top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 2, 2024


Dear Maestro,


Bakit kaya sa tuwing mag-a-abroad ako ay palaging nagkakaaberya? 

Noong 2023, aalis na sana ako, pero hindi ako natuloy dahil bigla naman akong nagkasakit. 


Nakapag-abroad naman na ako ngayong taon, kaya lang hindi ko naman natapos ang aking kontrata at napauwi rin agad ako. 


Nakakapagtaka lang, dahil ganu’n din ang nangyari sa kapalaran ng mister ko. Malakas naman ang kumpanyang pinapasukan niya at mapo-promote na sana siya, ang kaso naudlot iyon dahil biglang nag-lockdown. 


Naguguluhan tuloy ako sa buhay namin ngayon. Kaya naman naisipan kong sumangguni sa inyo dahil gusto kong mawala ang mga kamalasang nangyayari sa buhay namin. Kaya sana ay matulungan n’yo kami alang-alang na lamang sa aming mga anak. 


Maestro, sa paanong paraan kaya mawawala ang kamalasan at kailan kaya kami magsisimulang umunlad?  


Ang birthday ko ay February 5, 1989, habang August 14, 1985 naman ang mister ko.


Umaasa,

Eva ng Malanday, San Mateo, Rizal



Dear Eva,

Kapansin-pansing kapwa kayong Taong Singko (5) ng mister mo. Kung saan, ikaw ay isinilang sa petsang 5, habang ang mister mo naman ay isinilang sa petsang 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5), na nakakatuwa ring makitang pinagkalooban kayo ng magandang lagda o maayos na pirma. Ibig sabihin, may magaganda pang kapalaran ang tiyak na darating sa inyo. Pero hindi mo pa ito pinapapasok o pinapatuloy sa inyong bahay o sa inyong buhay.


Magagawa mong papasukin ang suwerte at magagandang kapalaran kung sisimulan mo na ngayon ang mga ganitong pamamaraan: Una, silver o kaya ay metallic blue ang dapat ninyong gamiting kulay. Sa ganyang paraan, unti-unting gaganda ang inyong kapalaran. Bukod sa silver at metallic blue, puwede n’yo rin gamitin ang kulay na gray, aluminum o stainless.


Pangalawa, sa parte mo naman, mapalad ka pagdating sa batong amethyst, habang ang batong sardonyx naman ang suwerte para sa mister mo, higit lalo kung ang mga batong nabanggit ay ipapalamuti sa silver na singsing.


Pangatlo, kailangang lagyan n’yo rin ng bahagyang pagbabago o inobasyon ang iyong lagda, partikular ang letrang “m” buhayin mo ito at lagyan mo ito ng mahabang paa na dapat matapos sa pa-straight line. Sa ganyang paraan, tuluy-tuloy na darating ang mga paparating na suwerte at magandang kapalaran sa inyo.


Pang-apat, maikling buhok lang ang dapat dahil ang mahabang buhok ay hindi tugma sa maganda n’yong kapalaran. Sa madaling salita, kung iiklian o ipapuputol n’yo ang inyong buhok, tiyak na magsisimula na ring umasenso at gumanda ang inyong buhay.


Pero dapat hanggang batok o leeg lang upang magningning nang todo ang inyong aura na siyang sasagap ng mas marami pang magagandang kapalaran.

At panghuli, mapalad kayong mag-asawa sa tuwing sasapit ang petsang 5, 14, 23, 8, 17, 26, 9, 18 at 27, higit lalo kung natapat ang mga petsang iyan sa araw ng Miyerkules, Sabado, at Biyernes. 


Kusa namang iigting ang mabuti n’yong kapalaran mula sa ika-23 ng Disyembre hanggang ika-23 ng Pebrero, mula sa ika-23 ng Hulyo hanggang ika-23 ng Setyembre.

Sa sandaling nasunod n’yo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas, tiyak ang magaganap, mawawala na ang mga kamalasang inyong nararanasan, at mapapalitan na ito ng suwerte at mas marami pang magagandang kapalaran.  Kasabay nito, tuluy-tuloy ding uunlad ang inyong buhay. 


Ayon sa Decadens ng Kapalaran, magsisimulang mangyari at maganap ito sa susunod na taong 2025, sa edad mong 36 pataas, habang 40 pataas naman si mister.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | August 31, 2024


Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo para itanong ang tungkol sa ilang mga bagay hinggil sa compatibility. 


Sa ngayon ay may girlfriend ako na isinilang noong May 7, 1997, habang ako naman ay isinilang noong September 13, 1996.


Maestro, magka-compatible ba kami? May isa pang babae na sobrang napalapit sa akin, hindi ko naman siya girlfriend, pero sobrang gaan ng loob namin sa isa’t isa. Ang babaeng tinutukoy ko ay isinilang noong November 27, 1998. Sino kaya sa dalawang babaeng ito ang makakatuluyan ko upang magkaroon ako ng isang maunlad at masayang pamilya balang araw? Kung sakaling mag-aasawa na ako, sino sa kanila ang mas ka-compatible ko? 


Umaasa, 

Kalid ng Bagumbayan North, Navotas City



Dear Kalid,


Sa madaling salita, ikaw ay isinilang sa zodiac sign na Virgo, habang ang girlfriend mo ay isang Taurus at ang babaeng napalapit sa loob mo ay isa namang Sagittarius.


Sa teorya ng compatibility higit mong ka-compatible si Ms. Taurus na girlfriend mo na may birthday na May 7, 1997 kung ikukumpara kay Ms. Sagittarius na isinilang noong November 27, 1998, sapagkat ang zodiac sign mong Virgo na may elementong earth o lupa ay suwetung-suwetong isama kay Ms. Taurus o sa girlfriend mo na nagtataglay din ng elementong earth o lupa. Kung saan, walang alinlangang tugmang-tugma nga ang Virgo at Taurus. 


Uulitin ko na naman, ibig sabihin suweto kayong dalawa ng kasalukuyang girlfriend mo na may birth date na May 7, 1997 at talaga namang swak kayo sa isa’t isa. Kapag siya ang iyong napangasawa, tiyak ang isang maligaya at panghabambuhay na relasyon.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | August 26, 2024


Dear Maestro,


May dyowa akong tomboy, at okey naman ang pagsasama namin. 


Maestro, nais ko sanang malaman kung panghabambuhay na ba ang aming relasyon kahit na marami ang kumokontra sa amin? 


Dati na akong nagkaroon ng nobyo, pero niloko niya lang ako. Kaya naman talagang masasabi ko ngayon na mas maligaya ako sa kasalukuyan kong dyowa. 


Inaaaya na niya akong magsama, tutal pareho naman kaming may work, para hindi na umano kami magkahiwalay pa.


Dapat ba talaga akong makisama sa kanya? Siya na rin kaya ang makakasama ko habambuhay?  


Isa akong Aries na isinilang noong April 9, 1998, habang isa naman siyang Scorpio na isinilang noong November  12, 1997.


Umaasa,

Erika ng Bambang, Bocaue, Bulacan



Dear Erika,


Sadyang malaki ang posibilidad na kayo na nga ang magsama habambuhay.


Sapagkat, ayon sa Depth Astrology o angtinatawag nating malalimang pagsusuri ng mga planetang nagkukubli sa bawat zodiac sign, tunay ngang ang Aries na zodiac sign mo ay nagtataglay ng ruling planet na Mars, tulad ng ruling planet ng Scorpio na nagtataglay din ng planetang Mars.


Ibig sabihin, tunay ngang magkaparehong planeta ang umiiral sa inyong kapalaran, kaya madali kayong pinagtagpo ng tadhana, at pagkatapos pagtagpuin ay naghigupan ng damdamin at lakas. Dagdag dito, masasabi ring madali kayong nagkaroon ng kakaibang atraksyon sa isa’t isa na maaaring sa bandang huli, kayo na nga ang magkatuluyan at magsama habambuhay, kahit sabihin pang parehong kayong babae sa pisikal o panlabas na anyo.


Samantala, sa pangkalahatang obserbasyon pangkaraniwan na ang inyong relasyon. Alam naman nating lahat at madalas din naman nating sabihin na nakakapagtakang nagiging ka-compatible ng isang Scorpio ang halos lahat ng zodiac sign.


Dahil para sa isang Scorpio, walang ibang mas mahalaga kundi ang unique, kakaibang panlasa sa larangan ng relasyon at kakaibang panlasang sekswal. Kung saan sa kaibuturan ng kanilang pagkatao, sa ganu’ng kakaiba at ‘di pangkaraniwang relasyon sila tunay na lumiligaya at nasasarapan.


Dagdag pa rito, nagkataon din ang birth date mong 9 ay katugma ng birth date na 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3) ng dominanteng karelasyon mo dahil ang inyong mga numero ay parehong napapabilang sa series of 3-6-9.


Kung ang karelasyon mo ay may kayumangging kulay ng balat na siyang madalas makahigop o makaakit ng mga isinilang sa zodiac sign na Aries, at madalas ding gumagamit ng pula, itim at nagsusuot ng sumbrero o cap. Tiyak na ang magaganap, marami man ang kumontra sa relasyon n’yo, wala silang magagawa dahil sa bandang huli, iiral pa rin ang pagiging magka-compatible n’yo kaya walang puwersang makakahadlang sa inyong pagmamahalan. Dahil dito, panghabambuhay na kayong magsasama na para bang isang tunay at totoong mag-asawa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page