top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Sep. 19, 2024



Dear Maestro,


Magsa-sampung taon na kaming kasal ng mister ko sa December 10. Mula nang kami’y nagsama, pangarap na naming magkaroon ng sariling bahay at lupa. Ngunit hindi ito matutupad kung ang maliit na suweldo lang naming mag-asawa ang aming aasahan. Sa ngayon, pareho kaming factory worker sa isang pabrika.


Kaya naman gusto ko sanang humingi ng masuwerteng numero para matupad na ang pangarap namin na magkaroon ng maliit na bahay at sarili talaga namin ang lupa. 

Matutupad ba ang pangarap namin? May 16, 1985 ang birthday ko habang August 31, 1978 naman ang mister ko. At sana mabigyan n’yo rin kami ng mapalad na numero dahil paminsan-minsan ay tumataya rin kami sa lotto.


Umaasa,Aileen ng Real, Cardona, Rizal

Dear Aileen,


Ayon sa sa birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) at destiny number na 8 (5+16+1985=2006/ 20+06=26/ 2+6=8), habang 31 o 4 (ang 31 ay 3+1=4) naman ang birth date ng mister mo na may destiny number na 1 (8+31+1978=2017/ 20+17=37/ 3+7=10/ 1+0=1), ay nagsasabing mapalad kayong mag-asawa sa mga numerong may sumatotal na 1, 4 at 7, tulad ng 1, 10, 19, 28, 37, 13, 22, 31, 40, 16, 25, 34 at iba pang kauri nito, lalo na sa tuwing sasapit ang buwan ng Mayo at Oktubre. Bukod sa numerong may sumatotal na 1, 4 at 7, maaari dingsubukan ang 1, 14, 20, 23, 28 at 35, ganundin ang 7, 19, 25, 28, 37 at 44.


Dagdag pa rito, upang mas madaling mahigop ang suwerte at magandang kapalaran, kailangan n’yo ding palaging gamitin ang masuwerte n’yong kulay na berde at pula upang mas madali n’yong maakit ang buwenas na may kaugnayan sa salapi at materyal na bagay.


Upang masigurado ang malaking panalo sa anumang sasalihang pa-raffle o number games, maghanap kayo ng lotto outlet na kasukob ng opisina o kasama sa compound ng isang telecommunication o publication company, maaari ring isang lotto outlet na katabi ng isang computer café dahil ang mga nasabing lotto outlet ang magpapatama sa inyo ng jackpot.


Ayon sa Decadens ng Kapalaran, sa sandaling sinunod n’yo ang mga simpleng rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2025, sa edad mong 40 pataas, malaking halaga ng salapi ang inyong maibubulsa, sapat na ito upang makabili kayo ng house and lot o lupa hanggang sa tuluyan n’yo na ring masimulang ipagawa ang inyong dream house.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 17, 2024



Dear Maestro, 


Gusto kong malaman kung ka-compatible ko ba ang live-in partner ko. Madalas na kaming mag-away, iniisip ko tuloy na baka may iba na siyang babae, kaya palagi niya akong inaaway. Tama ba ang hinala ko na may iba na siya, kaya parang nagbago na ang pagtingin niya sa akin? 


Isinilang ako noong July 2, 1992, habang ang ka-live-in ko ay isinilang noong October 9, 1989. 


Maestro, compatible ba kami? Siya na rin kaya ang makakatuluyan at makakasama ko habambuhay?

Umaasa,

Alicia ng Balite, Rodriquez, Rizal



Dear Alicia,


May babae man o wala ang kasalukuyan mong live-in partner, maaari ngang hindi rin magtagal ang inyong relasyon, sapagkat ang zodiac sign mong Cancer ay hindi naman compatible sa zodiac sign niyang Libra. 


Ang Cancer ay under sa elementong tubig, habang ang Libra ay under sa elementong hangin, ibig sabihin, sa pagsasama ng hangin at tubig ay walang mangyayaring mainit na relasyon at panghabambuhay na pag-iibigan. 


Habang sa Numerology, ang birth date mong 2 ay hindi rin gaanong angkop o tugma sa birth date na 9 ng iyong live-in partner. Ibig sabihin, sa halip na iniisip mong magtatagal pa ang inyong relasyon, ang mas maganda, ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang inyong paghihiwalay. Sa ganyang paraan, kapag naganap na ang nasabing negatibong senaryo, hindi ka gaanong malulungkot, masasaktan at manghihinayang. 


Sa susunod na pag-ibig, maghanap ka ng lalaking ka-compatible mo, sila ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Pisces, Scorpio, Capricorn at kapwa mo Cancer, na may birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19 at 28. Sa piling ng nasabing mga lalaki, may pangako ng isang maligaya at panghabambuhay na relasyon. 


Tulad ng naipaliwanag sa itaas, kung natatabangan na sa iyo ang kasalukuyan mong partner, tanungin mo siya kung ayaw na niya sa iyo at kung ‘oo’ ang kanyang sagot, palayain mo na siya upang ikaw ay makalaya na rin sa relasyong hindi naman kayo compatible at hindi naman kayo kapwa magiging maligaya. 


Dapat hangga’t maaga ay magkalinawan na kayo nang sa gayun, habang wala pa kayong anak, mas mainam nang matapos ang inyong relasyon kaysa naman kapag may anak na kayo ay saka pa kayo maghihiwalay. 


Tandaan mo, hindi mo siya ka-compatible, kaya hindi rin magtatagal ang kasalukuyan n’yong relasyon na nakatakdang matapos sa taon ding ito, at sa pagsapit ng taong 2025, sa buwan ng Mayo, sa edad mong 33 pataas, lulutang at darating ang ikalawang lalaki sa iyong karanasan na siya na ngang nakatakda mong makasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya, ang nasabing lalaki ay nagtataglay ng zodiac sign na Scorpio.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 16, 2024



Dear Maestro,


Matagal na akong sumusubaybay sa mga artikulo n’yo, pero naguguluhan pa rin ako, lalo na sa Numerology. 


Gusto ko lang malaman kung paano ba malalaman na strong o weak ang isang tao, sa destiny number ba o sa birth date? 


Isinilang ako noong July 2, 1997,  hindi ko tiyak sa sarili ko kung isa ba akong strong number, kasi ang birth date ko ay 2, na isang “weak number”, at ang destiny number ko naman ay 8 na isang “strong number”. 


Alin ba ang masuwerteng numero na dapat kong gamitin?

Umaasa,

Mhelay ng Dagang, Paracale, Camarines Norte



Dear Mhelay,

Siyempre sa simula wala ka munang pagbabatayan kung “weak number or weak personality” ka ba, o “strong number or strong personality” ka.


Oo, wala ka munang pagbabatayan sa katulad ng iyong sitwasyon na may weak birth date na 2, at may strong destiny number na 8, mula sa birthday mong July 2, 1997 na ganito kinokompyut: 7+2+1997=2006/ 20+06=26/ 2+6=8.  


Uulitin ko, wala ka munang pagbabatayan, sa halip pakiramdaman mo muna ang iyong sarili o analisahin mo muna ang iyong pagkatao sa pamamagitan ng mga sumusunod na tanong:


Una, ikaw ba ay dominanteng kaibigan o gusto mo ikaw lagi ang nasusunod? O baka naman ikaw ay mapagpaubaya, at hinahayaan mo lang ang mga kaibigan mo ang nasusunod?


Pangalawa, ikaw ba ay mahilig sa kulay na pula, itim, berde, pink, at iba pang mapupusyaw at matitingkad na kulay?


Pangatlo, sinu-sino ang mga kaibigan mo? Mas marami ba sa kanila ang weak o strong number?


Sa tatlong simpleng katanungan, doon mo matutuklasan at malalaman kung ano ang namamayani sa iyong pagkatao, ang weak birth date mo bang 2, o ang strong destiny number mong 8.


Base naman sa tanong mo kung ano ang mas masuwerte ang weak number mo bang 2, o ang strong number mong 8, depende iyon sa suwerteng gusto mong makamit o mangyari sa buhay mo. Halimbawa, kung suwerteng pampulitika ang pag-uusapan, mas maganda ang weak number na 2, pero kung pagyaman naman ang gusto mo na may kahalong kalungkutan, mas maganda ang strong number na 8.


Samakatuwid, ang pagpili sa isang numero ay depende pa rin sa gusto ng isang tao kung ano ang gusto niyang maging paglaki niya, at ano ba ang gusto niyang mangyari sa kanyang buhay. Sapagkat doon nakabatay ang suwerte o numerong mga dapat mong piliin at gamitin sa buhay.


Kapag pera ang gusto mo, pero medyo malungkot piliin mo ang numerong 8. 

Samantala, kapag politika o pagsikat na itataas ka sa pedestal ng karangalan, piliin mo ang numerong 2 at 7, kapag bet mo naman ang sports, competition at mga pakikipagsapalaran piliin mo ang numerong 9, na kaakibat ang planetang Mars.


At tulad ng nasabi na, depende sa gusto mong gawin sa buhay mo ang idudulot sa iyong enerhiya, suwerte o tadhana ng numerong mula 1 hanggang 9.


Ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran, anumang numero ang mamayani sa iyo, sa taong 2025 hindi na mapipigil at mapapasubalian ang nakatakda, sa nasabing panahon sa edad mong 28 pataas, magsisimula nang dumating sa iyong kapalaran ang maraming suwerte at magandang oportunidad sa lahat ng aspeto ng iyong buhay, lalo na sa larangan ng pagsikat, pag-ibig at materyal na mga bagay hanggang sa yumaman ka.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page