top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | Feb. 3, 2025



Photo: Luka Doncic at Anthony Davis - IG


Niyanig ang buong NBA ng higanteng palitan ng mga superstar kahapon at maglalaro na si Luka Doncic sa Los Angeles Lakers habang Dallas Mavericks na si Anthony Davis.  Kasama sa komplikadong transaksyon ang Utah Jazz na tiyak magbabago ng takbo ng karera sa Western Conference.

       

Hindi muna mararamdaman ang epekto ng lipatan at parehong nagpapagaling sina Luka Magic at AD. Huling naglaro si Doncic noong Pasko at napilay ang binti habang isang linggo mawawala si Davis matapos masaktan ang kalamnan sa sikmura.

       

Kahit naglaro lang sa 22 ng 49 laro ng Mavs, nagsumite pa rin si Doncic ng impresibong 28.1 puntos, 8.3 rebound at 7.8 assist. Double-double si Davis na 25.7 puntos at 11.9 rebound sa 42 laro.

       

Lumalabas na ipapadala ng Lakers si Davis at Max Christie sa Mavs para kay Doncic, Maxi Kleber at Markieff Morris. Lilipat sa Jazz mula Lakers si Jalen Hood-Schifino.

         

Bago inihayag ang palitan ay tinalo ng bisitang Lakers ang New York Knicks, 128-112.  Nagtala si LeBron James ng 33, 11 rebound at 12 assist at tanging siya at ang alamat na si Karl Malone ang mga may triple-double sa edad 40 pataas.

         

Uminit si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson para sa 14 ng kanyang 16 sa huling quarter kasama ang apat na tres at wagi ang Jazz sa Orlando Magic, 113-99. Nagwakas rin ang walong sunod na talo ng Utah at umangat sa 11-36 subalit huli pa rin sa West.

       

Tunay na araw ng mga dehado at tinapos ng Washington Wizards ang 16 sunod na talo at wagi sa Minnesota Timberwolves, 105-103, at unang panalo mula Enero 1. Nanguna sa Wiz si Kyle Kuzma na may 31.

        

Numero uno pa rin sa West ang Oklahoma City Thunder na nanaig sa Sacramento Kings, 144-110. Gumawa ng 41 at 14 rebound si Aaron Wiggins. 

 
 

ni Jordan Santoyo-OJT @Sports News | Jan. 28, 2025



Photo: Kobe at Gianna Bryant - Lakers IG



Nagbigay-pugay ang mundo ng basketball sa ika-limang anibersayo ng pagpanaw ni Kobe Bryant at ng kanyang anak na si Gianna. Nasawi ang mag-ama kasama ang pito pang pasahero sa helicopter crash sa bulubundukin ng Calabasas, California noong Enero 26, 2020, habang papunta sa Mamba Academy para sa isang basketball tournament.


Sa social media post ng Lakers makikita ang litrato ni Kobe at Gianna na masayang nanonood ng laro, kalakip ang mensaheng “Always in our hearts”.


Ang simpleng pahayag na ito ay umantig sa puso ng maraming tagahanga at nagsilbing alaala sa hindi makakalimutang kontribusyon ni Kobe sa larangan ng basketball.


Sa iba’t ibang panig ng mundo patuloy ang pagpupugay habang sa Los Angeles, tampok ang estatwa ni Kobe at Gianna sa labas ng Crypto.com Ang alamat ni Kobe ay buhay na buhay din sa ibang atleta tulad ni Carmelo Anthony na nagbahagi ng litrato na kasama si Kobe na may caption na “Sometimes you never know the value of a moment until it becomes a memory”.


Ang Italian tennis star na si Jannik Sinner ay nagpakita ng parangal kay Bryant matapos manalo sa Australian open, habang suot ang sapatos ng NBA legend sa kanyang trophy ceremony. Ang alaala ni Kobe ay hindi rin nakalimutan ng dati niyang kakampi.


"Thinking of you today and EVERYDAY #GIGI #KOBE,” anang dating kakampi ni Kobe na si Byron Scott. Maging si Caron Butler na dati niyang kasamahan ay nagpahayag ng, “Forever missed… Never forgetten…”.


Sa bawat estatwa, at alaalang ibinahagi ay nanatiling buhay ang diwa ni Kobe at Gianna. Kahit limang taon na ang nakalipas ,ang alaala nila ay patuloy na nagbibigay inspirasyon at hindi malilimutang kontribusyon sa larangan ng basketball.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 23, 2025



Photo: Hindi maawat ang init ng mga kamay ni Anthony Davis ng Los Angeles Lakers nang tambakan ang kulelat na Washington Wizards sa NBA game kahapon. (docsports) 

  


Naitakas ng bisitang New York Knicks ang 99-95 panalo sa kapitbahay na Brooklyn Nets sa simula ng NBA Rivals Week kahapon sa Barclays Center. Magtatakda ang liga ng mga piling laro ngayong linggo na puno ng kasaysayan na aabangan ng mga tagahanga. 

      

Kumakapit ang Nets sa 90-89 lamang bago bumira ng dalawang magkasunod na buslo si Jalen Brunson para maagaw ang bentahe sa huling 2 minuto 93-90. Ipinasok ni Keon Johnson ang dalawang free throw pero nariyan muli sina Brunson at OG Anunoby para ihatid ang mga pandiin na puntos, 97-92 at isang minuto sa orasan. 

       

Nagtapos na may walo ng kanyang 17 puntos sa huling quarter si Brunson na tinuldukan ng dalawang paniguradong free throw na may 7 segundong nalalabi.  Nanguna sa Knicks si Karl-Anthony Towns na may 25 at 16 rebound at Anunoby na may 20. 

     

Ilan sa mga malaking salpukan ay ang pagkikita muli ng World Champion Boston Celtics at Los Angeles Lakers sa Biyernes. Matapos nito ay dadalaw ang Celtics sa tinalo para sa kampeonato Dallas Mavericks sa Linggo. 

       

Naghanda ang Lakers para sa Celtics sa 111-88 nang tambakan ang kulelat na Washington Wizards. Triple-double si LeBron James sa 21, 10 rebounds at 13 assists.  Nanguna si Anthony Davis na may 29 at 16 rebounds at umakyat ang Lakers sa 23-18 habang lagpak sa 6-36 ang Wizards. 

      

Tagumpay ang Portland Trail Blazers sa Miami Heat, 116-107. Bago ang laro, ginawaran ng USA Basketball ng singsing sina Bam Adebayo at kabayan Coach Erik Spoelstra para sa kanilang gold medal sa Paris 2024 Olympics. 

     

Samantala, maghaharap sa dalawang opisyal na laro ang Indiana Pacers at San Antonio Spurs sa Accor Arena kung saan ginanap ang Olympics sa Biyernes at Linggo. 

Magkaribal ang mga koponan buhat pa noong panahon nila sa American Basketball Association (ABA) na nagsara noong 1976.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page