top of page
Search

ni Melba Llanera @Insider | September 1, 2024


Showbiz News

Sa masalimuot na pinagdaraanan ngayon ni Sandro Muhlach—malalim na depresyon, anxiety na nagreresulta sa pagkawala ng ganang kumain, at insomnia—nagbigay ng pahayag ang lolo niyang si Alex Muhlach, ama ni Niño Muhlach. 


Ayon kay Alex, ang mabigat na pinagdaraanan ng apo ay nakakaapekto sa mental at pisikal na aspeto nito. 


Pakiusap din ni Alex, sana ay igalang ang privacy ni Sandro sa ngayon, at ang pambu-bully at harassment na pinagdaraanan nito mula sa ilang mga netizens ay lalong nagpapabigat sa sitwasyong kinakaharap nito. 


Ayon pa kay Alex, sa ngayon ay mas kailangan ng apo ang malasakit at suporta habang ginagamot ang sarili.


Noong Agosto 3, nagtungo si Sandro sa tanggapan ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) upang maghain ng reklamo laban sa tatlong anonymous Facebook (FB) at X (dating Twitter) users na nagkakalat diumano ng mga mapanirang pahayag at kasinungalingan na may kaugnayan sa sexual harassment complaint na isinampa ni Sandro laban sa dalawang independent contractors ng GMA-7 na sina Jojo Nones at Richard Dodes Cruz. 


Napakaraming posts mula sa iba’t ibang socmed (social media) platforms ang mga ebidensiya na isinumite ni Sandro na magpapatunay na biktima siya ng cyberbullying.


Ito rin ang gagamitin ng NBI Cybercrime Division upang matunton ang pagkakakilanlan ng mga gumagamit ng anonymous accounts na ang motibo ay siraan ang aktor.


Sa kabila ng pagsasampa ng mga reklamo ni Sandro, kung saan buong-buo naman ang suporta at pakikipaglaban sa anak, abala rin si Niño sa kanyang showbiz career, kung saan kamakailan ay nag-post siya na nasa taping siya ng bagong show ng ABS-CBN.


Bukod dito, nag-post din si Niño sa kanyang social media accounts ng pagbubukas ng bagong branch ng Muhlach Ensaymada sa SM Seaside sa Cebu City ngayong Setyembre 1.



Kahit transman na… ICE, OKS LANG KAHIT TAWAGING “MA'M”


Showbiz News

Ngayon na nag-file na ng limang kaso ang waiter na tumawag na “Sir” sa TV personality na si Jude Bacalso, kabilang ang kaso ng unjust vexation, grave scandal, grave coercion, grave threats, at slight illegal detention, nahingan namin ng reaksiyon si Ice Seguerra, isang miyembro ng LGBTQ at transman, sa isang dinaluhang award-giving body. 


Aminado ang singer-actor na kahit isa siyang transman, nakakaranas din siya minsan ng tawag na “Ma’am” mula sa ibang tao. Idinadaan na lang niya sa biro o magaan na pakikipag-usap ang tungkol dito. 


Pahayag din ni Ice, ang konsepto ng pagiging LGBTQ, transman o transwoman ay bago pa rin sa mga Pinoy.


Ayon pa sa singer, may mga tao na hindi pa rin alam kung paano ia-address ang mga tulad nila at naniniwala siya na may marespetong paraan kung paano ito ipapaalam sa mga taong kulang pa ang kaalaman sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. 


Para kay Ice, mas magkakaroon ng awareness ang ibang tao kung hindi sila lalabas na sobrang defensive. Nalalaman niya kung ang isang tao ay sinasadya bang mang-inis o talagang hindi lang alam kung paano ia-address kung “Ma’am” o “Sir” ba siya, at sa ganitong pagkakataon ay hinahayaan na lang niya o hindi pinag-aaksayahan ng panahon ang mga taong alam niyang nananadya talaga. 


Dagdag na pahayag din ni Ice, dapat ay lalo pang habaan ang pasensiya sa mga taong ‘di naman talaga sinadya o ‘di lang talaga alam kung paano sila dapat i-address.


Abala ngayon si Ice sa rehearsals para sa Videoke Hits: OPM Edition na gaganapin ngayong Setyembre 13 pagkatapos ng dalawang matagumpay na Videoke Hits na ginanap sa Music Museum. 


Kakantahin daw niya ang mga pinasikat na kanta nina Gloc 9, Imelda Papin, at iba pang mga singers. Ito ay isang pagbibigay-pugay sa musikang Pilipino kung saan gusto nilang ialay ang isang buong show para sa OPM industry.


Labis din ang pasasalamat ni Ice sa mga taong nanood at sumuporta sa play nila ng asawang si Liza Dino-Seguerra, ang Choosing. Ito ang nagpasiklab muli ng passion niya sa pag-arte na aminado si Ice na sobrang na-miss niyang gawin.



Pareho naman daw makikinabang… BATANG GF NI CHAVIT, OKS LANG SA MGA ANAK


Showbiz News

Para sa Ilocano partylist representative at anak ng former governor na si Chavit Singson na si Cong. Richelle Singson, kung may ipinagkaloob man sa kanila ang kanilang ama bukod sa isang masaganang buhay, ito ay ang kahalagahan ng pagmamahalan at pagkakaunawaan ng isang pamilya. 


Bukas na aklat na maraming magkakapatid ang mga Singson mula sa iba’t ibang ina, pero sa kabila nito ay malapit sila sa isa’t isa bilang magkakapatid. Linggu-linggo pala ay nagkikita sila sa mansion ni Singson kung saan nagba-bond at nag-uusap silang lahat.


Tinanong din namin kung tinatanggap ba nila kung magkakaroon ng bagong girlfriend ang ama at kung hindi ba sila nakakaramdam ng pangamba na baka pera lang ang maging habol nito. 


Ayon kay Cong. Richelle, ang mahalaga sa kanila ay makitang masaya ang ama at may mag-aalaga rito, at naniniwala siya na magiging two-way naman ang mangyayari kung saan mapapasaya nito ang ama kapalit ng maalwang pamumuhay.


Sa ngayon, abala ang mga Singson sa lumalaking negosyo ng pamilya nila, ang BBQ Chicken, na may labingdalawang branches sa bansa sa kasalukuyan. 


Ang authentic at masarap na lasa ng mga pagkain, at ang mahusay na training ng kanilang mga empleyado ay ilan lang sa mga nakikita nilang rason ng tagumpay ng kanilang negosyo.




 
 

ni Melba Llanera @Insider | August 25, 2024


Showbiz News
Photo: Jinggoy Estrada / FB

Bilang Senate President Pro Tempore (chosen or appointed to occupy a position either temporarily or in the absence of a regularly elected official) si Sen. Jinggoy Estrada at bilang chairman naman ng Committee on Public Information and Mass Media si Sen. Robin Padilla, at bilang kapwa-aktibo at nangunguna sa Senate hearing tungkol sa sexual harassment and rape case na isinampa ni Sandro Muhlach laban sa dalawang independent contractors ng GMA-7 na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz, at ang singer na si Gerald Santos ay laban naman sa isang musical director na diumano’y nang-rape sa kanya, inulan nang katakut-takot na pamba-bash ang dalawa. 


Pinaratangan na insensitibo, walang konsiderasyon, at tila sinisisi pa raw ni Sen. Jinggoy si Sandro gayung ito ang biktima.


Agad namang naglabas ng pahayag si Sen. Jinggoy sa publiko bilang paglilinaw kung ganito ang naging dating ng pagtatanong niya. Siniguro rin ng senador na hindi niya intensiyon na ipahiya ang mga biktima. 


Ayon pa kay Sen. Jinggoy, gusto na rin niyang matuldukan ang maling sistema na ito sa showbizness na noon pa man ay nangyayari na at hindi niya kinukunsinti ang ganitong maling kalakaran. 


Gayunpaman, lalong na-bash ang senador dahil imbes mag-sorry daw sa pambi-victim blame nito, umamin pang walang ginawa sa sexual abuse sa showbiz gayung matagal na pala niyang alam ito.


Sayang lang daw ang ipinasusuweldo sa kanya ng taumbayan.


Kasunod din nito ang paglalabasan sa social media kung saan tila nakikipagdiskusyon siya sa ilang tao at sa isang babae.


Paliwanag ni Sen. Jinggoy tungkol dito, ito ay nangyari noong Abril, 2024 kung saan nagtungo siya sa mga kababayang nasunugan sa San Juan na namamalagi sa isang gymnasium para mamahagi ng cash assistance. 


Simpleng pag-aanunsiyo niya umano ito at ang pakay ng kanyang mga kinatawan ay makipag-coordinate pero pilit diumanong pinigilan ng mga lokal na opisyal ng San Juan sa hindi malinaw na dahilan. 


Dahil sa nangyari, si Sen. Jinggoy na ang personal na pumunta sa venue para kausapin ang mga kinauukulan, pero wala raw gustong humarap sa kanya kaya’t hindi niya raw napigilang komprontahin ang isa sa mga ito. 


Pagkukuwento pa ni Sen. Jinggoy, sa nasabing video ay gusto raw palabasin na ginagamit niya ang kanyang pagiging senador para mangyari ang gusto niya.


Kaya naman, inulan siya ng pamba-bash at tinawag pa ng iba na power tripper.


Bukas naman ang aming pahayagan para sa panig ng naturang tao para maipaliwanag din ang kanyang saloobin tungkol dito.



Samantala, inulan din nang katakut-takot na pamba-bash si Sen. Robin Padilla dahil sa isyu ng marital sex na isa sa matagal nang isyu sa ilang mag-asawa. 


Maraming mga below-the-belt na pambabatikos ang natanggap ng senador, kung saan tinawag siyang male chauvinist, walang pagpapahalaga sa mga kababaihan, at kung anu-ano pa. 


Humingi na ng dispensa si Sen. Robin sa mga tao, lalo na sa mga kababaihan na nasaktan o na-offend sa isyu. 


Paliwanag din ng actor-politician, ina-address lang niya ang isang matagal nang isyu sa mga mag-asawa, lalo’t hindi klaro kung hanggang saan ba ang karapatang seksuwal nilang mga kalalakihan.



Isa sa mga baguhang aktor na dapat abangan sa showbiz ay si Pedro Red. Isa siya sa cast ng upcoming movie na Wild Boys (WB) kung saan makakasama niya ang magkapatid na Aljur at Vin Abrenica, Kristof Garcia, Rash Flores, at Nicco Loco. 


Gumaganap man bilang isang macho dancer sa pelikula, hindi naman nagdalawang-isip si Pedro na tanggapin ang role dahil alam niyang trabaho lang ang lahat at gusto niyang makagawa ng sariling pangalan sa showbiz. 


Taong 2015 pa lang, sa tulong ng kanyang manager na si Harley Licup Manalili ay sumubok nang pumasok sa showbiz si Pedro kung saan nabigyan siya ng maliliit na roles sa ilang serye gaya ng Oh My G (OMG) at Forevermore, pero sumuko siya noon at nawalan ng pag-asa, kaya’t nagdesisyon siyang umuwi ng probinsiya at mag-aral ng kursong Agricultural Engineering sa Nueva Ecija sa loob ng dalawang taon. 


Natapos naman ni Pedro ang kursong Culinary Arts sa Magsaysay Institute of Culinary. 

Taong 2022 nang sumali siya sa Mister of Filipinas, isang male pageant, kung saan siya ang itinanghal na second runner-up at dito nagkita sila uli ng manager.


Ang WB ang kauna-unahang big break ni Pedro, kaya’t excited at talagang pinaghandaan niya ang nasabing pelikula, kung saan ito rin pala ang first directorial job ng aktor na si Carlos Morales under Bright Idea Productions. 


Nakatulong nang malaki kay Pedro ang talento nito sa pagsasayaw kaya’t hindi siya masyadong nahirapan sa kanyang role. Aminadong may offer siya para gumawa ng pelikula sa Vivamax, pero sa ngayon ay gusto munang magpokus ni Pedro sa WB


Bukas naman siyang gumawa ng mga sexy roles basta maganda ang script at kinakailangan talaga sa proyekto. Kung mabibigyan ng tsansa, gusto ni Pedro na subukan ang drama, comedy, at action, kung saan ang hinahangaan niyang aktor ay si Ruru Madrid na malaki rin ang pagkakahawig sa kanya.



 
 

ni Melba Llanera @Insider | August 10, 2024


Showbiz News
Photo: Nicolet Constana / FB

Lahat ng dumalo sa lamay ng Regal matriarch na si Mother Lily Monteverde ay naniniwala na isang napakalaking kawalan sa industriya ang pagpanaw ng iconic movie producer. 


Iba ang passion, pagmamahal at pagpapahalaga na ibinigay ni Mother Lily, hindi lang sa industriya kundi sa mga naging alaga ng Regal Films na mga tinatawag niyang Regal babies. 


Kuwento nga ni Snooky Serna, nu’ng nag-break sila ni Albert Martinez ay halos isang taon siyang na-depress at nagkulong sa kanyang kuwarto. Si Mother Lily kasama si Inday Badiday ay laging dumadalaw sa kanya, nagdadala ng pagkain at madalas nga ay natutulog pa sa sala nila para lang mabantayan at masiguro na maayos siya. 


Ayon naman kay Matet de Leon na nagbasa sa sulat ng pasasalamat ng ina na si Nora Aunor dahil may sakit ang Superstar, literally ay inampon din sila ni Mother Lily, kung saan lumaki at nagkaisip na siya sa bakuran ng Regal na dati ay pag-aari ng ina-inahan. 


Lagi rin siyang binabantayan nito at ayaw palabasin ng compound at sa mga pagkakataon na tinotopak siya sa shooting ay ibinibigay nito anuman ang gusto niya.


Pagbabahagi naman sa amin ni Richard Gomez, ang unang pelikula niya sa Regal ay ang Inday Bote pero inalok din pala sa kanya na gawin ang Scorpio Nights na pinagbidahan nina Anna Marie Gutierrez at Daniel Fernando, pero tinanggihan niya dahil hindi niya kaya ang mga sexy and erotic scenes. 


Pagkatapos nito ay nagkasunud-sunod na ang mga pelikula na ginawa niya sa Regal, kung saan nagbigay din ito sa kanya ng kanyang kauna-unahang Best Actor award. 


Natatawa naman si Ricky Davao habang inaalala na nagmistulang D.I. o dance instructor siya kay Mother Lily, kung saan madalas silang nagbo-ballroom nu’ng hindi pa nasusunog ang Ozone Disco. 


Ayon nga sa aktor, pagkatapos niyang isayaw nang isayaw ang Regal matriarch, kasunod nito ay may pelikula na siyang gagawin sa Regal. 


Pambubuko naman nina Ice Seguerra at Snooky Serna ay mapaniwala sa mga pamahiin si Mother Lily. Ayaw pala nito ang kulay itim, kung kaya’t nu’ng bata si Ice ay hindi siya pinapainom nito ng Coke. 


Natatawa namang nagkuwento si Snooky na nu’ng nagpaalam siya kay Mother Lily na gagawin niya ang Blusang Itim sa Seiko Films ay nagsabi sa kanya ito na hindi kikita ang pelikula dahil itim ang kulay ng blusa na gagamitin niya sa pelikula. Pero nu’ng kumita naman ito ay biglang bawi at sinabing alam niya na kikita ito. 


Kung si Robbie Tan ay binigyan siya ng pera bilang bonus, si Mother Lily, kahit hindi niya pelikula ang Blusang Itim ay nagregalo ng out of the country treat kay Snooky.


Para nga sa lahat, karakter talaga ang Regal matriarch pero ibang levels ang pagmamahal at pag-aalaga na ibinigay nito sa kanila, kaya hindi nila ito makakalimutan. 

Hiling lang nilang lahat ay magpatuloy sana ang legacy na iniwan ni Mother Lily Monteverde, kung saan iniwan niya ang pamamahala ng Regal Films sa anak na si Roselle Monteverde na nangako naman na itutuloy ang naiwan ng namayapang ina.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page