top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 22, 2021



Dear Maestro,

Palagi akong nagbabasa ng column ninyo. Gusto kong malaman kung totoo ba ang compatibility na palagi ninyong binabanggit? Ayon ba sa Numerology at Astrology, ang birth date na 22 at 13, at ang zodiac sign na Aries at Sagittarius ay compatible? Gusto ko kasing malaman kung compatible ang March 22, 2001 at December 13, 2000 dahil hindi ko maunawaan.

May crush ako na December 13, 2000 ang birthday, pero hindi ko inaasahan na mapapansin niya ako. Alam mo, Maestro, kung saan-saan na ako nakarating pero pagbalik ko sa bayan namin, nakapagtatakang naging close friend kami. Ito ay nangyari nang masaktan siya sa bestfriend ko. Akala ko noon, ang crush ay paghanga na nawawala rin, pero nang maging close kami, parang mas tumindi ang nararamdaman ko sa kanya. Tapos ngayon, sobrang bait niya sa akin at hindi ko alam kung may nararamdaman din ba siya kasi hindi naman niya sinasabi ang feelings niya.

Maestro, compatible ba kami o magiging kami ba, at ano ang mangyayari sa special friendship naming ito? Kailangan ko ang inyong kasagutan para matahimik na ang isip ko, kasi kahit minsan ay hindi pa ako nagkaka-boyfriend at dalangin ko na siya na ang una at huling lalaking mamahalin ko. Maraming salamat sa inyo.


Umaasa,

Black Forest ng San Miguel, Mabitac, Laguna


Dear Black Forest,

Alam mo, kung totoo o hindi ang compatibility, gayundin ang kamandag ng tunay na pag-ibig, walang makapagsasabi niyan, higit lalo sa usapang may kaugnayan sa compatibility o damdamin.


Para rin ‘yang pag-inom ng tubig, hindi mo masasabi agad na nakapagpapawala ng uhaw ang tubig kung hindi mo naman mararanasang mauhaw.


Ang ehemplo natin sa itaas ay pag-inom pa lang ng isang basong tubig, paano naman kaya ‘yung karanasan na uhaw na uhaw ka, halimbawang naglakad ka kasi ng napakalayo at pagdating mo ng bahay, naghanap ka agad ng tubig sa ref, inilagay mo ngayon ang malamig na tubig sa baso at ininom mo. Sa palagay mo, ano ang naranasan mo matapos mong inumin ang malamig na tubig?


Tama ang sagot mo, “masarap,” ito ang eksaktong sagot dahil halos lahat naman tayo ay nakaranas nang mauhaw. ‘Yun bang uhaw na uhaw ka dahil sa tindi ng init at nang uminom ka ng malamig na tubig, ano’ng sarap talaga ang iyong mararamdaman.


Ganyan din ang tinatanong mo tungkol sa compatibility o sabihin na nating tungkol sa pagkakaibigan ng dalawang nilalang na kapwa compatible, partikular sa Numerology at Astrology.


Parang pag-inom ng tubig na inilarawan natin sa itaas, masarap kahit hindi ka uhaw na uhaw, pero higit na masarap kung iinumin mo ang napakalamig na tubig sa panahong uhaw na uhaw ka.


Sa ganyang ehemplo, siguradong mauuwi ang kasalukuyan ninyong pagkakaibigan ng lalaking may birthday na December 13, 2000 habang ikaw naman ay March 22, 2001. Habang tumatagal ang inyong friendship, lalo naman kayong masasarapan, sarap na pang-emosyunal na hindi kayang ilarawan ng anumang salita. Hanggang ang sarap na dulot ng total compatibility sa Numerology at Astrology ay mauwi na sa isang maligaya at panghabambuhay na relasyon.


Sa puntong ‘yun ng inyong relasyon, tulad ng naipaliwanag na, walang nakakaalam kung totoo o hindi ang teorya ng compatibility, hangga’t hindi ito aktuwal na nararanasan ng dalawang pusong nag-iibigan.


Sa ganu’ng paraan, makukumpirma lamang ang katotohanan ng teorya ng compatibility sa panahong ang magkasuyo ay totohanan at sukdulan nang nag-iibigan. Parang tubig, uhaw na uhaw ka sa kanya at ganundin siya sa iyo dahil nagmamahalan talaga kayo. At ang pagkauhaw na ‘yun, emotionally at spiritually, sa bawat araw na hindi mo siya nakakausap o nakikita at sa bawat sandali na kinasasabikan ninyo ang isa’t isa, matitidhay lamang ng isang basong hindi lang matamis kundi napakasarap na pag-ibig na hahantong sa maligaya at panghabambuhay nang pagmamahalan.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 13, 2021



Dear Maestro,

Ako ay isang katulong at dati na akong nakapag-abroad, pero hindi ako pinalad na makaipon. Kaya pagbalik ko rito, kung ano ang trabaho ko noong ako’y umalis, ‘yun din ang dinatnan kong trabaho. Katulong ulit ako ngayon at kahit kaunting kaginhawaan ay wala akong naranasan.

Sa ngayon, nag-a-apply ulit ako sa abroad pero hindi ko na alam kung makakaalis pa ako dahil sa pandemya. Pakisuri naman ang aking kapalaran kung may pag-asa pa akong makapag-abroad at suwertehin kasi sabi ninyo, ang mga Taong Singko (5) ay pinapalad sa pangingibang-bansa. Sa edad kong 36, may pag-asa pa ba itong mangyari?

Isa pa, hanggang ngayon ay dalaga pa ako at minsan lang ako nagka-boyfriend pero naghiwalay pa kami. Kailan ulit ako magkaka-boyfriend at susuwertehin din ba ako sa pag-aasawa? March 23, 1985 ang birthday ko.


Umaasa,

Irish ng Parada, Santa Maria, Bulacan

Dear Irish,

Kung isang beses ka pa lang nakapag-a-abroad, tulad ng madalas nating sabihin, ang mga taong naiimpluwensiyahan ng numerong 5, 14 at 23 ay kailangang walang tigil o paulit-ulit na mangibang-bansa upang maabot nila ang “maximum potential” na dulot ng numero nilang singko.


Ang ibig sabihin ng maximum potential, kumbaga sa turo ng awtor na si Og Mandino sa kanyang best seller na librong The Greatest Salesman in the World, “Babanatin ko ang aking mga buto hanggang sa ito ay humiyaw ng saklolo. Kapag walang nangyari, magtatangka ako nang magtatangka, sapagkat batid kong sa paisa-isang taga sa malaking punong-kahoy, bubuwal din ito sa katataga. Ang langgam ay umuubos ng malaking tigre na natagpuan nilang patay sa disyerto. Ang nagtayo ng pyramid ay unti-unting naghakot ng mga bato sa malayong lugar, kung kaya’t naitayo ang dakilang pyramid. Sa painot-inot na pagtatangka, araw-araw, ako’y magwawagi, magtatagumpay at ako’y mananaig!”


Ganyan ang dapat gawin upang magtagumpay, kung saan para kay Og Mandino, hindi dapat maglubay at kasalanan ang mamahinga. ‘Ika nga niya, “Kakatok ako sa mga pintuan ng bahay na walang kumakatok. Sa oras na namamahinga ang iba, ako naman ay gagawa nang gagawa at higit na malaki ang halaga na aking aanihin at mapapala!”


Ganu’n ang gawin mo, Irish. Huwag kang tumigil na mag-apply at magpabalik-balik sa abroad, hanggang sa humiyaw ang iyong mga buto ng saklolo at sa ganu’ng pagpupumilit na magtagumpay, sa bandang huli ay makakamit mo rin ang maximum potential na nakalaan sa mga Taong Singko – walang tigil kang makapag-a-abroad hanggang sa ikaw ay tuloy-tuloy na yumaman at magtagumpay.


Bukod sa pag-a-abroad, ang isa pang nagpapayaman sa mga Taong Singko ay ang hindi sinasadyang nakapag-aasawa sila ng mayaman. Pero minsan, kahit hindi gaanong mayaman ang napangasawa nila, basta Taong Singko o Otso, sa nasabing pag-aasawa ay pinagpapala at sinusuwerte silang yumaman.


Kaya ngayon pa lang, simulan mo na muling mag-apply sa abroad at habang ginagawa mo ito, hindi mo rin dapat kalimutang luminga-linga sa mga lalaking nagpaparamdam o umaaligid sa iyo. Baka kasi may lalaking may kaya sa buhay ang may gusto sa iyo na hindi mo napapansin o lalaking may bibit na numerong 5, 14 at 23 ang tine-taken for granted mo, pero siya na pala ang dapat mong maging boyfriend at mapangasawa upang lalong bumilis ang pag-unlad at ang iyong pagyaman.


Habang, ayon sa Decadens ng Kapalaran, sabay-sabay na magaganap ang magagandang kapalaran sa iyong karanasan sa taong 2022 hanggang 2025. Sa panahong ‘yun, tulad ng naipaliwanag na, muling itatala sa karanasan mo ang pangingibang-bansa at sa sandaling nasa abroad ka na, matatagpuan mo na rin ang lalaking Taong Singko na makakasama mo habambuhay na siya ring makakatulong sa iyo upang lalo pa kayong umunlad hanggang sa yumaman nang yumaman.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 11, 2021



Dear Maestro,

Kung hindi ba magka-compatible ang mag-asawa, magiging maligaya rin sila? Balak ko nang pakasalan ang aking girlfriend na isang Sagittarius na isinilang noong December 10, 1992 at ako naman ay isang Virgo na isinilang noong September 7, 1991. Sa pagkakaalam ko dahil base sa mga nababasa ko sa inyong artikulo ay hindi kami compatible sa Astrology dahil ang Sagittarius ay isang fire type element, habang ako ay earth type element. Ibig sabihin ba nito, kapag kami ang nagkatuluyan, hindi kami magiging maligaya at aasenso sa buhay? Tatlong taon na kami, pero kahit hindi kami compatible, okey naman ang relasyon namin kahit paminsan-minsan ay may tampuhan, nagkakaayos naman agad kami dahil mahal namin ang isa’t isa.

Maestro, Siya na ba ang aking mapapangasawa at kapag may sarili na kaming pamilya, magiging maligaya ba kami?


Umaasa,

Peterson ng Bagbag, Novaliches, Quezon City

Dear Peterson,

Tungkol sa kaligayahan, may lumabas na pag-aaral sa internet noong mga nakaraang taon pa pero applicable pa rin naman sa kasalukuyang panahon tungkol sa topic o asignaturang kaligayahan. Lumabas sa nasabing pag-aaral na pera o salapi ang isa sa pinakamahalagang salik o batayan ng kaligayahan. Huwag na nating sabihing, pera o salapi, baka kasi umangal o magreklamo ‘yung mga laging walang pera, pero ‘yun ang totoo. Sa halip, sabihin na lang nating komportableng buhay o contentment sa materyal na bagay.


Alam n’yo ba na ang pinakamaligayang bansa sa buong mundo, ayon sa nasabing pag-aaral ay ang Denmark at Switzerland? Maaaring maitanong mo, bakit kaya?


Ang sagot, halos lahat ng bagay sa Denmark at Switzerland ay libre. Libre ang edukasyon, pampaospital o mga gamot. Dagdag pa rito, marami pang mga insentibo ang ibinibigay ng kanilang gobyerno sa mamamayan, kumbaga, wala na silang hahanapin pa. Ang mga estudyante sa nasabing mga bansa ay binibigyan ng pera ng gobyerno para lang mag-aral.

Masasabi mo ngayon sa iyong sarili na kapag ikinumpara mo sa Pilipinas ang Denmark at Switzerland, “Ang sarap pala ng buhay doon!”


Kaya kung wala kang kapera-pera at nag-asawa ka, sinasabi ko sa iyo na hindi mo mararating ang estadong tinatawag na “contentment,” kahit pa sabihing compatible kayo ng babae o lalaking mapapangasawa mo at kahit kayo ay nagmamahalan, kung palagi naman kayong walang pera, tiyak na hindi kayo magiging maligaya.


Kaya bago magpakasal o mag-asawa, tulad ng nasabi na natin sa itaas, kung talagang nais mong magkaroon ng maligayang pamilya, siguraduhin mo munang marami kang salapi upang maipambili mo ng mga materyal na bagay upang makuntento sa buhay at sikapin mo ring tumira sa isang lugar na mababait at mabubuti ang mga kapitbahay.


Ang pangatlong saligan upang maging maligaya ang mag-asawa ay parehas kayo ng “status quo”, ibig sabihin, hangga’t maaari, kung college graduate ka, dapat ay ganundin ang iyong mapangasawa,upang kapag nagkukuwentuhan kayo ay wala namang panig na parang timang na oo lang nang oo dahil mangmang ang iyong napangasawa o nakikipagdebate pa, eh wala namang lohika ang pinagsasabi.


At pang-apat, tulad ng sinasabi natin, kailangang halos pareho kayo ng interes, ambisyon at gusto. ‘Ika nga sa unang teorya ng compatibility, “same feathers kayo dapat” upang kapwa magkaintindihan at maging maligaya ang inyong relasyon at bubuuing pamilya habambuhay.

Sa kaso mo, bagama’t hindi kayo compatible ng girlfriend mo sa Astrology, compatible naman kayo sa birth date na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) at 7 ka naman. Kung sakaling dalawa o tatlo sa binabanggit nating pamantayan ng kaligayahan ang maabot ninyo, sigurado na ang magaganap – hindi man kayo compatible sa Astrology, pero dahil compatible kayo sa Numerology, makakamit n’yo pa rin ang isang masarap na relasyon at maligayang pagpapamilya habambuhay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page