top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 18, 2021





Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang Teacher Education Council Act sa ilalim ng Senate Bill No. 1887.


Nakasaad sa kanyang Twitter account noong ika-16 ng Pebrero, ito ay repormang magpapatibay sa Teacher Education Council at National Educators Academy of the Philippines (NEAP) upang maitaas ang kalidad ng kasanayan ng mga guro sa bansa.


Aniya, “Ang ating pagpapatibay sa National Educators Academy of the Philippines ay isa sa ating mga panukalang hakbang upang matiyak na tuluy-tuloy ang ating pagbibigay ng de-kalidad na pagsasanay sa ating mga guro at school leaders upang maiangat ang kanilang mga kakayahan nang sa gayon ay maiangat din natin ang kakayahan ng ating mga mag-aaral.”


Layunin nito ang mga sumusunod:

  • Mapataas ang bilang ng mga miyembro ng Teacher Education Council

  • Maitatag ang National Educators Academy of the Philippines (NEAP) bilang bahagi ng Department of Education (DepEd)

  • Matiyak ang patuloy na ugnayan sa pagitan ng pre-service at in-service na edukasyon

  • Magarantiyang inilapat nang patas ang propesyonal na pamantayan para sa mga guro at pinuno ng paaralan

  • Magsagawa nang malawak na pagsasaliksik na nakadirekta sa kalidad ng guro at pinuno ng paaralan


“Kailangan nating ituring na nasa ilalim ng isang malawakang krisis ang ating sistema ng edukasyon. Hindi na natin kailangang patagalin pa ang pagsulong sa mga reporma dahil kung hindi, patuloy na mahuhuli at mapag-iiwanan ang ating mga mag-aaral,” dagdag pa niya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 18, 2021





Patay sa sunog ang mag-lola matapos ma-trap sa kanilang tirahan sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City kaninang madaling-araw, Pebrero 18.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa tailoring shop. Mabilis kumalat ang apoy dahil sa mga tela at gawa sa light materials ang mga bahay. Isa rin sa mga napansin ng BFP ay iisa lamang ang entrance at exit point ng lugar. Masyadong makipot ang daan kaya pahirapan ang paglikas sa mga residente.


Sa ikatlong palapag ng apartment naninirahan ang mag-lolang sina Pacita Lamac, 65-anyos, at Althea Monique Salumbidez, 13-anyos. Kasalukuyang nasa ospital ang iba nilang kaanak para bantayan ang kamag-anak na may sakit nang maganap ang insidente.


Nakaligtas naman sa sunog ang isa pa nilang kasama sa apartment at ang ibang nangungupahan.


First alarm lamang ang inabot at mabilis namang naapula ang apoy. Pangatlong sunog na ito mula noong nag-quarantine. Sa multi-purpose hall pansamantalang tutuloy ang 28-katao na nawalan ng tirahan.


Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon sa nangyari. Pinabulaanan din ng kapitan ang alegasyon na posibleng sinadya ang sunog.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 17, 2021





Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagsasabatas sa Financial Institution Strategic Transfer (FIST) bill kahapon, Pebrero 16, na layuning bumuo ng specialized asset-managing corporations.


Ayon sa tweet ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno, “That’s great news! FIST law will allow banks to easily dispose bad assets through Asset Management Companies. The new law will help keep the banking system stable despite the effects of the COVID-19 pandemic.”


Matatandaang isinulong ni Diokno ang panukala sa posibilidad na walang kakayahang makabayad ang borrower dahil sa disruption of cash flows noong nakaraang taon. Sa datos ng BSP, inaasahang magkakaroon ng foregone revenues mula ₱2.9 billion hanggang ₱11.6 billion sa susunod na limang taon dahil sa FIST bill.


Saklaw din ng batas na ito ang pagpapanatiling matatag ng banking system ng bansa at upang matulungan ang mga naluluging financial institution kung saan maaari silang mamuhunan sa mga non-performing assets (NPAs), at makisali sa mga third party para pamahalaan, patakbuhin, kolektahin at ibasura ang mga nakuhang non-performing assets (NPAs).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page