top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 15, 2025



Photo: James Harden - L.A. Clippers / FB

  

Gumanap ng malaking papel si Jalen Green sa 120-118 panalo ng Houston Rockets sa Memphis Grizzlies sa NBA kahapon sa Toyota Center. Ito ay sa gitna ng pagbabalik ng mga laro ng Los Angeles Lakers at tagumpay ng L.A. Clippers matapos ang malaking sunog sa lungsod sa nakalipas na mga araw na dahilan ng pagliban sa ilang laro. 


Tinumbasan ni Green ang kanyang personal na markang 42 puntos at ang huling buslo ang nagbalik ng lamang sa Rockets, 116-115, at 34 segundo sa orasan. Mula roon ay nagpasok ng tig-dalawang free throw sina Amen Thompson at Fred VanVleet upang makumpleto ang kanilang paghabol mula sa 87-100 maaga sa huling quarter. 


Nagtala ng tig-23 sina Victor Wembanyama, Devin Vassell at rookie Stephon Castle at binigo ng San Antonio Spurs ang Lakers, 126-102, sa Crypto.com Arena. Ang laro ay kasabay ng seremonya ng pagretiro ng Lakers ng numero 21 para kay alamat Michael Cooper na naglaro mula 1978 hanggang 1990 at naging bahagi ng limang kampeonato.


Sa Intuit Dome, humarurot sa pangalawang half ang Clippers upang tambakan ang Miami Heat, 109-98. Double-double sina James Harden na 26 at 11 assist at Ivica Zubac na 21 at 20 rebound habang may 29 puntos si Norman Powell. 


Impresibo si Cade Cunningham sa 36 puntos upang itulak ang bisitang Detroit Pistons sa malaking 124-119 panalo sa New York Knicks. Hindi pinapuntos ng Toronto Raptors ang Golden State Warriors sa huling dalawang minuto at bumuslo sina Chris Boucher at Ochai Agbaji upang maagaw ang 104-101 resulta. 

         

Lalong ibinaon ng Minnesota Timberwolves ang kulelat na Washington Wizards, 120-106, sa likod ng 41 ni Anthony Edwards. Kung maganda ang laro ni “Antman” ay patuloy naman ang hindi magandang asal kaya pinatawan siya muli ng multang $50,000 (P2.93-milyon) bunga ng  inasta sa mga reperi sa  laro kontra Memphis.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 6, 2025



Photo: Kawhi Leonard - LA Clippers - IG



Sa loob ng 24 oras ay nag-overtime muli subalit iba ang resulta at gumanti ang bisitang Denver Nuggets sa San Antonio Spurs, 122-111, sa NBA kahapon sa Frost Bank Center. Balik-aksiyon din si Kawhi Leonard matapos lumiban sa unang 34 laro at wagi ang kanyang L.A. Clippers sa Atlanta Hawks, 131-105. 

      

Itinapik ni Devin Vassell ng Spurs ang sarili niyang mintis para ipilit ang overtime, 108-108, at 14 segundo sa orasan. Tiniyak ni Nikola Jokic na hindi mauulit ang nangyari sa 110-113 pagkabigo sa Spurs at mag-isang ipinasok ang unang 7  puntos ng overtime para lumayo agad ang Nuggets, 115-108.

       

Nagtapos si Jokic na may 9 ng kanyang 46 sa overtime na may kasamang 10 assist.  Lamang ang Spurs sa simula ng huling quarter, 92-81 at humabol ang Denver sa likod ni Michael Porter Jr. na ginawa ang 10 ng kanyang 28.

      

Hindi masyadong pumuntos ang tinaguriang “The Klaw” at nagtala ng 12 sa unang tatlong quarter at hindi na ginamit sa huli pero lumaki pa rin sa 124-96 ang bentahe.  Pitong iba pang kakampi ang may 10 o higit sa pangunguna ni Norman Powell na may 20 para sa kanilang ika-20 panalo sa 35 laro. 

       

Ibang inspirasyon ang hatid ng dating MVP Derrick Rose at tinambakan ng Chicago Bulls ang New York Knicks, 139-126.  Parehong nagbagsak ng tig-33 sina Zach LaVine at Coby White kasabay ng pormal na pagpugay kay Rose ng koponan niya mula 2008 hanggang 2016. 

       

Naghayag ang Bulls na ireretiro ang numero ng uniporme ni Rose na 1 sa susunod na taon at tatabihan nito ang mga naunang 4 (Jerry Sloan), 10 (Bob Love), 23 (Michael Jordan) at 33 (Scottie Pippen).  Laman ng usapan na kinukuha si Rose ng Filipino Club Strong Group Athletics sa Dubai International Championship sa katapusan ng buwan.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Nov. 14, 2024



Photo: Steph Curry vs Dallas Mavericks - Instagram / GSW


Walang personalan at trabaho lang sa 120-117 panalo ng Golden State Warriors sa bisitang Dallas Mavericks sa unang araw ng Emirates NBA Cup kahapon. Puno ng emosyon ang pagbabalik ni Klay Thompson sa Chase Center subalit pinaalala ni Stephen Curry bakit siya ang may pinakamaraming three-points sa kasaysayan ng liga.


Itinala ni Curry ang huling 12 puntos ng Warriors upang makahabol galing 108-114 sa huling tatlong minuto. Matapos magbanta ang Mavs sa tres ni Quentin Grimes, 117-118, binigyan ni Thompson ng foul si Curry at ipinasok ang dalawang paniguradong free throw na may 13 segundo sa orasan.


Nagtapos si Curry na may 37 buhat sa limang tres. Nanguna sa Mavs si Luka Doncic na may 31 subalit nagmintis ang huling tres na magtatakda sana ang overtime habang may 22 buhat sa anim na tres si Thompson na naging bahagi ng Warriors mula 2011 hanggang 2024. Itinapik papasok ni Oneka Okongwu ang mintis ni Dyson Daniels na may anim na segundong nalalabi upang malusutan ng Atlanta Hawks ang World Champion Boston Celtics, 117-116.


Nanguna pa rin si Daniels na may 28 habang may 15 si Okongwu na minsan ay naging kandidato para sa Gilas Pilipinas bilang naturalisadong manlalaro. Makapigil-hininga rin ang tagumpay ng Detroit Pistons sa Miami Heat sa overtime 123-121.


Matapos itabla ng dunk ni Jalen Duren ang laro na may isang segundo pa sa overtime, 121-121, pinatawan ng technical foul ang Heat dahil tumawag sila ng labis na timeout at ipinasok ni Malik Beasley ang free throw.


Wagi ang New York Knicks sa Philadelphia 76ers, 111-99, sa likod ng 24 ni OG Anunoby.


Nabahiran ang unang laro ngayong taon ni Joel Embiid na gumawa ng 13 matapos lumiban sa unang siyam na pinagsamang pagpapagaling ng pilay at tatlong larong suspensiyon bunga ng pakikipag-away niya sa isang mamamahayag.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page