top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 01, 2021



Dear Maestro,

Isinilang ako noong November 17, 1986 at simula pagkabata hanggang sa makapag-asawa ay hindi na ako nakaahon sa kahirapan. Sa ngayon, may tatlo na akong anak at hanggang ngayon ay naghihirap pa rin kami. Sa katunayan ay baon kami sa utang at hindi ko na malaman kung paano bubuhayin ang mga bata.

Dati ay namamasukan ako bilang katulong at tumatanggap ng mga labada, pero nagkasakit ako kaya natigil sa trabaho. Magaling na ako ngayon at balak ko muling mamasukan, pero ang problema ay wala namang maiiwanan sa mga bata. Sa ganitong kalagayan ng aming buhay, may pag-asa pa ba kaming umunlad? July 14, 1982 ang birthday ng mister ko.


Umaasa,

Marissa ng San Isidro, Taytay, Rizal

Dear Marissa,

Tulad ng madalas nating sabihin, ganyan talaga ang buhay ng mga taong naiimpluwensiyahan ng numerong 8, 17 at 26— maghihirap muna nang todo bago tuluyan at lubusang umunlad, sapagkat ang kanilang ruling planet ay si Saturno.


Ang planeta kasing si Saturno ay may bitbit na mga pagsubok at problema sa buhay ng isang tao kapag ito ay pumasok sa “birth chart”. At tulad ng nangyayari sa iyo sa kasalukuyan, Marissa, namamayagpag pa rin ang impluwensiya ng planetang Saturn sa iyong buhay at hindi pa rin siya umaalis sa iyong “birth chart” kaya patuloy kang naghihirap.


Gayunman, kung gagamit ka ng kulay berde, dahil ang berde ang suwerte mong kulay, magdi-display ka ng aquarium sa sala ng inyong bahay na may 9 na isda. Ang dapat na kumbinasyon ay 8 na pulang isda at isang itim o vice versa. Sa ganyang paraan, mas madaling masasagap ng inyong tahanan ang suwerte at magagandang kapalaran.


Habang, ayon naman sa birth date na 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5) ng mister mo sa zodiac sign na Cancer, sa pangingibang-bansa siya aasenso, kaya dapat simulan niya nang mag-apply sa abroad. Ayon sa kanyang Travel Calendar, sa last quarter ng taong 2021, pinakamatagal na sa first quarter ng 2022, tiyak ang magaganap. May pangingibang-bansang itatala sa kapalaran ni mister, habang kapag nasa ibang bansa na siya, simulan mo namang magnegosyo ng tindahan sa harap ng inyong bahay. Kapag napalaki mo ang sari-sari store na ito, sa pampublikong pamilihan ka naman kumuha ng puwesto at sa ganyang paraan o diskarte, tiyak na habang lumalaki at nagdadalaga at nagbibinata na ang inyong mga anak, tuly-tuloy namang uunlad ang inyong buhay hanggang sa ganap na umasenso at yumaman, na siya rin namang nakatakda sa inyong kapalaran dahil kapwa kayo nagtataglay ng pang-mayaman at umuunlad na numerong singko (5) at otso (8).

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 29, 2021



Dear Maestro,

Magkahiwalay kami ng mister ko ngayon dahil noong nakaraang buwan ay nagkagalit kami dahil sa pera. Kaya bago pa lumala ang sitwasyon, nagpasya na lang akong umuwi sa mga nanay ko para hindi na kami magkasakitan pa ng loob. Hindi pa rin niya ako sinusundo gayung mag-iisang buwan na ako rito sa nanay ko. Nagtataka ako dahil bakit siya nakakatiis na hindi ako makita, ganundin ang mga anak namin, samantalang dati naman ay hindi siya ganu’n?

Kapag may tampuhan kami, agad niya akong sinusundo kapag umuuwi ako sa amin at humihingi ng sorry. Iniisip ko tuloy ngayon na baka nawalan na siya ng amor sa akin at sa aming mga anak o baka naman may iba na siyang babae, na ‘wag naman sanang mangyari.

Kasama ko ngayon ang tatlong anak namin at labis talaga akong nagtataka sa kanya dahil parang hindi man lang niya nami-miss ang mga bata.

Maestro, sa inyong palagay, tuluyan na ba kaming maghihiwalay? Bakit hindi pa niya ako sinusundo, may mahal na ba siyang iba? October 8, 1995 ang birthday ko at February 10, 1990 naman ang mister ko.


Umaasa,

Mrs. Lonely ng Talaba, Bacoor, Cavite

Dear Mrs. Lonely,

Ganyan ang sitwasyon ninyo dahil nagkataong parehong strong number ang birth date mong 8 at birth date niyang 1 o 10 (ang 10 ay 1+0=1). Maaaring sa kasalukuyan, wala kasing gustong magpakumbaba o magpakabait sa inyong dalawa sa tuwing kayo ay may pinag-aawayan. Kumbaga, dahil pareho ninyong gusto na palaging panalo, ibig sabihin ay walang nagpapatalo, sa bandang huli ay sa matinding pag-aaway at pagkakagalit nauuwi ang masaya sanang relasyon.


Subalit kung may matututong magpaka-weak o magpakumbaba sa inyong dalawa, na hindi na gaanong makikipagtalo o makikipagdebate, makikita mo na magiging maligaya at mauuwi rin sa pag-unlad ang inyong samahan.


Kung sinasabing maraming parehong may strong number ang nagkatuluyan pero naghiwalay din, marami rin namang may strong number na nagtiis kaya hindi naghiwalay. Ang nangyari, malalaki at nakapagtapos na sa pag-aaral ang mga anak, ang nasabing strong number na mag-asawa na nakatiis at nanatiling nagmamahalan ay makikitang kusang yumaman at umunlad, nakapagpatayo ng magarang bahay na yari sa bato at nakabili ng magarang sasakyan.


Ang tanong ngayon, sino ang magpapakumbaba sa inyong mag-asawa? Walang iba kundi ikaw. Ikaw kasi ang may zodiac sign na Libra, kung saan ang Libra ay itinalaga ng tadhana upang magsakripisyo, magtiis at magpakamartir.


Kaya kung ibig mong mabuo na ang inyong pamilya, ‘wag ka nang mag-aksaya pa ng panahon sa pagpasok ng “ber month”. Ibig sabihin, sa Setyembre at habang malapit na ang Pasko, umuwi ka na sa inyo, batiin mo na ang iyong mister at humingi ka ng sorry. Samantala, posibleng ganundin ang gawin niya kung saan hihingi rin siya sa iyo ng sorry upang tulad ng nasabi na, sa sandaling ikaw ay nagpakumbaba ay mauuwi na sa masaya, maunlad at panghabambuhay na pamilya ang inyong relasyon.


At sa panahong nagbibinata at nagdadalaga na ang inyong mga anak, mga pito hanggang walong taon pa mula ngayon, makikita mo na mayamang-mayaman na kayo, maligaya at hayahay na hayahay ang buhay ng inyong pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 28, 2021



Dear Maestro

May boyfriend ako na may live-in partner, pero hindi pa naman niya talaga asawa at wala pang isang taon silang nagsasama, gayundin, wala pa silang anak. Mas mahal niya raw ako kaysa sa kinakasama niya kaya naniwala naman ako. Sa ngayon, madalas nang may nangyayari na sa amin. Ang ipinagtataka ko, mahal na mahal ko siya kahit may kinakasama na siya, kaya gustuhin ko mang tumanggi ay hindi ko magawa. Ang hindi ko lang maisip ay bakit mahal niya raw ako pero ayaw niya namang hiwalayan ang ka-live in niya?

Minsan tuloy naiisip ko na baka ginagamit niya lang ako. Ano sa palagay mo, Maestro, dapat ko na bang itigil o mas dapat na ipagpatuloy ko ang relasyon namin? Sa bandang huli, kami rin ba ang magkakatuluyan at magsasama habambuhay tulad ng palagi niyang ipinapangako sa akin sa tuwing may nangyayari sa amin? November 10, 1994 ang birthday ko at July 7, 1989 naman ang birthday ng lalaking ito.


Umaasa,

Ms. Scorpio ng San Jose, La Loma, Quezon City

Dear Ms. Scorpio,

Babala o warning ang dapat mong ibigay sa boyfriend mo na may ibang partner pero sumasawsaw pa rin sa iyo. Ito ay upang maging klaro ang iyong isipan at maging malinaw na rin kung saan hahantong ang inyong magulong relasyon.


Minsan maraming problema ang tao na gumugulo sa isip niya, pero sa pamamagitan ng deadline, babala o warning, ito ang tatapos sa kanyang mga suliranin at kagulumihanan sa buhay. Sa simpleng tanong na, “Hanggang kailan ka maghihintay?”


Ganu’n ‘yun! Sabihin mo sa boyfriend mo na kung talagang mahal ka niya, makapaghihintay ka. Halimbawa lang ito, hanggang sa katapusan ng taong 2021. Kapag dumating ang katapusan ng 2021 o sa December 31, sa ayaw at sa gusto niya, dapat iwanan mo na siya kapag hindi pa ikaw ang pinili niya.


Kapag binigyan mo ng “ultimatum” ang isang pangyayari o sitwasyon, sa dakong huli ay kusa rin ‘yang bibigay sa iyong kagustuhan. Kapag dumating ang katapusan ng 2021 at hindi ikaw ang kanyang pinili, okey lang dahil hangga’t maaga pa, nalaman mo na ang magiging hantungan o wakas ng inyong relasyon.


Subalit kung ikaw naman ang pipiliin niya, eh ‘di salamat sa binigay mong deadline dahil na-pressure mo siyang magdesisyon hangga’t maaaga pa o hangga’t hindi ka pa grabeng napapalautan at hindi na rin mangyayaring palagi ka niyang binibitin kung ikaw ba o ‘yung isa ang pipiliin niya.


Samantala, sa pag-susuring Astrology, tunay na ka-compatible ng zodiac sign mong Scorpio ang zodiac sign na Cancer ng boyfriend mo, sapagkat ang Scorpio at Cancer ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong water o tubig.


Habang sa pagsusuring Numerology, ang weak number na 7 ng boyfriend mo at strong number mo namang 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) ay nagsasabing sadyang compatible kayo sa isa’t isa, kung saan bukod sa pagiging tugma ng inyong mga numero, mas malamang na ikaw ang kanyang piliin dahil mas madaling napahihinuhod ng Taong Uno (1) ang Taong Siete (7), lalo na sa mga sitwasyong may kaugnayan sa damdamin o pag-ibig.


Ayon sa iyong Love Calendar, sa taong kasalukuyan at sa buwan ng Oktubre hanggang Nobyembre, makapagdedesisyon na ang boyfriend mo kung sino ang pipiliin at pakikisamahan niya. Kung hindi naman niya ka-compatible ang kanyang partner, tiyak na ikaw ang kanyang pipiliin upang pakasalan at tuluyang makasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page