa kanilang pagtanda, pagkakasakit, kamatayan, unemployment at iba pang biglaang pangangailangan.



 
 

ni Gina Pleñago @News | September 4, 2023



ree

Tinulungang makauwi sa Pilipinas ang nasa 100 distressed overseas Filipino workers (OFWs).

Nagmula sa Kuwait ang mga OFW na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Biyernes ng umaga, sakay ng Gulf Air.

Ang mga OFW ay tinulungan ng mga opisyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Sa ulat ng OWWA, ang karaniwang dahilan ng mga Pilipino para sa pagpapauwi sa kanila ay ang pagmamaltrato ng kanilang mga amo, hindi wastong dokumentasyon, paglabag sa kontrata, pagkaantala ng suweldo at panghahalay na nagiging dahilan ng kanilang pagtakas sa abusadong employers.

Batay sa ilang airport authorities, may mga repatriates na tama ang dokumentasyon mula sa gobyerno ng Pilipinas kaya mas madaling nailigtas at nabigyan ng tulong.


Gayunman, may ilang OFWs na umaalis bilang turista pero nagtrabaho abroad kaya mahirap matulungan dahil ang kanilang mga travel documents ay hindi wasto at umano’y pinalulusot lamang ng mga illegal recruiter na may kasabwat na empleyado sa airport.


Ang Bureau of Immigration (BI) ay isang member-agency ng IACAT na inatasang magsagawa ng assessment sa mga papaalis na Pilipino upang matiyak ang tamang dokumentasyon.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page