top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 7, 2024



Sports Photo

Laro ngayong Biyernes – TD Garden

8:30 AM Dallas vs. Boston


Papasok na mabigat na paborito ang Boston Celtics laban sa bisitang Dallas Mavericks sa Game One ng 2024 NBA Finals best-of-seven ngayong araw sa TD Garden simula 8:30 ng umaga. Hahanapin ng Boston ang ika-18 kampeonato sa kanilang mayamang kasaysayan at una mula pa ang huli noong 2008. 


Nakatutok ang pansin sa mga tambalang bituin Jayson Tatum at Jaylen Brown ng Celtics at Luka Doncic at Kyrie Irving ng Mavs. Sa apat, tanging si Irving lang ang may kampeonato noong 2016 para sa Cleveland Cavaliers.


Nakapaglaro rin si Irving sa Celtics mula 2017 hanggang 2019 kung saan nagsilbi siyang kuya sa mga noon ay mga baguhang sina Tatum at Brown. Ngayon, ang hindi niya naihatid na tropeo sa Boston ay dadalhin sa Dallas na ang nag-iisang kampeonato ay natamasa noong 2011 kung saan manlalaro pa nila ang kasalukuyang Coach Jason Kidd. 


Napipisil na mabubura ng mga superstar ang bawat isa.  Malaki ang ambag na puntos ngayong playoffs nina Tatum (26.0) at Brown (25.0) at Doncic (28.8) at Irving (22.8) kaya lilipat ang laban sa pagalingan ng iba pang kakampi. 


Mahalaga na umangat para sa Celtics sina Derrick White, Jrue Holiday at ang babalik na galing sa lampas isang buwan na pilay na si Kristaps Porzingis. Kokontrahin ito nina PJ Washington, Derrick Jones Jr. at Daniel Gafford. 


Ngayong playoffs, 6-2 ang kartada ng Celtics sa kanilang tahanan patungo sa pagbura sa Miami Heat, Cleveland Cavaliers at Indiana Pacers. Ang Mavs ay 7-2 kapag sila ang bisita, malaking dahilan kaya ginulat nila ang mga mas mataas na kalaro LA Clippers, Oklahoma City Thunder at Minnesota Timberwolves. 


Ang Game 2 ay nakatakda sa Lunes sa Boston pa rin. Lilipat ang serye sa American Airlines Center sa Dallas para sa Game 3 sa Hunyo 13 at Game Four sa 15.  


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 30, 2024



Sports Photo
Photo: Minnesota Timberwolves

Laro sa Biyernes – Target Center

8:30 a.m. Dallas vs. Minnesota 


Buhay na buhay pa rin ang kampanya ng Minnesota!  Ginulat ng bisitang Timberwolves ang namumurong Dallas Mavericks, 105-100, sa Game 4 ng 2024 NBA Western Conference Finals kahapon sa American Airlines Center at maiwasang mawalis sa seryeng best-of-seven. 


Sinamahan ni Anthony Edwards ng gawa ang kanyang pananalita at muntikan na magtala ng triple double na 29 puntos, 10 rebound at siyam na assist. Tinulungan siya ni Karl Anthony Towns na may 10 ng kanyang 25 sa huling quarter habang may 14 at 7 assist si Mike Conley. 


Nasayang ang triple double ni Luka Doncic na 28 puntos, 15 rebound at 10 assist. Nalimitahan si Kyrie Irving sa 16 puntos lang at malaking bagay din ang pagliban ni sentro Dereck Lively II na nagpapagaling ng tama sa leeg noong Game 3. 


Bumanat ng magkasunod na 3-points sina Towns at Edwards upang mahablot ang bentahe, 95-90, at hindi na nila ito binitawan sa nalalabing limang minuto. Tumira ng tres si Doncic bilang huling hirit ng Dallas, 100-103, subalit sinagot ito ng shoot ni Sixth Man of the Year Naz Reid para itakda ang huling iskor na may 11 segundo pa sa orasan. 


Uuwi na ang Timberwolves para sa Game 5 sa Biyernes sa Target Center. Nakuha ng Mavs ang Game 1 (108-105) at 2 (109-108) kaya bawal magkamali ang Minnesota at maglaro ng perpekto. 


Naghihintay sa magtatagumpay sa West ang Eastern Conference champion Boston Celtics na maagang tinapos ang Indiana Pacers, 4-0. Kahit anong mangyari sa West, ang 2024 NBA Finals ay magsisimula sa Hunyo 7 sa tahanan ng Celtics TD Garden. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | November 6, 2023



ree

Nag-iisa sa taas ng NBA ang Boston Celtics matapos talunin ang Brooklyn Nets, 124-114, kahapon sa Barclays Center. Ito na ang ika-lima ng Celtics at naging espesyal ang gabi para kay Jayson Tatum na itinala ang ika-10,000 puntos sa kanyang 7 taong karera.

Inabot ng 25-anyos na si Tatum ang marka sa 3-point play sa 2nd quarter na kanyang ika-16. Humataw ng todo ang Boston sa 2nd half at nagtapos siya na may 32 puntos at 11 rebound. Ang World Champion Denver Nuggets ang unang koponan na umabot ng anim na panalo nang manaig sa Chicago Bulls, 123-101. Kinapos si Nikola Jokic ng isang assist para sa triple double pero may 28 at 16 rebound.

Napigil ng Charlotte Hornets ang huling habol ng Indiana Pacers, 125-124. Sumandal ang Hornets sa siyam ng kabuuang 27 puntos ni sentro Mark Williams sa 4th quarter. Tinambakan ng bisitang Atlanta Hawks ang New Orleans Pelicans, 123-105, upang umakyat sa 4-2. Bumanat ng 22 puntos at namigay ng 12 assist si Trae Young.

Hindi pinalad si kabayan Jordan Clarkson at Utah Jazz at tinambakan ng Minnesota Timberwolves, 123-95. Walang solusyon para kay Anthony Edwards na nagsabog ng 31 puntos. Dalawang panalo na ang Houston Rockets at dinurog ang Sacramento Kings, 107-89. Bumida ng paboritong kontrabida ng 2023 FIBA World Cup Dillon Brooks na nagtala ng 26 puntos.

Nakaganti ang Orlando Magic sa Los Angeles Lakers, 120-101. Anim na Magic ang gumawa ng 10 o higit sa pangunguna ni Franz Wagner na may 26 at Paolo Banchero na may 25. Sa maagang laro, umarangkada ang Philadelphia 76ers sa ika-apat na sunod laban sa Phoenix Suns, 112-106. Double-double si MVP Joel Embiid na 26 at 11 rebound.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page