top of page
Anjo Yllana - FB Live.jpg
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 20, 2024



Dear Sister Isabel,


Kumusta kayo? Nawa’y lagi kayong masaya at ligtas sa lahat ng problema. 


Sa takot kong tumandang dalaga, nag-asawa pa rin ako sa edad na 32. Maraming nanliligaw sa akin, kaya lang sobrang pihikan ko, pero pumayag din akong magpakasal sa lalaking akala ko si Mr. Right. Akala ko siya na ang karapat-dapat na mahalin. Pogi, may kaya sa buhay, mabait at mapagmahal. Subalit nang magsama kami sa iisang bubong, doon ko natuklasan na isa pala siyang batugan at mama's boy.


Nakadepende siya lagi sa mama niya at ayaw niyang magtrabaho kahit na may sarili na siyang pamilya. 


Wala rin kaming sariling bahay, kung kaya nakikitira lang kami sa bahay nila. Nang isilang ko ‘yung beybi namin, akala ko magiging responsableng ama at asawa na siya, pero hindi pa rin pala. 


Gradweyt siya ng kolehiyo at matalino. Kung tutuusin, kayang-kaya niyang makatagpo ng magandang trabaho, pero ayaw niyang gawin. Sa sobrang inis ko, iniwan ko siya at lumayas ako dala ang beybi namin. Umuwi ako sa pamilya ko, tinanggap naman ako ng mga magulang ko dahil nauunawaan nila ang buhay ko sa piling ng aking biyenan at asawang batugan. 


Tama ba ang ginawa ko, Sister Isabel? Mahal ko siya, pero kung ganyan ang magiging attitude niya habambuhay, baka tuluyang mawala ang pagmamahal ko sa kanya. Nawa’y mapayuhan n’yo ako.


Nagpapasalamat,

Glenda ng Calamba, Laguna


Sa iyo, Glenda,


Dapat lagi kayong nag-uusap ng husband mo. Sabihin mo sa kanya lahat ng hinanakit mo. Maging honest ka sa kanya, baka kasi akala niya kuntento ka na sa buhay mo.


Mainam na ‘yung malinaw kesa malabo. Sabihin mo sa kanya hangga’t ‘di siya naghahanap ng trabaho para sa inyong mag-iina at hindi ka niya ibinubukod ng bahay, hindi ka babalik sa kanya. Hayaan mong maisip niya na ngayong may asawa na siya, alisin na niya ang pagiging mama's boy, at maging responsable ama at asawa na siya. Hindi na siya bata, nagkakaedad na siya at may anak na kayo na naghahanap ng kalinga at pagmamahal ng isang ama. Ipakita niya sa parents niya na kaya niyang mamuhay nang hindi nakadepende sa kayamanan nila.


Sa palagay ko, matatauhan siya kapag kinausap mo siya. Kung talagang mahal ka niya, susundin niya ang gusto mong mangyari. 


Kung hindi naman, mananatili pa rin siya sa bahay nila kapiling ng kanyang pamilya. 


Mas makakabuting d’yan ka na lang muna sa parents mo at ipagdasal na sana matauhan na ang asawa mo. Hanggang dito na lang, pagpalain ka nawa ng Dakilang Kataas-taasan, gayundin ang husband mo at ang inyong kaisa-isang anak. Malagay nawa sa ayos ang pagsasama n’yo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 19, 2024



Dear Sister Isabel,


Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa aking ampon. Pinaampon siya sa akin ng best friend ko na nabuntis ng kanyang boyfriend, at dahil wala kaming anak ng husband ko, pumayag siya na ampunin namin ang batang iyon. 


Babae ang naturang baby ng best friend ko. Pinag-aral at itinuring namin siyang tunay na anak. Subalit, pagtungtong niya sa edad na 15, nag-asawa na agad. Gustuhin man naming magalit, hindi namin magawa. Wala na rin naman talaga kaming magagawa dahil nadale na siya ng asawa niya ngayon na isa ring menor-de-edad. 


Nandito sila sa puder namin, ‘di ko na alam ang gagawin ko. Kapos na rin ang aming budget. Ang trabaho ng asawa ko ay tricycle driver habang naglalabandera naman ako.


Hay buhay. Ano kaya ang gagawin ko, Sister Isabel? Hindi ko naman sila puwedeng itaboy.


Ano kaya ang maaari kong gawin para kahit papaano ay mabawasan naman ang bigat na nakaatang sa aking balikat? 


Sana ay mapayuhan n’yo ako para gumaan-gaan naman ang pasaning kinakaharap ko sa kasalukuyan.


Nagpapasalamat,

Inday ng Caloocan


Sa iyo, Inday,


Kumapit ka lang sa Diyos at huwag panghinaan ng loob. Ang ibig kong sabihin sa kumapit ka sa Diyos ay humingi ka ng awa at patnubay sa Poong Maykapal. Magdasal at manalangin ka para tulungan ka ng Diyos mairaos ang buhay n’yo. 


God hears, God listen and God cares. Ang mga ibon nga nabubuhay, tayo pa kayang mga tao? Naniniwala akong makakaraos din kayo sa problemang kinakaharap n’yo ngayon. 


Tutulungan ka ng Diyos basta’t manatili kang nananampalataya sa kanya.


Sa kabilang dako, nawa'y magsilbing leksyon ‘yan sa ampon mo na ang pag-aasawa ay hindi biro. Ipaunawa mo sa kanya at sa asawa niya na ang pakikipagtalik ay hindi para sa mga teenager na tulad nila. 


Hanggang dito na lang, nawa’y patnubayan ka ng Diyos, hindi lamang ngayon kundi magpakailanman.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 17, 2024



Dear Sister Isabel,


Isa akong tindera ng gulay sa palengke. May nakilala akong isang retired army galing U.S., Pinoy siya at hiwalay na rin sa kanyang asawa. Niligawan niya ako at agad ko rin naman siyang sinagot.


Mula noon, hinango niya ako sa kahirapan. Kumbaga, naging instant mayaman ako, pero hindi ko naman talaga mahal ang lalaking iyon. 60-anyos na siya habang 28-anyos pa lang ako. Hanggang sa dumating sa puntong may nakilala akong ibang lalaki na siyang nagpatibok ng aking puso. Kapwa kami nagmamahal, ang problema nga lang ay nabuntis ako. Natuklasan ito ng asawa kong retired army at ngayon ay binabawi niya na lahat ng ari-arian at pera na ibinigay niya sa akin. Hindi ko na puwedeng ibalik ‘yun, lalo na ‘yung house and lot na galing din sa kanya. Pinapalayas at pinapademanda niya ako ngayon.Ano kaya ang gagawin ko? Mawawalan ako ng ari-arian kapag pumayag ako sa gusto niyang mangyari. Maski ang naipon kong pera ay mauubos lang kung babayaran ko ang P3 milyon na hinihingi niya sa akin. Kasal naman kami, Sister Isabel, at naguguluhan na ang isip ko. Ano kaya ang dapat kong gawin?


Nagpapasalamat,

Maritess ng Batangas

 

Sa iyo, Maritess,


Wala kang magagawa kundi pumayag sa gusto niya kung ayaw mong makulong. Kasalanan mo ‘yan. Hinango ka na niya sa kahirapan, binigyan ng magandang buhay, ngunit nagawa mo pa rin siyang pagtaksilan.


Tiyak na sa bilangguan ang kahihinatnan mo dahil may ebidensya siya na buntis ka ngayon. Mas mabuting kumunsulta ka sa abogado dahil puwede naman kayong maghati sa ari-ariang binigay niya sa iyo dahil ang sabi mo ay kasal naman kayo. Naniniwala akong kung hihingi ka ng tawad sa asawa mo, tiyak na patatawarin at iaatras niya rin lahat ng reklamo laban sa iyo. Magpakumbaba at ‘wag kang makipagmatigasan sa asawa mo para lumambot ang puso niya at ibigay ang iyong hiling na kalayaan. Sana magpakatino ka na at huwag mo nang ulitin ang pumatol sa iba pang lalaki na nagkakagusto sa iyo. May balik din sa iyo ‘yang ginagawa mo at  habambuhay kang hindi pagpapalain. Hanggang dito na lang, nawa'y malampasan mo ang problemang kinakaharap mo sa kasalukuyan.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page