top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 20, 2021




Inilikas ang mahigit tatlumpung pamilya na nakatira sa dalampasigan ng Barangay Cabuaya sa Mati City, Davao Oriental matapos humampas ang naglalakihang alon sa dagat kaninang tanghali, Pebrero 20, dulot ng Bagyong Auring.


Ayon sa Mati City Disaster Risk Reduction and Management Office, pansamantalang tumutuloy ang mga evacuees sa covered court ng kanilang barangay.


Samantala, nananatili pa rin sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ang ilang lugar kahit humina na ang severe tropical storm na Auring bilang tropical storm.


Sa 11 AM weather bulletin ng PAGASA, ang mga sumusunod na lugar ay isinailalim sa TCWS No. 1:


• Northern Samar

• Eastern Samar

• Samar

• Biliran

• Leyte

• Southern Leyte

• Cebu

• Negros Oriental

• Bohol

• Siquijor

• Dinagat Islands

• Surigao del Norte

• Surigao del Sur

• Agusan del Norte

• Agusan del Sur

• Davao Oriental

• Davao de Oro

• Davao del Norte

• Davao City

• Camiguin

• Misamis Oriental

• Misamis Occidental

• Lanao del Norte

• Bukidnon

• Lanao del Sur


“Ine-emphasize natin ang preemptive evacuation para maaga pa lang, hindi na nagmamadali ang mga tao... para maobserbahan pa rin ang minimum health standards sa evacuation centers. Ang guidance, nananatiling hindi magsiksikan,” paliwanag pa ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 20, 2021





Patay ang dalawang sakay ng 10-wheeler truck matapos bumangga sa poste ng kuryente sa Barangay Suawan, Marilog District, Davao City noong ika-19 ng Pebrero nang gabi.


Ayon sa ulat, patay na ang driver nang rumesponde ang Central 911 Urban Search and Rescue Team samantalang nakausap pa nila ang pahinanteng naipit sa loob ng trak ngunit kaagad ding binawian ng buhay matapos mailabas sa sasakyan.

Hanggang ngayon ay inaalam pa rin ng mga pulis ang sanhi ng insidente.


Samantala, pansamantala namang nawalan ng kuryente sa nasabing lugar dahil sa nangyari.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 20, 2021





Tatlumpu’t tatlong barangay at isang business establishment sa Pasay City ang sumailalim sa 14-day lockdown simula kahapon, Pebrero 19, dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Batay sa record ng Pasay City Public Information Office, ganap na 7:50 nang gabi kahapon ay 24 ang nadagdag sa 280 na aktibong kaso sa lungsod.


Samantala, mayroon namang naitalang 12 na bagong gumaling at nananatili pa rin sa 191 ang mga pumanaw.


Sa kabuuang bilang ay 7,461 na ang mga naitalang kaso sa lungsod at mahigit 6,990 naman ang lahat ng gumaling.


Ayon pa kay City Administrator Dennis Acorda, nais ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na ilagay sa lockdown ang mga barangay na hindi bababa sa tatlo ang aktibong kaso ng COVID-19. Kilala ang Pasay City bilang sentro ng industriya. Makikita rito ang mga sikat na pasyalan at nagtataasang gusali. Dito rin matatagpuan ang mga paliparan at terminal ng bus. Sa ngayon ay mahigpit na binabantayan ang buong lungsod at ang pagpapatupad sa health protocols.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page