ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | August 18, 2024
Kailangan pag-aralan muli ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang basehan sa halaga ng pagkain bawat araw para maituring na “food poor” ang isang tao.
Sa isang pagdinig kasi namin sa Senado, sinabi ni NEDA Chief Arsenio Balisacan na hanggang nitong 2023, nakabatay ang buwanang food threshold para sa pamilyang may limang miyembro sa halagang P9,581 o P64 per person per day.
Maraming umalma sa pahayag na ito at sinabing hindi sasapat ang P64 para makamit ang nutritional o dietary requirements ng tao sa isang araw.
Sa halagang 64 pesos kada araw, papatak na lampas 21 pesos per meal lang ang kailangan ng mga mamamayan para hindi matawag na food poor.
Hindi katanggap-tanggap na sabihing 64 pesos ay sapat na at hindi na matatawag na food poor ang ating mga kababayan.
Ang presyo ng isang Nutribun, na alam nating ‘yung isang tinapay na ‘yun kumbaga lahat ng sustansiya nandu’n na, 40 pesos na siya ngayon.
So ‘di pa rin pasok sa 21 pesos ang isang pirasong Nutribun na nandoon lahat ng nutritional requirements ng ating pamahalaan.
Nagsalita na ang Nutrition Council at sila na mismo ang nagsabi na hindi sapat itong 64 pesos a day para masabi ka na hindi ka food poor.
Ilang budget hearing na rin natin na-raise ang punto na ito, na baka dapat taasan na ng NEDA ‘yang threshold nila dahil hindi nga makatotohanan itong 64 pesos.
Kasi ang gusto nating mangyari ay malaman ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan para ‘yung budget ay magawan natin ng programa na talagang magbibigay solusyon sa problema ng mga mamamayan lalo na pagdating sa pagkain.
Ang nakakalungkot, nang ni-raise natin itong issue na ito sa budget deliberation noong nakaraang taon, ‘yun din ang sinabi sa atin na titingnan, pag-aaralan.
Siguro naman ngayon talagang pag-aaralan at babaguhin na nila ang numero na ‘yan.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay