top of page
Search

Dear Maestro,

Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga artikulo, Maestro. Bakit hindi ako gaanong sinusuwerte sa buhay at sa paanong paraan ako susuwertehin at aasenso?

Napapansin ko na kahit anong pagsisikap ko, parang pabagsak ako nang pabagsak at nababaon sa pagkakautang. February 15, 1982 ang birthday ko.

Umaasa,

Gerlie ng Biabuab, Casiguran, Aurora

Dear Gerlie,

Ang birth date mong 15 o 6 (ang 15 ay 1+5=6) ay nagsasabing upang magbago ang iyong tadhana at gumanda ang iyong kapalaran, isa lang ang dapat mong gawin, ang magmahal.

Ganyan ang pag-aanalisa dahil ang birth date mong 15 o 6 ay may ruling planet na Venus kung saan sa tuwing ang mga taong isinilang sa petsang 6 (kabilang din silang may birth date at destiny number na 6, 15 at 24) ay nagmamahal, kasunod nito ay suwerte at magagandang kapalaran habang sila ay nagmamahal at umiibig.

Samantala, sino naman ang dapat mong mahalin, maging karelasyon o ka-close na kaibigan upang suwertehin at magkaroon ng magagandang kapalaran?

Sino pa, eh ‘di silang mga isinilang sa zodiac sign na Libra, lalo na silang ipinanganak sa buwan ng Oktubre, partikular sa mga birth date na 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 4, 13, 22 o 31, puwede rin silang may mga birth date na 7, 16 at 25. Kapag nakakita ka ng ganyang nilalang, babae man o lalaki, ‘wag mo na siyang pakawalan at gawin mo siyang bestfriend, dahil kumbaga sa talisman o anting-anting ng nagsusugal, kapag palagi mo silang suot o dala, tuluy-tuloy kang mananalo. Gayundin, hindi ka na matatalo kahit maghapon o magdamag ka pang magsugal.

Ganundin sa buhay ng tao, kapag nalaman mo ang suwerte mong nilalang at hindi mo na siya inalis sa iyong buhay, hindi ka dadatnan ng anumang kamalasan, bagkus, ang laging darating sa iyong buhay ay pulos na suwerte at magagandang kapalaran.

Pero sa reyalidad ng buhay, may mga pagsubok at problemang dumarating dahil wala namang buhay o karanasan na walang problema. Kaya lang, ang sinasabi natin kapag kasama mo sa buhay ang suwerteng tao, madali mong magagapi at masosolusyunan ang bawat pagsubok at problema.

Ganu’n ‘yun! May eksaktong birth date na dapat mong hanapin upang ikaw ay lumigaya at suwertehin sa buhay. Kapag natagpuan mo ang suwerteng nilalang na nabanggit sa itaas, kung luhaan ka ngayon at bigla mo siyang nakasama, mala-dramatikong hindi n’yo kapwa namamalayan, iaahon ka ng suwerteng kaibigan sa pagkabigo at kalungkutan dahil ang hindi n’yo alam na itinakda kayong dalawa ng langit (kahit walang sexual intimacy ay okey lang, pero mas maganda kung meron) upang magsama, maging mag-bestfriend, magmahalan at lumigaya habambuhay.

Ganu’n ang gawin mo, Gerlie, hanapin mo ang birth date at zodiac sign na binanggit na sa itaas at sa sandaling natagpuan mo siya, agad na mapapawi ang iyong alalahanin sa buhay. Gayundin, mawawala na ang mga kamalasan at kalungkutan na iyong iniinda at sa 2021 sa edad mong 39 pataas, bubuhos na ang mga pagpapala mula sa langit na magdudulot sa iyo ng masagana at maligayang karanasan habambuhay.

 
 

KATANUNGAN

  1. Matagal na ako rito sa Maynila at inabutan ako ng lockdown. Sayang dahil katatapos ko lang mag-training bilang caregiver at nagka-Covid-19 kaya napurnada ang pag-a-apply ko sa abroad.

  2. Naisipan kong sumangguni sa inyo para malinawan ako kung ano ang nakatakda sa aking kapalaran? Ano ang nakikita n’yo, makapag-a-abroad ba ako o hindi? Parang nawawalan na ako ng pag-asa.

  3. Kung hindi ako makapag-a-abroad, tama ba ang iniisip kong umuwi sa aming probinsiya at tulungan ang nanay ko sa negosyo naming tindahan ng isda sa palengke?

KASAGUTAN

  1. Mukhang mas tama ang ikalawang opsiyon mo na umuwi sa inyong probinsiya at tulungan ang iyong mga magulang, sapagkat kapansin-pansin na sa kasalukuyan, wala namang malinaw o malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Tanda na kahit amagin ka kahihintay at halimbawang natapos ang problema sa COVID-19 at bumalik sa normal ang pamumuhay natin, malamang na malabo ka pa ring makaalis patungong abroad dahil wala namang malinaw na Guhit ng Paglalakbay sa kaliwa at kanan mong palad (arrow a). Sa halip, ang malinaw na gumuhit ay ang Business Line (Drawing A. at B. N-N arrow b.), na nangangahulugang mas mainam na umuwi ka na lang sa inyong probinsiya at ituloy ang pagtitinda ng mga isda at iba pang produktong nakukuha sa tubigan.

  3. Ayon sa zodiac sign mong Pisces, sa gawain o hanapbuhay na nabanggit, doon ka aasenso at tuluy-tuloy na uunlad. Dagdag pa rito, ang pag-aanalisang hindi ka sa pag-a-abroad uunlad at yayaman kundi sa pagnenegosyo ay madaling kinumpirma ng lagda mong dalawang initial at apilido lang. Ang ganyang mga uri ng pirma, mas madali at madalas na umuunlad at yumayaman sa pamamagitan ng pagnenegosyo at pangangalakal.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Minsan, hindi naman masamang sumuko sa isang pangarap na alam na alam mong hindi mangyayari at matutupad sa kasalukuyan dahil wala o hindi pa nakamarka ang pangarap mong ito sa guhit ng iyong mga palad.

  2. Ayon sa guhit ng iyong palad, Clara, higit na lilinaw ang iyong career at mas magiging maunlad ang iyong buhay, hindi sa pag-a-abroad kundi sa pagnenegosyo sa inyong probinsya, na suwetong-suweto simulan at ipatupad ngayong 2020 hanggang 2021, sa edad mong 32 pataas. Sa ganyang paraan, kahit hindi ka nakapag-abroad, darating ang eksaktong panahon sa nasabing masinop at masikap na pagnenegosyo susuwertehin ka at yayaman (Drawing A. at B. H-H arrow c.) na magsisimulang mangyari sa 2029 sa edad mong 41 pataas.

 
 
  • Maestro Honorio Ong
  • Jun 5, 2020

Bulgar Horoscope

Sa may kaarawan ngayong Hunyo 5, 2020 (Biyernes): Bilis ang magdadala sa iyo ng mga suwerte kaya bilisan mo ang pag-iisip at pagkilos. Kapag babagal-bagal ka, wala nang mangyayaring maganda sa buhay mo.

ARIES (Mar. 21-Apr. 19) - Huwag mong balewalain ang maliliit na suwerte na nag-aabang sa iyo sa landas ng buhay na iyong tinatahak dahil kapag ito ay iyong pinahalagahan, ito ay lalaki at halos hindi masusukat. Masuwerteng kulay-brown.

TAURUS (Apr. 20-May 20) - Hahabulin ka ng saya kahit maglungkot-lungkutan ka. Mas magandang yakapin mo ang saya nang sa gayun ay magdatingan sa buhay mo ang masasaya at nakatutuwang mga suwerte. Masuwerteng kulay-white.

GEMINI (May 21-June 20) - Ngayon ay araw mo. Ang sinumang kumontra sa iyo ay makararanas ng hindi magagandang kapalaran. Ang sinumang umayon sa iyong mga kagustuhan ay bubuwenasin. Masuwerteng kulay-green.

CANCER (June 21-July 22) - Masasabi mo sa araw na ito na ang buhay sa mundo ay isang malaking biro. Ang inaakala mong pangit na pangyayari ay siya palang pagmumulan ng suwerte mo. Masuwerteng kulay-yellow.

LEO (July 23-Aug. 22) - Mabilis na susulong ang iyong kabuhayan kapag binilisan mo ang pagpapasya sa magagandang pagkakataong nakalatag sa iyong harapan. Ito ang mensahe ng iyong kapalaran. Masuwerteng kulay-purple.

VIRGO (Aug. 23-Sept. 22) - Bigyang-sigla mo ang mga nawalan ng pag-asa. Pakitaan mo sila ng simpatya at ipadama mo na ang lungkot ay napapalitan ng saya. Ito ang mensahe ng iyong kapalaran ngayon. Masuwerteng kulay-pink.

LIBRA (Sept. 23-Oct. 22) - Magparaya ka. Hindi naman kabawasan sa iyo ang paminsan-minsang nasisingitan ka ng kapwa mo. Ang totoo nga, ang ganito ay dagdag na paghanga mula sa mga nasa paligid mo. Masuwerteng kulay-beige.

SCORPIO (Oct. 23-Nov. 21) - Lalaki ang kinikita mo sa maliit na hanapbuhay mo kapag pinagbuti mo ang pakikipagkaibigan sa mga tao. Sa negosyo, ang maraming kaibigan ay ang umaasenso. Masuwerteng kulay-blue.

SAGITTARIUS (Nov. 22-Dec. 21) - Kumikislap ang mga bituin at ikaw ay kumikislap din ngayon dahil ang magagandang kapalaran na hindi mo inaasahan ay nag-uunahang gumuhit sa iyong buhay. Masuwerteng kulay-black.

CAPRICORN (Dec. 22-Jan. 19) - Dumikit ka sa masayahin at ikaw ay sasaya rin. May dagdag na pakinabang ka dahil kapag sumaya ka, ang mga suwerte ay magsisidapo sa buhay mo sa araw na ito. Masuwerteng kulay-violet.

AQUARIUS (Jan. 20-Feb. 18) - Huwag mong hanapin ang nawala at kahit hindi na sila bumalik, huwag kang mabahala. Ang harapin mo ay magagandang bukas na magbibigay sa iyo ng tunay na kaligayahan. Masuwerteng kulay-peach.

PISCES (Feb. 19-Mar. 20) - Kahit wala kang gagawin, lumabas ka ng bahay at bumalik ka rin agad. Ang ganitong pagkilos ang bubuhay sa mga suwerte mong nakatulog nang matagal dahil sa pananatili sa bahay. Masuwerteng kulay-red.

![endif]--![endif]--

 
 
RECOMMENDED
bottom of page