top of page
Search

ni Zel Fernandez | April 19, 2022


ree

Tinatayang aabot sa 300 libong piso ang diumano’y ipinangako sa dating empleyado ng Smartmatic na may kinalaman sa data breach ng kumpanya.


Sa isinagawang pagdinig sa Senate Committee on Electoral Reforms kaninang umaga, napag-alaman ng NBI na isang third party umano ang nag-alok ng training modules at perang aabot sa halagang 300 libong piso sa dating Smartmatic employee na si Ricardo Argana, kapalit ang pagbibigay nito ng access sa kanyang office laptop.


Pahayag ng NBI, matapos nito ay nakaranas umano ng ‘unusual traffic’ at ‘downloads’ sa Smartmatic system na may kaugnayan kay Argana. Ayon naman sa Smartmatic, imposible umanong makaapekto sa 2022 National Elections ang na-access na file mula sa laptop ni Argana.


Samantala, nauna nang iginiit ni Sen. Imee Marcos, Senate Electoral Reforms Committee Chair, na hinihinalang mayroong security breach sa operasyon ng Smartmatic. Gayunman, ani Comelec Commissioner Marlon Casquejo, walang cyber attack sa sistema ng Comelec.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | March 17, 2022


ree

Pinaghahanap na ng National Bureau of Immigration (NBI) ang lalaking nagbayad ng P45,000.00 kapalit ng isang 8-buwan na sanggol.


Ayon sa report sa 24 Oras, siniguro ng ina ng sanggol na ibabalik niya ang perang ibinayad ng lalaki kapalit ng kanyang anak.


Sinabi ni NBI Director Eric Distor sa buyer na ibalik ang bata sa lalong madaling panahon.


"Ibalik mo yan. Ibabalik rin 'yung nagastos mo. Kung hindi hahanapin ka namin," ani Distor.


“Nandito ang tunay na ina, umiiyak. Agents hanapin ninyo,” dagdag niya.


Dumulog ang ina ng sanggol sa NBI matapos niyang ibenta ang kanyang eight-month-old baby sa halagang P45,000 upang mabayaran ang kanyang mga pagkakautang sa e-sabong.


“Sana po makipag-tulungan na po siyang ibalik ang anak namin. Ibabalik naman po ang pera. Hindi ko na po gagawin ang ginawa ko po,” pahayag ng ina.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 14, 2022


ree

Hindi nakaligtas sa mga miyembro ng ‘basag-kotse’ gang ang sasakyan ng aktor na si Gerald Anderson matapos pagnakawan ang kanyang sports utility vehicle (SUV) sa Quezon City, kahapon.


Naganap ang krimen sa Roces Avenue, ayon sa National Bureau of Investigation(NBI).


Batay sa footage ng CCTV, makikitang may dalawang motorsiklo na dumating malapit sa SUV na naka-park sa harap ng isang establisimyento lampas alas-singko ng hapon.


Sinilip nito ang bintana ng itim na SUV saka binasag ang kaliwang bintana at kinuha ang isang bag.


Matapos nito ay sumakay na ang suspek sa motor, ngunit bumalik pa ito at kinuha pa ang isang bag sa unahang upuan ng sasakyan.


Kaagad na tumakas ang dalawa na sinusundan ng isa ring lalaking lulan ng motorsiklo.

Sa pag-iimbestiga ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI SAU), natunton ang isa sa mga suspek.


"Sa aming pag-iimbestiga, naka-receive kami ng information na 'yung mga motor na ginamit ay na-identify sa isang Tondo-based na basag kotse group. Nagkaroon kami ng surveillance and casing operations hanggang natunton namin 'yung bahay ng isa sa mga napuntahan ng gamit ni Gerald Anderson," ani NBI SAU Executive Officer Attorney Kristine dela Cruz.


Sumuko sa NBI SAU ang suspek na si John Allen Dancel alias Elong na umaming siya ang bumasag sa salamin ng SUV at tumangay sa mga gamit ng aktor.


Narekober ng mga awtoridad sa suspek ang isang mamahaling bag, dalawang relos at mga gadgets ngunit hindi pa narerekober ang isang wallet, mga ID, at pasaporte.


Hindi umano sinadya ng mga suspek na sasakyan ni Anderson ang kanilang pupuntiryahin.


"Naghahanap po kami ng madidiskartehan ng pera. Hindi po namin sadya na makita 'yung sasakyan ni sir Gerald Anderson po. Ta's noong sinilip ko po, may laman po 'yon. Kinuha ko po," kuwento ng suspek sa isang panayam.


Ayon naman sa NBI SAU, dati nang sangkot sa robbery ang grupo ng suspek.

"Itong mga taong ito ay may mga previous cases. Nakulong na rin sila dati at may mga pending cases for the same modus, robbery," ani dela Cruz.


Nagpasalamat naman si Anderson sa mga awtoridad.


"Gusto ko pong gamitin ang pagkakataon na ito para magpasalamat po sa NBI lalo na po Special Action Unit. Sobrang salamat po sa dedication, sa perseverance at patience para ho mahanap natin po 'yung mga gumawa ng krimen na ito sa basag kotse na ginawa po sa aking sasakyan," aniya.


Nasa kustodiya na ng NBI si Dancel at nahaharap sa kaukulang kaso habang patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page