top of page
Search

ni Melba Llanera @Insider | August 4, 2024



Showbiz News
Photo:Claudine Barretto & Angelu De Leon / IG

Labis ang pasasalamat ni Gladys Reyes dahil sa buwan ng Hulyo ay dalawang beses niyang nasungkit ang Best Supporting Actress trophies.


Nauna na sa 7th Eddys Awards para sa pelikulang Apag at sa 40th Star Awards for Movies naman ay sa pelikulang Here Comes The Groom


Parehong lubos na ikinasaya ni Gladys ang mga pagkilala na nakamit, pero aminado siyang sobra siyang natuwa sa pagkapanalo niya sa Star Awards for Movies. 


Paliwanag sa amin ng aktres, nakilala kasi siya bilang kontrabida, kung hindi man ay sa drama, kaya masaya siya na nakita ng PMPC ang talento niya sa pagpapatawa na para sa kanya ay nangangailangan ng perfect timing para maging epektibo ang isang eksena. 


Ayon din kay Gladys ay alam ng mga malalapit sa kanya na makuwento at masayahin siyang tao, kung kaya’t hindi nalalayo sa kanya ‘pag gumaganap siya ng isang comedy role.


Sa interbyu namin kay Gladys ay nahingan namin siya ng reaksiyon sa hindi pa rin naayos na sigalot sa pagitan nina Claudine Barretto at Angelu de Leon, na pumutok nang aminin ito ni Claudine on stage sa mismong 20th wedding anniversary nila ng asawang si Christopher Roxas.



Ngayong umamin na rin si Gerald Santos na katulad ni Sandro Muhlach ay nakaranas din siya ng sexual harassment, naging mainit na ngang usapin sa showbiz industry ang tungkol dito. 


Open secret naman sa showbiz na talamak ang ganitong senaryo kung saan nabuksan lang ito at naging malaking isyu sa ngayon dahil may nagreklamo, at ngayon nga ay nagsampa na ng demanda laban sa dalawang tao na diumano’y nambaboy sa kanya.


Ang kaibahan lang para sa amin ay may nagreklamo, samantalang ‘yung iba na nasangkot sa ganito, may permiso at alam ang pinapasok nila. 


Sabi nga nila, pakapalan na lang ng mukha at patapangan ng sikmura upang tumagal at maka-survive sa mundo ng showbiz. 


Balita na noon pa na hindi lang sa mga TV networks nagaganap ang ganitong mga issue kundi maging sa film industry.


Hiling lang namin ay nawa’y mabigyang-hustisya ang mga biktima ng ganu’ng pang-aabuso at usigin ng kunsensiya ang mga taong ginagamit ang kanilang posisyon at kapangyarihan para makapang-agrabyado at makapanakit ng mga mas mahihina sa kanila.



 
 

ni Melba Llanera @Insider | June 23, 2024


Showbiz News
Photo: Herbert Bautista / IG

Marami ang nag-aabang ngayong inamin na ni Ruffa Gutierrez ang relasyon nila ni Herbert Bautista kung may tsansa raw kaya na mauwi sa kasalan ang lahat? 


Kung tutuusin ay malayang-malaya at tiyak na wala namang magiging problema, kahit pa sa kabila ng marami nang relasyong pinagdaanan ay hindi pa nagpapakasal si Herbert, samantalang matagal na ring napawalang-bisa ang kasal ni Ruffa at ng ex-husband niyang si Yilmaz Bektas. 


Sa interview ni Karen Davila kina Venice at Lorin ay pinuri ng mga ito ang lalaking nagpapasaya sa ina at sinabi na hindi sila tututol sa magpapaligaya rito. 


Nang si Ruffa na ang tinanong ni Karen ay inamin ng dating beauty queen ang relasyon nila ng actor-politician. Pinili nilang maging low key ang kanilang relasyon dahil mas masaya ang isang tahimik at pribadong pagsasama. Pero siniguro ni Ruffa na seryoso sila at totoong nagmamahalan. 


Well, mukha rin namang walang tutol si Annabelle Rama sa relasyon ng dalawa dahil kung mayroon ay matagal na sana siyang nagsalita tungkol dito. 


Boto naman si Richard Gutierrez kay Herbert para sa kanyang Ate Ruffa. Papuri nga ng aktor ay sobrang bait sa kanila ni Herbert. Basta masaya at laging nakangiti ang kanyang kapatid ay hindi siya tututol dito.



 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | March 11, 2024


ree

Isa sa mga artistang nakita naming nakiramay sa labi ng namayapang aktres na si Jaclyn Jose sa Arlington Memorial Chapels ay si Tom Rodriguez. 


Sa panayam namin sa Kapuso actor, inamin nito na si Jaclyn pala ang kahuli-hulihang tao na nakausap niya nu’ng nasa America siya at nagbiyahe pa-LA ang aktres.


Pagkatapos nito’y ‘di na siya nakipag-usap pa kahit kanino. Ito ay nu’ng magdesisyon si Tom na pansamantalang iwanan ang showbiz at sa America piniling magpahinga muna after mauwi sa hiwalayan ang pagsasama nila ni Carla Abellana. 


Ayon pa kay Tom, pagbalik ng bansa ay hinahanap niya si Jaclyn pero ‘di sila pinalad na magkita, hanggang sa nangyari na nga ang pagkawala ng 2016 Cannes Film Festival Best Actress. 


Inilarawan ni Tom sa amin si Jaclyn bilang isang masayahin, kalog at maalaga at kung paano siya inalalayan gayung tagahanga siya nito at siyempre, dapat siya ang alalayan nito.


Naalala ni Tom ang kakulitan ni Jaclyn kung saan gumawa sila ng mga kasamang kabataang artista sa The World Between Us ng group chat. Kuwento ng Kapuso actor, si Jaclyn ang pinakamatanda sa kanila pero ito ang puno't dulo ng mga kalokohan at barkada vibes lang talaga sila. Pag-describe pa ni Tom, masigla at puno ng buhay si Jaclyn kaya't ‘di siya makapaniwala na wala na ito ngayon.


Nang tanungin namin kung ano ba ang ipinayo sa kanya ng namayapang aktres, ayon kay Tom, ito ay magpatuloy lang siya, mahalin ang trabaho at go lang lagi sa buhay anumang pagsubok ang pagdaanan niya. 


Sa ngayon nga ay aktibo na uli si Tom kung saan napapanood na siyang muli sa ilang guestings sa GMA at sa play na Ibarra.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page