top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 12, 2024



Sports News

Pasado na ang Team USA sa una nilang pampublikong laro laban sa Canada, 86-72, kahapon sa T-Mobile Arena sa Las Vegas. Ipinagpag ng mga Amerikano ang mabagal na simula para sa unang hakbang patungo sa layunin nilang makamit ang ika-limang sunod na ginto sa Paris Olympics sa katapusan ng buwan. 


Umarangkada ang Canada, 11-1 at inabot ng limang minuto bago naka-shoot ng three-points si Stephen Curry. Lamang pa rin ang Canada matapos ang unang quarter, 21-14, tampok ang pito ni Kelly Olynyk subalit kumilos na ang USA sa sumunod na quarter.  


Bumira ng anim si Anthony Edwards upang buksan ang pangalawang quarter at tuluyang natamasa ng mga Amerikano ang unang lamang, 25-23, sa buslo ni Devin Booker at hindi na nila binitiwan ito. Nagtapos ang halftime sa 41-33 at sa sobrang buwenas ay ipinasok ni Edwards ang tres kasabay ng busina ng third quarter, 69-54. 


Nanguna si Edwards na may 13, 12 si Curry, 11 si Jrue Holiday at double-double si Anthony Davis na 10 at 11 rebound. Gumawa ng 12 si RJ Barrett para sa Canada at sinundan nina Shai Gilgeous-Alexander at Dillon Brooks na may tig-10. 


Samantala, nagpasya si Kawhi Leonard at LA Clippers na mas mabuti na magpahinga na lang siya at tumutok sa paghahanda sa bagong NBA sa Oktubre. Agad inihayag ng USA Basketball na papalitan si Leonard ni Derrick White ng World Champion Boston Celtics. 


Sisikapin na nina White at Jayson Tatum na mapabilang sa maikling listahan ng mga nagwagi sa NBA at Olympics sa parehong taon habang ang kanilang kakampi sa Celtics Holiday ay nais sundan ang doble tagumpay noong 2021 noong siya ay nasa Milwaukee Bucks. Ang iba pang nasa listahan ay sina Michael Jordan (1992), Scottie Pippen (1992, 1996), Kyrie Irving (2016), LeBron James (2012) at Khris Middleton (2021). 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 3, 2024



Sports News

Dumating na ang araw na kinatatakutan ng mga tagahanga ng Golden State Warriors at hindi na bahagi ng koponan si Klay Thompson. Sa pinakamalaking transaksyon papasok sa bagong NBA sa Oktubre, maglalaro na ang beteranong shooter sa Dallas Mavericks matapos ang 13 taon sa Warriors. 


Binigyan ng Mavs, ang natalo sa World Champion Boston Celtics sa katatapos na 2024 NBA Finals, ang Warriors ng dalawang pick sa Round 2 ng NBA Draft sa 2025 at 2031. Upang mabuo ang kasunduan, ipapadala ng Dallas si Josh Green sa Charlotte Hornets. 


Kasama si Stephen Curry, binuo nila ang makamandag na tambalang Splash Brothers na nagbunga ng apat na kampeonato noong 2015, 2017, 2018 at 2022. Iiwanan niya ang koponan na may 15,531 puntos mula sa 2,481 na three-points sa 793 laro. 


Inaasahan na makakatulong si Thompson sa opensa ng Mavs at bawasan ang trabaho nina Luka Doncic at Kyrie Irving. Sa panig ng Warriors, maghahanap na ng bagong kasama si Curry na bubuhat sa koponan pabalik sa tuktok ng liga. 


Sa iba pang transaksyon na yumanig sa NBA, nagpasya si All-Star Paul George na iwanan ang LA Clippers at pumirma sa Philadelphia 76ers para sa $212 milyon (P12.456 bilyon) sa loob ng apat na taon. Nagtala ng 22.6 puntos sa 75 na laro si George nitong nakaraang taon.


Kasabay ng pagdating ni George ay tiniyak ni 2024 Most Improved Player at All-Star Tyrese Maxey na mananatili siya sa 76ers sa paglagda ng bagong kontrata na $204 milyon (P12 bilyon) sa limang taon. Sasamahan nina George at Maxey si 2023 MVP Joel Embiid na maghatid ng kampeonato na huling natikman ng prangkisa noong 1985 at hindi pa sila lahat ipinanganganak. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 28, 2024



Sports News

Sa ikalawang sunod na taon, isang Pranses – Zaccharie Risacher – ang napiling pangkalahatang numero uno sa NBA Draft. Tinawag ng Atlanta Hawks ang pangalan ng 19 anyos na 6’9” forward sa seremonya kahapon sa Barclays Center. 


Ginulat ng Hawks ang lahat at hindi nila ikinuha ang isa pang Pranses Alex Sarr na mas binabanggit ng mga dalubhasa sa mga araw papalapit ang draft. Agad napunta ang 19-anyos na 7’0” sentro sa Washington Wizards na pangalawang pumili. 


Mas kumpletong manlalaro si Zaccharie,” paliwanag ni Coach Ariel Vanguardia na magsisilbing bahagi ng coaching staff ng Hawks sa Las Vegas Summer League ngayong Hulyo. Ngayon pa lang ay inaabangan ni Coach Vanguardia ang pagkakataon na makatrabaho ang baguhan. 


Si 6’3” shooter Reed Sheppard ang unang Amerikano na kinuha sa #3 ng Houston Rockets.  Sumunod sa #4 ang isa pang guwardiya 6’6” Stephon Castle ng San Antonio Spurs habang #5 si 6’8” forward Ron Holland ay napunta sa Detroit Pistons. 


Maliban kay Risacher at Sarr, dalawa pa nilang kababayan na sina 6’9” forward Tidjane Salaun ay napunta sa Charlotte Hornets sa #6 at 6’8” guwardiya Pacome Dadiet sa New York Knicks sa #25. Si Risacher ay sumunod sa kababayang Victor Wembanyama na piniling numero uno ng Spurs noong 2023. 


Winakasan ng Los Angeles Lakers ang haka-haka ng marami at pinili si 6’5” gwardiya Dalton Knecht sa #17. Malakas ang usapan na kukunin ng Lakers si Bronny James na anak ng kanilang superstar LeBron James subalit may pagkakataon pa sila sa Round 2 ngayong araw. 


Kamakailan ay ipinakilala ng Lakers si JJ Redick bilang kanilang bagong coach kapalit ni Darvin Ham. Si Coach Redick ay naglaro sa NBA mula 2006 hanggang 2021 para sa Orlando, Milwaukee, LA Clippers, Philadelphia, New Orleans at Dallas at matapos magretiro ay naging komentarista sa telebisyon subalit walang karanasan sa pagiging coach.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page