top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 09, 2021



Dear Maestro,

Nais kong ipaanalisa ang magiging kapalaran ng tatlong anak ko na pawang mga babae at ito ang mga birthday nila. Ang panganay ay isinilang noong October 23, 2001, siya ay nag-aaral ng kolehiyo sa kursong HRM, magtatagumpay ba siya rito at matutupad ang pangarap niyang makasakay ng barko? Ang pangalawa naman ay isinilang noong November 10, 2004, Grade 11 na siya at ang bunso ay isinilang naman noong September 14, 2007.

Sino sa kanilang tatlo ang yayaman, makapag-a-abroad at mag-aahon sa amin sa kahirapan? Gayunman, April 7, 1978 ang birthday ko at ang mister ko ay August 8, 1977.


Umaasa,

Liberty ng Duhat, Cavinti, Laguna

Dear Liberty,

Ayon sa Astro-Numerology pag-aanalisa, ang anak mong isinilang noong October 23, 2001 na nagtataglay ng birth date na 5 o 23 (ang 23 ay 2+3=5), na may zodiac sign na Libra ay susuwertehin sa ka-opposite sex o sa madaling sabi, lalaki ang magpapayaman sa kanya. Kabilang na rito ang pakikipagnobyo o pag-aasawa ng mayaman. Sa panahong ito, posibleng may kaya sa buhay ang mapapangasawa niya at ito na rin ang maghahatid sa kanya sa tagumpay at maalwang pamumuhay.


Kung hindi man siya makapag-asawa, halimbawang nanaig ang birth date niyang 5 o 23, sigurado namang makakasampa siya sa barkong “luxury” dahil ang mga Libra ay lapitin ng key word na “luxury” o pagpapasarap sa buhay at pagpapaganda. Kaya darating ang isang punto o panahon na magpapaganda at magpapasarap na lang siya sa buhay dahil sa tinamo niyang magandang kapalaran.

At upang hindi siya layuan o iwanan ng magandang kapalaran o suwerteng darating sa kanya, sa panahong may asawa na siya o ganap na siyang propesyunal at kumikita ng malaking pera, kailangang siya ay may sasakyang kulay red o pula. Hindi naman mamahaling kotse ang kailangan, bagkus, kahit mumurahin basta ang mahalaga ay may sasakyan siyang kulay pula dahil ito ang magpapanatili ng suwerte ng kanyang pamilya.


Hinggil naman sa kapalaran ng anak mong isinilang noong November 10, 2004 na may birth date na 1 o 10 (ang 10 1+0=1) sa zodiac sign na Scorpio, posibleng makapag-asawa siya nang maaga at kapag hindi niya ito naiwasan, tulad sa pangkaraniwang ina ng tahanan, ang mangyayari ay sunod-sunod ang kanyang magiging anak, habang pangkaraniwan lang ang trabaho ng mapapangasawa niya, kaya naman siya ang ituturing na pinakakaawa-awa o pinakamahirap sa tatlong magkakapatid, pero ito ay mangyayari lamang kapag mag-aasawa siya nang maaga.


Ibig sabihin, dapat siyang mag-asawa sa edad na 25 hanggang 30, at bago siya mag-asawa, dapat i-establish niya muna ang kanyang career. Kung nursing ang kukunin niya sa kolehiyo at maiiwasan niyang mag-asawa nang maaga, makapaninirahan siya sa abroad. Kaya sa bandang huli, siya pa ang magdadala o magpapasyal sa inyong mag-asawa sa ibang bansa.


Samantala, ang magiging kapalaran naman ng bunso ninyong anak na isinilang noong September 14, 2007 na may birth date na 5 (ang 14 ay 1+4=5) sa zodiac sign na Virgo ay magiging propesyunal na may kaugnayan sa dalawang bagay. Una, maaaring sa modern technology o pamamaraan tulad ng BPO, computer, internet, cellphone o kung anumang modernong teknolohiyang nauuso ngayon, basta sa ganu’ng gawain siya mapupunta at magiging maligaya. Doon din siya sisikat at aasenso nang husto. Kung hindi sa nasabing larangan, ang isa pang posibleng mangyari sa kanya ay sa daigdig ng mass media o journalism, puwede ring manunulat o broadcaster. Sa ganu’ng larangan siya aasenso, makapag-a-abroad at yayaman. Nakatakda ring isang propesyonal na tulad niya ang kanyang mapapanagsawa, kung saan maaaring kasamahan niya sa trabaho o makikilala niya sa isang meeting ng kanilang kumpanya o may kaugnayan sa kanyang trabaho.


Samakatuwid, kung Astro-Numerology ang pag-uusapan, humigit-kumulang na ang tatlo mong anak ay makakatapos ng pag-aaral, maliban na lang kung biglang mag-asawa ang pangalawa, pero kung maiiwasan niya ito, tulad ng mga kapatid niya, magtatagumpay din siya at ganap na magiging maligaya.


Samantala, dapat ding isaalang-alang na Astro-Numerology na pag-aanalisa lamang ang pinagbatayan natin sa pagtaya ng kapalaran ng iyong mga anak. Kaya upang makatiyak, hinihingi na ipadala mo rin sa pamamagitan e-mail ang larawan ng kanilang palad upang masuri natin ang kanilang Fate Line o Career Line, na siyang kukumpirma kung magtatagumpay nga ba sila sa tatahakin nilang buhay sa panahong nakatapos na sila ng kani-kanilang pag-aaral at sa panahong may kani-kanya na silang pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 05, 2021



Dear Maestro,

Sumulat ako sa inyo dahil gusto kong malaman ang aking suwerteng kulay, taon, buwan, araw at numero. Matagal na kasi akong nagtatrabaho sa isang pabrika, pero hanggang ngayon ay wala pa ring pag-asensong nagaganap sa aking buhay. Baon pa rin kami sa mga utang at wala pa rin kaming sariling bahay at lupa na naipupundar simula nang magsama kami ng aking partner na 15 taon ko nang kasama ngayon. Minsan ay tumataya rin ako sa lotto pero hindi naman ako nananalo.

Siguro, kaya hindi ako nananalo ay dahil hindi suwerte ang numerong inaalagaan ko o wala pa sa panahon upang ako ay manalo. May pag-asa bang manalo ang mga numerong tinatayaan ko? Kung meron, kailan naman ito magaganap? Sawang-sawa na kasi kaming mag-asawa sa kahirapan, kailan ba kami makakaahon dito? August 27, 1980 ang birthday ko.


Umaasa,

Leumar ng San Pedro, Hermosa, Bataan


Dear Leumar,

May “timing” ang lahat ng bagay sa mundo kaya napakahirap manalo sa anumang uri ng pakikipagsapalaran. Ang salitang “timing” ay puwede rin nating tawaging “may tama at perpektong panahon” sa lahat ng bagay sa silong ng langit kung kailan ito tugma na magaganap.


Halimbawa, ang tamang timing ng pamumulaklak ng mga halaman ay sa panahon ng tag-sibol, at sa ating bansa, matapos ang matinding tag-araw, habang unti-unting pumapasok ang tag-ulan, ito rin ang buwan ng Mayo hanggang Hunyo, kusa nang namumulaklak ang mga halaman.


Ganundin sa buhay ng tao at sa lahat ng bagay sa mundo. Kailangang malaman mo ang tamang panahon kung kailan ka suwerte at sa panahong nalaman mo ito, saka mo dapat isagawa ang sunod-sunod at walang habas na pakikipagsapalaran. Habang para makatipid at iwas-gastos, ‘wag na ‘wag ka namang makikipagsapalaran sa panahong ikaw ay malas o tag-alat.


Sa kaso mo na isinilang noong August 27, 1980, ang pinakamalas o hindi paborable na panahon ay mula sa buwan ng Disyembre hanggang Pebrero at minsan ay umaabot pa ito sa kalagitnaan ng Marso. Samantala, ang pinakamapalad mo namang panahon ay mula Mayo hanggang Setyembre at kung minsan ay umaabot pa ito hanggang Oktubre at Nobyembre.


Kaya kung ang buwan ngayon ay Setyembre, ibig sabihin ay suwerte ang panahong ito para sa iyo. Kaya kung sa buwang ito ka makikipagsapalaran, kung saan habang suot mo ang kulay na pula, gray, puti o berde, sa partikular na mga petsang 5, 14, 23, 7, 16, 25, 4, 13, 22, 31, 8, 17 at 26, ‘yan din ang mga numerong mapalad sa iyo, lahat ng numero na may sumatotal na 5, 7, 4 at 8.


Bukod sa nasabing mga petsa at buwan, ayon sa Decadens ng Kapalaran, ang significant at favorable years mo naman ay ang taong kasalukuyan, ganundin sa taong 2022, 2023, 2024 at 2025. Kaya tulad ng nasabi na, sa anumang gawin mo sa iyong buhay, sa nasabing panahon at sa edad mong 41 pataas, tiyak na aani ka ng sunod-sunod na mga pagpapala at pag-unlad, hanggang sa makaahon sa kahirapan at tuluyan na ring umasenso at umunlad ang kabuhayan ng iyong pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 03, 2021



Dear Maestro,

Sa kasalukuyan ay nag-a-apply ako sa barko bilang seafarer. Dati na akong nakapag-barko, pero dahil sa pandemya, napababa kami at ngayon ay unti-unti nang nagre-resume ang mga operation. Gusto kong malaman kung matutuloy ba ako ngayong 2021 o sa susunod pang taon?

May isang kaibigan na tumutulong sa akin, isinilang siya noong February 8, 1988, mataas na ang katungkulan niya sa barko at ako ang inirerekomenda niya na makasama. Paborable ba ang magiging tulong niya sa akin o suwerte ba ako sa kakilala kong ito? Isinilang ako noong June 23, 1989.


Umaasa,

Rex ng Concepcion II, Marikina City

Dear Rex,

Ayon sa zodiac sign mong Gemini, tunay ngang compatible kayo ng sinasabi mong kaibigan na isinilang noong February 8, 1988. Sapagkat ang zodiac sign niyang Aquarius at ikaw naman ay Gemini ay kapwa pinaghaharian ng elementong air o hangin. Ibig sabihin, malaki ang maitutulong niya sa iyo at kapag kayo ay nagtulungan at nagsama, may malaking pag-unlad na mangyayari sa iyong pagkakaibigan.


Habang ang birth date na 8 ng iyong kaibigan ay sobrang tugma rin sa birth date mong 23 o 5 (ang 23 ay 2+3=5) kung saan sinasabing ang pagsasama ng Taong Otso (8) at Singko (5) ay nagiging maunlad at masagana. Kaya naman bukod sa tulong na ipagkakaloob niya sa inyo, sa sandaling nagsama kayo sa isang venture, business o negosyo, tiyak na magtatagumpay at yayaman kayong dalawa.


At sa sandaling pinagsama-sama ang mga datos na binanggit na sa itaas, lalo na’t may malinaw at maaliwalas na Travel Line sa kaliwa at kanan mong palad, sigurado na ang magaganap. Sa taong ito ng 2021, sa buwan ng Nobyembre o Disyembre, bago sumapit ang Christmas 2021, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page