top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 19, 2023



ree

Huli ang limang pinaniniwalaang sangkot sa ilegal na Philippine offshore gaming operator (POGO) sa operasyon ng National Bureau of Investigation ngayong Linggo, Nobyembre 19.


Kasama sa mga nahuli ang isang menor de edad na umano'y sangkot at pinabibitbit ng baril ng mga operator para hindi mahuli ng mga awtoridad.


Sinasabing bumibili ang mga suspek ng iba't ibang website para magamit sa kanilang panloloko.


Inamin ng mga suspek ang ilang ginawang transaksyon ngunit mariing itinanggi ang baril na nahuling bitbit ng 15-anyos na anak ng isa sa mga suspek.


Kinumpirma naman ng NBI sa kanilang ulat na nagpapatakbo ang mga suspek ng ilegal na POGO at ipinadala ang baril sa menor de edad para makalusot sa mga pulis


Ikinulong ang limang suspek at ang bata ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 7, 2023



ree

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang leader ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na si Jey Rence Quilario a.k.a. Senior Agila, kasama ang iba pang mga opisyal ng grupo dahil sa alegasyon ng human trafficking.


Naganap ang pag-aresto sa labas ng gusali ng Senado matapos ang pagdinig ng mga Komite sa Public Order and Dangerous Drugs at Women, Children, Family Relations, at Gender Equality.


Matatandaang kinumpirma ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa na pinadalhan ng warrant of arrest si Senior Agila ng isang regional trial court sa Dapa, Surigao del Norte, gayundin ang iba pang mga opisyal ng SBSI.


Ayon sa Department of Justice (DOJ), ang mga prosecutor ay naghain ng mga kasong kriminal laban kay Quilario at 12 iba pang kaso sa isang Regional Trial Court (RTC) sa Surigao del Norte.


Dagdag ng DOJ, ang mga kasong kinakaharap nina Agila ay trafficking in persons, facilitation of child marriage, solemnization of child marriage, at child abuse.


Ito ay matapos mabigyang-linaw sa Senate hearing nu'ng Setyembre sa pangunguna ni Senador Risa Hontiveros ang mga katiwaliang nangyayari sa loob ng sinasabing kulto ng SBSI.



 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 6, 2023



ree

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nangyaring pamamaril sa isang radio anchor na si Juan Jumalon o mas kilala bilang Johnny Walker habang ito ay nagla-live broadcast kahapon, ayon sa Department of Justice nitong Lunes, Nobyembre 6.


Ayon sa DOJ spokesperson na si Mico Clavano, nasa proseso na sila ng paghahanap at agad namang nakuha ng NBI ang impormasyon tungkol sa kaso.


Patuloy pa ang pagtukoy kung sino ang gunman at nasa likuran ng karumal-dumal na pagpatay.


Matatandaang binaril si Jumalon sa kanyang sariling tahanan sa Brgy. Don Bernardo A. Neri nu'ng Linggo, Nobyembre 5.


Sa kabilang banda, nakikipag-ugnayan naman ang NBI sa Presidential Task Force para sa seguridad ng mga taga-media.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page