top of page
Search

ni VA / MC - @Sports | August 12, 2022




Pumanaw ang Philippine sports icon na si Lydia de Vega-Mercado nitong Miyerkules ng hatinggabi matapos ang kanyang pakikipaglaban sa breast cancer. Siya ay 57.


Inihayag ng kanyang anak na babae, dating manlalaro ng volleyball na si Stephanie Mercado de Koenigswarter, ang pagpanaw ni De Vega. “Sa ngalan ng aming pamilya, buong kalungkutan na ibinalita ko ang pagkamatay ng aking ina, si Lydia De Vega ngayong gabi, Agosto 10, 2022, sa Makati Medical Center,” isinulat ni Stephanie sa kanyang social media post. “Nakipaglaban siya sa napakagandang laban at ngayon ay payapa na.”


Si De Vega ay na-diagnose na may breast cancer noong 2018. Ituring na pinakamalaking hamon ng kanyang buhay, ang pamilya ng sprint queen kamakailan ay humingi ng tulong para sa pagpapagamot ni De Vega.


Isa ang Philippine Sports Commission na nagpaabot ng tulong para sa pagpapagamot ni De Vega. Si De Vega ay tinaguriang pinakamabilis na babae sa Asya at naging dalawang beses na gold medalist sa Asian Games.


Siya rin ay isang bemedalled athlete sa iba’t ibang edisyon ng Southeast Asian Games kung saan siya nakipagkompitensya. Huling nakita ang athletics legend noong 2019 sa opening ceremonies ng Southeast Asian Games kung saan isa siya sa mga flag bearers kasama ng iba pang Philippine sports icons.


Isa rin sa nakatulong sa medikasyon si pole vaulter EJ Obiena at ang kanyang team na nagpaabot ng P500,000. Isinilang si De Vega noong Deis. 12, 1964, sa Meycauayan city, Bulacan. Isa rin siyang two-time Olympian (Los Angeles 1984 at Seoul 1988).


May itinala siyang personal best na 11.28 seconds sa 100-meters, isang national record sa loob ng 33 years, hanggang sa malampasan ito ni Kristina Knott noong 2020.


Napasabak din sa pag-aartista si De Vega. Pamoso siya sa naging lead role na "Medalyang Ginto" noon sa pelikula ng 1982 kung saan siya mismo ang gumanap sa sariling talambuhay kung saan siya nagsikap sa training at naging kampeon.


Ayon kay Michael Keon, pinuno ng Gintong Alay sports program noong 1980s, itinuturing niya si De Vega best track athlete ng bansa.


Sa nakaraang ilang taon, si "Diay" kung tawagin ng malalapit na kaibigan at kaanak, nag-coach siya sa mga atleta ng Pilipinas at Singapore. Noong 2020, aniya ang oportunidad niyang magturo sa ibang bansa tulad ng Singapore ay may good treatment at security.


Bagamat abala siya sa pag-coach ng mga atleta abroad, nagbibigay oras pa rin siya na mag-train ng Filipino sprinters. "Para sa'kin, mas maganda pa rin dito. But then, ang problema kasi 'yung opportunity sa amin (trainers) is not that big (dito) ... 'yung ibang bansa ang nagbibigay sa amin ng opportunity," aniya sa panayam ng Scoop sports program.


Nabanggit ni De Vega kung gaano kahirap ang kanyang sprinting career. Naalala niya ang kanyang ama na trainer, Francisco "Tatang" De Vega na halos pahirapan siya nang husto sa kanyang drills na kalaunan ay nahasa rin naman siya nang husto.


Tuwing umiiyak siya dahil sa training pressure, istrikto si Tatang sa kanya para mas pursigihin pa ang pagtakbo ng mabilis. "Minsan naiinis ako sa tatay ko, nagagalit ako. Wala ako magawa kasi tatay ko 'yun, coach ko 'yun, kailangan ko sumunod. 'Pag pumupunta ako sa starting point, umiiyak ako. Galit na galit ako sa sarili ko ... Andami-daming sports, ba't track-and-field ang napili ko, takbo lang ako ng takbo. Ang pahinga ko, lakad," aniya.


"'Pag last na 'yung workout—let's say I'm doing 200 meters—dahil sa galit ko sa sarili ko at sa galit ko sa tatay ko, tatakbuhin ko talaga ng mas mabilis 'yun."


Ang kanyang galit ay nauuwi naman sa tuwa pagdating sa finish line at napagtanto niyang mas bumilis pa siya. "Hindi mo na iisipin mag-give up kasi na-prove mo sa sarili mo na, 'kaya ko pala. Natatakot lang ako." Hindi ako pwede magpatakot sa iniisip ko. Kailangan ko magpadala dun sa kakayanan ko," aniya.


Utang na loob niya sa kanyang ama ang kanyang sprinting career. "Kung wala si Tatang, wala si Lydia."

 
 

ni MC - @Sports | August 11, 2022



Todo pa rin ang paghahanda ni reigning ONE strawweight champion na si Joshua Pacio para sa kanyang susunod na pagdepensa sa hawak na titulo laban kay Jarred Brooks na inilipat ng ibang petsa.


Ang tanging natitirang world champion para sa Pilipinas sa Singapore promotion, sinabi ni Pacio na patuloy siyang nagsusumikap upang mapabuti ang kanyang laro habang lumilipas ang mga buwan. “Tuloy-tuloy lang 'yung training. More on drills, hasa ng techniques. And of course, learning new things pa rin,” ani Pacio.


Dumaan si Brooks sa strawweight division upang makuha ang titulo matapos lamang ang tatlong laban sa ONE Championship. Isa sa mga biktima ni Brooks ay ang kasamahan ni Pacio sa Team Lakay na si Lito Adiwang.


Pinasuko ni Brooks si Adiwang sa ikalawang round ng kanilang laban sa ONE: Next Gen III noong Oktubre. Alam niya kung gaano ito kahirap, umaasa si Pacio na pabor sa kanya ang posibilidad — kabilang ang kalamangan sa home court.


Dahil ang ONE CEO na si Chatri Sityodtong ay nagpahayag na ng kanyang pagnanais na bumalik sa mga live na kaganapan sa Pilipinas sa gitna ng pandemya, umaasa si Pacio na ang kanyang depensa laban kay Brooks ay darating sa harap ng maraming tao sa Mall of Asia Arena. “Yun yung isang hinihintay naming mga Team Lakay athletes, no? Yung mag-open sana dito sa Pilipinas,” ani Pacio.


“Sana nga dun tayo magdedepensa kasi iba talaga 'yung pag nasa harapan ka ng mga Filipino crowd, iba yung energy and yun nga, dagdag motivation, dagdag lakas sa aming mga athletes kapag dito kami sa Pilipinas lumalaban,” wika pa nito.


Mula nang makuhang muli ang strawweight belt laban kay Yosuke Saruta noong Abril 2019, nakagawa si Pacio ng tatlong matagumpay na pagdepensa sa titulo: laban kay Rene Catalan, Alex Silva at Saruta muli noong Setyembre noong nakaraang taon.


 
 

ni VA / MC / Gerard Arce - @Sports | August 11, 2022




Inanunsiyo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na pangungunahan ni Utah Jazz guard Jordan Clarkson ang mga manlalaro ng Gilas Pilipinas para sa fourth window ng FIBA World Cup qualifiers, habang hihintayin pa ang pagtatapos ng semis ng 2022 PBA Philippine Cup bago ilabas ang listahan ng pro-players mula sa 10 koponan.


Makakasama ng 6-foot-4 Fil-Am sa FIBA window sina Dwight Ramos, Ray Parks Jr., Kiefer at Thirdy Ravena, Carl Tamayo, Francis Lopez, at Kevin Quiambao, ang pagtatapos ng PBA semis upang ma-finalize ang line-up. “Hindi muna natin ire-release yung pool until after the semis para hindi ma-distract ang mga naglalaro pa. PBA players ang nakakarami sa pool na tinitignan. Yan ang sa ngayon ang pinagtutuunan natin ng pansin,” ayon kay SBP spokesperson Renaud “Sonny” Barrios Martes ng umaga sa virtual PSA Forum sa zoom na tumatayo ring SBP executive director, sa lingguhang forum. Nakatakdang sumabak ang Gilas Pilipinas sa Lebanon sa Beirut sa Aug. 25 habang haharapin ang Saudi Arabia sa 29th sa MOA Arena.


Samantala, pagkaraan ng mahabang pakikipag-uusap sa SBP, muling nagdesisyon si Sotto na maglaro para sa Gilas sa 4th window ng 2023 FIBA World Cup Asian qualifiers. Nag-commit ang 7'3 center para katawanin ang bansa. Darating si Sotto sa Manila sa Agosto 18.


Nakatuon ang pansin ng 20-anyos na 2022 NBA undrafted na ibigay ang kanyang serbisyo sa bansa at nakatakdang bumalik si Sotto sa koponan nito sa National Basketball League sa Australia na Adelaide 36ers para sa second season sa Oktubre hanggang Pebrero 2023.


Makakasama ng 2022 NBL Fans MVP si Utah Jazz guard at Filipino-American Jordan Clarkson na maglalaro laban sa Lebanon na gaganapin sa Beirut at Saudi Arabia sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page