top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 25, 2021



ree

Arestado ang online seller na si Paulino Ballano dahil sa pagbebenta umano ng mga pekeng mamahaling produkto, kung saan 631 piraso ng luxury bags, wallet, scarf at iba pang leather goods na nagkakahalagang P68 milyon ang nasamsam habang nagla-live selling siya sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na iniulat ngayong araw, Marso 25.


Giit pa ni NBI Executive Officer Agent John Ignacio, “Sa unang tingin n’yo, akala n’yo, original, pero peke ito. Unang-una, ang naaapektuhan dito, 'yung brand owner. Bukod du’n, pati ating gobyerno, naaapektuhan kasi nga itong mga ito, hindi nagbabayad ng tamang buwis.”


Batay sa ulat, ang luxury brand na nakabase sa Paris, France mismo ang nagreklamo sa NBI sa pamamagitan ng isang local firm laban sa umano’y pagbebenta ni Ballano sa online ng mga counterfeited products nila.


Paliwanag pa ng NBI, dadalhin ng mga awtoridad sa korte ang lahat ng nakumpiskang produkto at hihilingin na sirain ang mga ito upang hindi na magamit.


Kinilala rin ang suspek bilang isang direktor sa teatro. Karamihan sa mga kliyente niya ay mula pa sa Taiwan, US, Canada at United Arab Emirates. Katwiran pa niya, hindi lahat ng ibinebenta niya ay peke.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 14, 2021



ree

Nagsanib-puwersa ang Philippine Drug Enforcement Agency-Northern Mindanao, National Bureau of Investigation (NBI) at mga pulis sa isinagawang buy-bust operations sa bayan ng Pantar, Lanao del Norte kung saan nasabat ang mahigit P6.8 milyong halaga ng shabu mula sa dalawang tulak kaninang umaga, Marso 14.


Ayon sa ulat, ang suspek ay isang lalaki na hinihinalang internally-displaced person mula sa Marawi siege at isang 21-anyos na babaeng estudyante.


Kilala umano ang mga ito bilang batikan sa pagbebenta ng droga sa nasabing lugar.


Kaugnay nito, nasabat din ang 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000 sa hiwalay na operasyon sa Barangay Hinaplonan sa Iligan City kung saan anim ang inaresto. Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang haharapin ng mga suspek.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 2, 2021



ree


Handang magbitiw sa puwesto si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Wilkins Villanueva kung mapapatunayan diumano na isa sa kanilang tauhan ang nagbenta ng droga sa kapulisan sa madugong buy-bust operation malapit sa isang mall sa Quezon City noong nakaraang linggo.


Hinamon din ni Villanueva na maglabas ng CCTV footage ang sinumang nagsasabing nagbenta ng droga ang PDEA agents sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Aniya, “Magsasalita ka kung may makikita kang ebidensiya na nandiyan. CCTV ang patunay. Magpalabas sila ng CCTV na nagbentahan ang PDEA at pulis. Magre-resign ako right now.


“Magpalabas kayo ng ebidensiya na CCTV na nagbenta ang PDEA at kayo ang bumili. Doon, kaso na ‘yun. I will resign immediately.”


Samantala, kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa insidente.


Noong Lunes, ayon sa Philippine National Police (PNP), nai-turn over na nila ang ilang ebidensiya katulad ng cellphones, mga baril at umano'y boodle money.


Saad pa ni PNP Crime Laboratory Director Brigadier Steve Ludan, “That is all we have now and na-turn over na po ‘yung iba, and the rest we are waiting for the complete turnover of these evidence to the NBI.”


Pahayag naman ni PNP Chief Police General Debold Sinas, “As to the impact of those evidence, pabayaan na lang muna ang NBI ang magsalita.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page