top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 14, 2024



Dear Maestro,


Noong Mayo, nag-a-apply ako sa abroad bilang domestic helper o DH. Dati na akong nakapag-abroad, pero hindi ako pinalad. 


Ngayon, balak ko muling mangibang-bansa patungong Singapore, dahil nandu’n ang pinsan ko at handa niya umano akong tulungan kapag nandu’n na ako. 


Nais ko lang malaman kung sakaling matuloy ang pag-a-apply ko, papalarin na kaya ako sa ikalawang pagkakataon? Kung saka-sakali, kailan kaya ako matutuloy at kaya ba talaga akong tulungan ng pinsan ko kung halimbawang nasa Singapore na ako?

Ang birthday ko ay June 13, 1990.


Umaasa,

Camille ng Silangan, Cubao, Quezon City



Dear Camille,


Ayon sa birth date mong 13 o 4 (ang 13 ay 1+3=4) sa destiny number na 2 (6+13+1990=2009/ 20+09=29/ 2+9=11/ 1+1=2) tunay ngang sa ikalawang pagkakataon, susuwertehin ka na sa pangingibang-bansa, higit lalo kung ang pinsan mo na nangakong tutulong sa iyo na nasa Singapore ay katugma at ka-compatible mo. Kung saan, sila ang mga indibidwal na nagtataglay ng zodiac sign na Aquarius, Gemini, o kapwa mo Libra, pero mas maganda kung nagkataon o natapatq ang birth date niya sa 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 8, 17 at 26.


Sa sandaling ganyan na ang nangyari, sa ikalawang pangingibang-bansa, tiyak na susuwertehin, magtatagumpay, uunlad, aasenso at magiging maligaya ka.

Ibig sabihin, suwerte ka sa mga numerong may sumatotal na 7, 1 at 8, tulad ng 16, 25, 34, 43, 10, 19, 28, 37, 46, 17, 26, 35, 44 at iba pang kauri nito, ganundin sa mga numerong 7, 13, 28, 34, 43 at 44.


Dagdag pa rito, isang lalaking isinilang sa buwan ng December na may birth date na 5, 14, 22 o 28, ang tutulong sa iyo upang tuluy-tuloy ka pang magtagumpay sa pangingibang-bansa at sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.


Mapalad ka naman sa mga kulay na dilaw, berde, pula at asul, lalo na sa mga petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 3, 12, 21, 30, 9, 18 at 27, higit lalo kapag ang petsang ‘yan ay natapat sa mga araw ng Linggo, Lunes, Huwebes at Biyernes. Kusa namang iigting ang mabuti mong kapalaran mula sa ika-19 ng Hunyo hanggang ika-27 ng Hulyo, ika-19 ng Oktubre hanggang ika-21 ng Nobyembre at ika-19 ng Pebrero hanggang ika-27 ng Marso.


Ayon sa iyong Travel Calendar, ‘wag ka na magdalawang isip pa, sapagkat tiyak ang magaganap kahit marami pang pagsubok ang dumating sa buhay mo, walang sablay, sa taon ding ito ng 2024, sa buwan ng Oktubre, sa edad mong 34 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 12, 2024



Dear Maestro,


May nililigawan akong babae ngayon, at tawagin na lang natin siya sa pangalang ‘Calley’. Isinilang siya noong October  29, 2000, habang July 16, 1999 naman ang birthday ko. 


Base sa mga natutunan ko sa inyong artikulo, tugma at compatible kami ng babaeng nililigawan ko dahil isa siyang Scorpio, habang ako naman ay isang Cancer. 


Ayon sa inyo, ang Cancer at Scorpio ay parehong may elementong tubig, habang swak din ang aming birth date na 29 at 16 sa Numerology, tama ba ako? 


Kaya lang may pinoproblema ako, bukod kasi sa akin ay may isa pang nanliligaw sa kanya, na may zodiac sign na Virgo at birth date na September 16. Ibig sabihin, pareho kaming 7 ng lalaking manliligaw niya, dahil sa pagkakaalam ko ay ganito ito kinokompyut, 1+6=7. 


Ang isa ko pang napansin ay close na sila, kaya minsan ‘di ko maiwasan ang magselos na baka siya ang magustuhan ni Calley. 


Ano ba ang dapat kong gawin at ano ba ang maipapayo n’yo? Sana matulungan at mabigyan n’yo ako ng tips kung paano at ano ang dapat kong gawin para hindi ako maunahan ng karibal ko. Sa katunayan, mahal na mahal ko na siya ngayon.


Umaasa,

Aldrin ng Layac, Dinalupihan, Bataan



Dear Aldrin,     


Tama ka, medyo ka-compatible nga ng babaeng nililigawan mo na may zodiac sign na Scorpio, at birth date na 29 o 2 (ang29 ay 2+9=11/ 1+1=2), ‘yung lalaking karibal mo na may zodiac sign na Virgo sa birth date na 16 o 7, (ang 16 ay 1+6=7) na nagkataon pang pareho kayong may birth date na 16 o 7.


Dagdag pa rito, tugma rin sila pagdating sa Astrology. Kung saan, ang water type sign na Scorpio ay sadyang tugma rin sa earth type sign na Virgo. 


Habang ikaw naman ay may zodiac sign na Cancer sa birth date na 16 o 7, ‘wag kang mag-alala, dahil katugma mo rin ang babaeng nililigawan, ibig sabihin tugma at magkaka-compatible kayong tatlo.


Pero siyempre, dapat alam mo ang “basic rule” sa panliligaw. Kung saan, ang basic rule sa panliligaw ay kung sino ang mas buo ang loob, siya ang mas magtatagumpay. Kumbaga, hindi lang dapat puro paguwapuhan, bagkus dapat mo ring ipakita ang iyong husay, angas at diskarte. Kailangan buo rin ang iyong loob, hindi lang sa panliligaw, kundi sa lahat ng bagay upang hindi ka maargabyado o maisahan ng karibal mo.


Pero anuman ang kalabasan, isa lang ang natitiyak ko, kung ang nililigawan n’yong babae na may birthday na October 29, 2000 ay medyo maliit, maputi, mabilis maglakad, maliit ang sulat ng kamay at laging late dumarating sa mga lakad – ‘wag ka nang umasa, dahil tiyak na mas magugustuhan niya ang karibal mong isinilang sa zodiac sign na Virgo.


Subalit, kung ang nililigawan n’yong babae na may birthday na October 29, 2000 ay isang babaeng sexy, nangungusap ang dibdib, palabiro, kuwelang kasama, bungisngis, maganda ang labi, ‘di nale-late kapag may mga lakad kayo, mahilig sa pagpapaganda, may pagka-chubby, at mahilig mamasyal, - tiyak ang magaganap, ikaw ang magugustuhan niya at paniguradong ngayon taon din ito, sa buwan ng Setyembre o Oktubre, sasagutin ka na niya upang sa panahong ito ng iyong buhay, habang lumalapit ang masayang pagdiriwang ng Kapaskuhan, walang duda, sabay kayo Magsisimbang Gabi, habang naghaharutan at nagtatawanan sa isang sulok.


Ganu’n ‘yun, at ‘yun ang palagi mong magiging pattern. ‘Yung babaeng maharot at

kuwela kasama ang nakatakda sa iyong kapalaran, hanggang sa kayo na nga ang magkatuluyan at magsama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na relasyon. Nakatakda rin kayo biyayaan ng unang anak na babae, na siyang kukumpleto sa itatayo n’yong isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.    


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 8, 2024



Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil gusto kong malaman ang kahulugan ng birth date kong 2 na nagkataon ding 2 ang destiny number ko. 


Hanggang ngayon kasi ay wala pa rin akong regular at matinong trabaho, gayung masipag naman akong mag-apply. 


Maestro, wala rin akong boyfriend sa kasalukuyan. Kailan din kaya ako magkaka-boyfriend at ano’ng zodiac sign din ba ang ka-compatible ko? 

Ang birthday ko ay July 2, 1991.

Umaasa,

Raquel ng Imelda District, Cabanatuan, Nueva Ecija   



Dear Raquel,


Tama ka, ikaw nga ay nagtataglay ng birth date na 2, sa destiny number na nagkataong 2 din, nangyaring ganu’n, dahil sa ganitong kompyutasyon ng iyong kaarawan, 7+2+1991=2000.


Dapat mo ring malaman na kabilang ang numerong 2 sa tinatawag na “weak number”, sapagkat ito ay under sa buntalang moon o buwan at alam naman nating lahat na ang moon o buwan ay nanghihiram lang ng init at liwanag sa araw.


Kaya sentido-komon na para suwertehin ang sinumang isinilang sa impluwensiya ng moon, dapat magkaroon siya ng katuwang sa buhay, maaaring bestfriend o karelasyon na isinilang sa numerong naiimpluwensiyahan naman ng haring araw o planetang sun. 

Ang mga taong naiimpluwensiyahan ng sun ang dapat maging kaibigan ng mga taong naiimpluwensiyahan ng moon o silang may mga birth date na 1, 10, 19, 28, gayundin silang may bitbit ng mga numerong 4, 13, 22 at 31.


Upang ika’y suwertehin, kailangang magkaroon ka ng karamay o katuwang sa buhay na may bitbit na numerong 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22 at 31, gayundin silang may mga birth date na 7, 16 at 25. Kapag natagpuan mo sila, unti-unting bubuti at gaganda ang iyong kapalaran. Bukod sa birth date at destiny number na nabanggit, ka-compatible mo rin sila sa zodiac sign upang maging katuwang mo at para mas lalo kang suwertehin at magtagumpay.


Ang zodiac sign mong Cancer ay nagsasabing, ka-compatible mo rin silang may mga zodiac sign na Scorpio, Pisces, Leo, Virgo, Taurus, at Capricorn.

Dagdag pa rito, kapag nakahanap ka na ng kaibigan at boyfriend na may taglay ng nasabing mga numero at zodiac sign, kailangang bahagya mo ring pagandahin o baguhin ang iyong lagda dahil medyo nababoy ang iyong pima sa unahang bahagi.


Huwag mong pagpatung-patungin ang letrang “R” at “L” sa unahang bahagi ng iyong pirma. Paghiwa-hiwalayin mo ito at isulat nang medyo malaki at malinaw. Sa ganyang pirma, lilinaw, gaganda at sasagana ang iyong buhay.


Dagdag pa rito, matapos mong baguhin ang iyong lagda, magsuot ka rin ng paborable mong kulay na berde at pula. Paminsan-minsan, ang dilaw at itim ay puwede ring ipamalit sa berde at pula dahil ang nasabing mga kulay ang hihigop ng maganda at positibong kapalaran.


Ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran, sa susunod na taon hanggang sa taong 2026, kung susundin mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas, tiyak ang magaganap, sa edad mong 34 pataas, makakatagpo ka na ng isang regular trabaho, at magkaka-boyfriend ka pa na iyo ring mapapangasawa hanggang sa tuluy-tuloy kang magkaroon ng isang magtagumpay at maligayang pamilya habambuhay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page