top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 7, 2024



Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo para malaman ko kung ano ba ang mangyayari sa kapalaran ko, lalo na pagdating sa aking love life. 


Pansin ko kasing palagi na lang akong nabibigo sa pag-ibig. Sa katunayan, nakaka-tatlong boyfriend na ako, pero niloloko at iniiwan lang nila ako. 


Gusto ko nang mabago ang kapalaran ko kasi napapagod na rin akong magmahal.  

Sa ngayon, isa akong single mom dahil naghiwalay din kami ng live-in-partner ko. Sumama siya sa ibang babae matapos niya akong maanakan. 

Maestro, may pag-asa pa kayang mabago ang takbo ng aking kapalaran? 


Gusto ko nang lumigaya sa pag-ibig at makatagpo ng isang masaya at panghabambuhay na karelasyon o pamilya.  


Ang birthday ko ay October 4, 1999. 

Umaasa,

Luna del Sol ng Pajo, Alfonso, Cavite



Dear Luna del Sol,


Ayon kay Sigmund Freud, ang panaginip ay siya ring “royal road to the unconscious,” o sa mas simpleng paliwanag, matutuklasan mo ang laman ng unconscious mind or unconscious self mo sa pamamagitan ng pagtuklas ng natatagong kahulugan sa iyong panaginip. 


Ang lagda at handwriting ng isang indibidwal ay isa ring daan upang matuklasan mo ang natatagong laman ng unconscious mong isipan o isang tao.


Pero bakit ko nga ba ito nasabi? Nangyaring ganu’n, sapagkat pinaniniwalaang kapag maganda ang lagda o pirma ng isang indibidwal at tumugon ding ang kanyang magandang handwriting, posible o malaki ang tsansa, na siya rin ay may maayos at okey na unconscious mind o unconscious self, at ito rin ay indikasyon na okey o magandang kapalaran.


Kumbaga, ang signature, lagda o pirma ay siya ring representasyon o pagpapakilala natin sa lipunan. 


Tunay ngang makikita sa lagda at sulat kamay kung ano ang nasa loob ng ating isipan at tinatagong pagkatao, na sa bandang huli ay ito rin naman ang ating magiging takdang kapalaran.


Kaya kapag nababoy at nabubura o sadyang napakapangit ng lagda, ito ay nangangahulugan na ang nasabing indibidwal ay may magulo at hindi maayos na unconscious mind o unconscious self, kung kaya’t madalas siyang nabibigo sa buhay at sa anumang larangang kanyang ginagampanan.


Palagi kang nabibigo pagdating sa pag-ibig, dahil magulo at nababoy kasi ang iyong lagda. Dapat simpleng lagda lang, hindi ‘yung binurara at binaboy. Hindi rin dapat nagkakapatung-patong ang mga letra sa iyong pirma. 


Kaya para mabago ang laman o representasyon ng unconscious self mo, dapat mong baguhin ang iyong lagda. 


Ganito ang gawin mo, pagsumikapan mong makalikha ng simpleng “A” sa unahang bahagi ng iyong lagda na walang malaking bilog sa tuktok at sa paa.


Iwasan mo ring pumirma na tila pasubsob ang pagkakahapay. Sa halip, sikapin mong ituwid o kaya naman ay sikapin mong idiretso ang tindig ng mga letra. ‘Wag na ‘wag mong ihahapay ang iyong pirma sa direksiyong pakaliwa, dahil ang kaliwang direksiyon ay kawalang pag-asa. Kaya kung hindi mo maituwid ang mga letra at salita, puwede ring ihapay mo sa direksiyong pakanan. Dahil ang direksiyong pakanan naman ay sumisimbolo ng pag-asa, panibagong sigla at isang mas maaliwalas na umaga sa iyong buhay. 


Habang ang lagda naman na tuwid lang o diretso pati na rin ang sulat kamay na tuwid lang o diretso ay naglalarawan naman ng “kasalukuyan” na ibig sabihin nito, hindi ka nababagabag sa kahapon at lalo namang hindi ka nag-aalala sa kinabukasan. Sa halip, kampanteng nakatuon ang isipan mo sa kasalukuyan, kaya mas madali mong mapipitas ang isang tagumpay at mas maligayang pamumuhay.


Dagdag, dito dapat mo ring paghiwa-hiwalayin at ‘wag na ‘wag pagpatung-patungin ang mga letra sa iyong lagda.


At pang huli, kapag tinapos mo ang iyong apelyido sa iyong pirma, hindi mo na dapat pang ibalikwas pakaliwa ang dulong letrang “n”.  Sa halip, ituluy-tuloy mo lang na tapusin ang pirma sa direksiyong pakanan nang hindi na binabalik pa sa kaliwa ang ikalawang paa o kanang paa ng letrang “n”.


Sa ganyang pirma, hindi na nababoy, walang bilog sa tuktok ng letrang “A”,  hindi na naburara, at pasubsob sa direksiyong pakaliwa ang dulong stroke ng lagda, tulad ng naipaliwanag na, hindi pa huli ang lahat, sa takdang panahong inilaan ng tadhana, makakasumpong ka na ng isang wagas at panghabambuhay na kaligayahan sa piling ng isang lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Gemini na may birth date na 7, 16 at 25, na nakatakdang mangyari at maganap sa taong 2025 sa buwan ng Hulyo, at sa edad mong 25 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 6, 2024



Dear Maestro,


Matagal na akong tumataya sa lotto. Gusto ko na kasing ipatapos ang bahay namin na nasimulan noong January 2022. 


Sa ngayon, luma at nilumot na ang haligi at dingding na hollow blocks dahil kinapos kami sa budget.


Sana mabigyan n’yo ako ng masuwerteng numero sa lotto para mapatapos na namin ang ipinapagawa naming bahay. 


Maestro, balak din sana naming magnegosyo ng tindahan. Bagay ba sa aming mag-asawa ang negosyong ito? October 13, 1974 ang birthday ko, habang February 5, 1971 naman ang mister ko.

Umaasa,

Jackilyn ng Banaba, San Mateo, Rizal



Dear Jackilyn,


Ang birth date mo ay 13 o 4 (ang 13 ay 1+3=4) at ang zodiac sign mo ay Libra, habang ang birth date naman ng mister mo ay 5, na may zodiac sign na Aquarius ay nagsasabing suwerte nga kayo sa negosyo, lalo na ang mga kalakal na may kaugnayan sa pagkain, gayundin ang mga produkto na may kaugnayan sa sari-sari store at grocery. Puwede rin sa inyo ang negosyong bigasan at iba pang basic need o mga produktong pang-araw-araw na kailangan ng mga tao. Sa nasabing negosyo, roon kayo uunlad hanggang sa tuluyang yumaman at umasenso


Samantala, bukod sa sarili mong numero na 13 o 4 at 5 naman si mister, mapalad ka rin sa lahat ng numerong may sumatotal na 3, 7 at 9, tulad ng 12, 21, 30, 16, 25, 34, 18, 27, 36, 45 at iba pang kauri nito.


Puwede mo ring subukan ang 4, 15, 23, 28, 35 at 40, ganundin ang 1, 19, 22, 31, 37 at 41. Maaari ka ring humugot ng kumbinasyon mula sa Cabalistic of Knowledge, 918/ 254/ 124/ 277.


Upang masigurado ang malaking panalo, maghanap ka ng lotto outlet na pula ang dingding o rehas. Ang nasabing lotto outlet ang magpapatama sa iyo ng jackpot sa takdang panahong inilaan ng kapalaran.


Sa pagnenegosyo, ‘wag ding kalilimutang gumamit ng matitingkad na kulay tulad ng pula at apple green, habang iwasan naman ang mapusyaw o matatamlay na kulay.


Sa sandaling nasunod n’yo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad, tiyak ang magaganap sa 2025, sa edad mong 51 pataas habang 54 naman ang iyong mister, uunlad na ang inyong negosyo, matutupad na ang inyong pangarap, hanggang sa tuluyan na kayong yumaman at makapagpagawa sa isang tahimik na lugar at masarap tirahan ng isang bago, mas malaki, maganda at magarang bahay.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 4, 2024



Dear Maestro,


May boyfriend ako ngayon, kaso kaibigan lang ang turing ko sa kanya dahil parang mahal ko pa ang ex-boyfriend ko. Hindi ko talaga alam kung sino mas ka-compatible ko, ‘yung ex ko o ang boyfriend ko? Ang birthday ng boyfriend ko ay February 7, 1994 at ‘yung ex-boyfriend ko naman ay isinilang noong May 28, 1993, habang ako naman ay isinilang noong March 14, 1994. 


Sana’y mabigyan n’yo rin ako ng advice para mas maging maligaya ang lovelife ko. 


Umaasa,

Anne Lyn ng Maligaya, Cabiao, Nueva Ecija

 

Dear Anne Lyn,


Sa madaling salita, ikaw ay isinilang sa petsang 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5) sa destiny number na 4 (3+14+1994=2011/ 20+11=31/ 3+1=4), sa zodiac sign na Pisces, habang ang kasalukuyan mong boyfriend ay may birth date na 7 sa destiny number na 5 (2+7+1994=2003/ 20+03=23/ 2+3=5) sa zodiac sign na Aquarius.Samantala, ang ex-boyfriend mo ay may birth date na 28 o 1 (ang 28 ay 2+8=10/ 1+0=1) sa destiny number na 1 rin (5+28+1993=2026/ 20+26=46/ 4+6=10/ 1+0=1) sa zodiac sign na Gemini.Ibig sabihin, malinaw ang tugon, ang tunay mong ka-compatible ay ang kasalukuyan mong boyfriend, sapagkat kapareho mo siya ng destiny number.Dagdag pa rito, ang Pisces na zodiac sign mo ay tugma sa birth date niyang 16 o 7 at ang zodiac sign naman niyang Aquarius ay tugmang-tugma sa destiny number mong 4.


Kaya ‘wag ka nang mag-alinlangan pa sa kasalukuyan mong boyfriend, kesyo friend lang turing mo sa kanya at mas mahal mo pa ang ex mo. Sa halip, mula ngayon ay seryosohin mo na ang kasalukuyan mong boyfriend, sapagkat sa ganyang paraan lamang kayo magkakaroon ng sariling pamilya. Ang lalaking isinilang noong February 7, 1994, ang tiyak mong makakasama habambuhay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page