top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 20, 2021





Nag-file ng divorce ang reality TV star na si Kim Kardashian sa asawang rapper na si Kanye West noong Biyernes, Pebrero 19.


Kinumpirma ng publicist ni Kim na nag-file ito ng divorce papers ngunit hindi binanggit ang dahilan, maliban sa hiningi nitong joint custody sa 4 nilang anak.


Noong May, 2014 nagpakasal sina Kim at Kanye na mas nakilala sa love team nilang “KimYe.”

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 19, 2021





Matapos ang 203 araw at 293 million milya, matagumpay na nakalapag sa planetang Mars kahapon, Pebrero 18, 3:55 pm ang spacecraft ng Perseverance Rover ng NASA mula sa Los Angeles, California, na layuning maghanap ng fossilized bacteria at microbes bilang patunay kung nagkaroon ng buhay na nilalang doon.


Nagsimula ang misyon sa Mars noong Hulyo 30, 2020 na tumagal sa mahigit pitong buwan.


Minsan na ring tinangka ng NASA at ibang bansa na makarating sa Mars subalit marami ang nabigo. May dalawang nagtagumpay ngunit sa ibang bahagi ng planeta naman napunta.


Ayon kay acting NASA Administrator Steve Jurczyk, “The Mars 2020 Perseverance mission embodies our nation’s spirit of persevering even in the most challenging of situations, inspiring, and advancing science and exploration. The mission itself personifies the human ideal of persevering toward the future and will help us prepare for human exploration of the Red Planet.”


Gamit ang higanteng parachute, pinabagal nito ang pag-landing ng spacecraft sa planeta saka dahan-dahang ibinaba ang rover sa loob ng pitong minuto. Ang rover ay mayroong haba na 3-metro at may anim na gulong, na paiikutin sa Jezero Crater ng Mars. Taglay nito ang scientific instruments na susuri sa mga bato at lupa sa planeta. Susubukan ding paliparin sa himpapawid ang isang mini-helicopter na tinatawag na Ingenuity.


Sa mga susunod na buwan, inaasahan din ang paglapag ng spacecraft ng China sa Mars.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 19, 2021





Kinumpirma ni Iloilo Mayor Carlos Cabangal na nagtatrabaho sa fish section ng Banate Public Market ang unang nagpositibo sa COVID-19 noong isang araw.


Base sa lumabas na RT-PCR test kahapon, ika-18 ng Pebrero, positibo rin sa virus ang 32 vendors na nakasalamuha nito. Bukas malalaman ang resulta sa mahigit 150 vendors na isinailalim din sa swab test.


Nasa quarantine facility na ng Banate ang mga nagpositibo sa COVID-19, samantalang naka-home quarantine naman ang kanilang pamilya.


Humihingi ng kooperasyon ang lokal na pamahalaan sa mga residente na sundin ang health protocols para maiwasan ang pagkalat ng virus.


Sa ngayon ay pansamantalang naka-lockdown ang buong palengke, talipapa, at pala-pala sa nasabing lugar.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page