top of page
Search
  • BULGAR
  • Nov 10, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 10, 2023




“Magandang araw po,” magalang na sabi ni Maritoni sa mag-asawang kanyang kaharap.


Ito ang kailangan niyang lapitan dahil bukod sa nagpapaupa ito, rito rin malapit nakatira si Mark Ferrer.


“Magandang araw din,” sabay nilang tugon mag-asawa.


Naalala niya tuloy ang malimit na sinasabi ng kanyang lola noon, kapag ang babae at lalaki ay malimit na nagkakasabay sa paglalakad o pagsasalita – malaki ang tendensiya na sila ang itinakda ng kapalaran na magsama habambuhay.


Gusto ko po sanang mangupahan dito,”


“Aba'y sige. Gaano mo katagal gustong mangupahan dito?” Tanong ng matandang babae na nagngangalang Manang Teresita.


“Three months po,”

“Ang bilis naman,” kunwaring nagrereklamong sabi ni Manong Roger.


“Magsusulat lang po kasi ako kaya napadayo ho ako rito,” pagsisinungaling na sagot ni Maritoni.


“Ah, manunulat ka?”

“Oho.”


Sa dami ng lugar dito sa ‘Pinas, mabuti na lang ay dito ka sa Sitio Madasalin napadpad.”

“Maganda rin naman po rito,” nahagilap niyang sabihin.


“At nakakatakot.” Gilalas na sabi ni Manong Roger.


“Bakit naman ho?” Kunwa’y balewala niyang tanong.


“Hindi mo ba nabalitaan ang nangyayari sa aming nayon?”


“Masyado ho kasi akong naka-concentrate sa mga eksenang isinusulat ko. Ano po bang ibig n’yong sabihin?”


“Marami na kasing mga madreng pinapatay rito.”


Kunwa'y nagulat siya sa sinabi nito sabay bigkas ng “puro ho madre?!”

Oo. Halatang galit na galit ang kriminal na ‘yun sa mga madre.”


“Bakit ho kaya?”


“‘Yan ang hindi pa nagagawa nitong si Teresita ang makipaghuntahan sa isang kriminal.” Natatawang sabi ni Mang Roger.


“Pero, alam mo ba, sinabi ng amo namin na magkikita sila dapat ni Sister Luna dahil may importante silang pag-uusapan pero hindi ito natuloy.”


“Talagang hindi matutuloy iyon dahil pinatay na si sister bago pa sila nagkita ng amo namin.”


Kumunot ang kanyang noo, at hindi niya alam kung bakit parang may nag-uudyok sa kanya na alamin kung sino ang amo ng mga ito.


“Eh, sino ho ba ang amo n’yo?” Wika niya, sabay tingin sa mag-asawa.


Matagal sumagot ang mga ito, at maya-maya ay sabay nitong binigkas ang pangalan ng kanilang amo. “Si Mark Ferrer.”


Itutuloy…



 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 9, 2023



Hindi napigilan ni Maritoni ang mapahagikgik nang pagmasdan niya ang hitsura ni David o aka Sister Divina. Talaga naman kasing bagay na bagay sa kanya ang pagiging babae.


Nais kasi niyang malaman ang tunay na pagkatao ni Mark Ferrer kaya kailangang mapalapit siya rito. Siyempre, hindi niya magagawa iyon kung isa siyang madre. Kaya, kailangan niya muling magpanggap para makahagilap ng impormasyon tungkol sa pagkatao nito. Kailangan niya ring malaman kung mayroon na ba itong asawa, anak, at naniniwala ba ito sa kasal o hindi?


At bigla siyang natigilan, hindi lang naman kasi mga ganu’ng impormasyon ang dapat niyang malaman. Kailangan din niyang malaman kung nagkaroon na ba ito ng first kiss o aktibo ba ito sa…


Hindi na niya nagawang ituloy ang sinasabi ng kanyang isip dahil parang may kamay na bumatok sa kanya, at bigla siyang natauhan. Kailangan niya kasing malaman ang family background, matino ba ang kaisipan nito o may kakayahan ba itong pumatay.


Sa tingin kasi niya ay may kinalaman ito sa pagkamatay ni Sister Luna. Ang problema nga lang ay wala siyang matibay na ebidensya. Kaya, kinakailangan na niya na ang tulong ni David para maisagawa ang kanyang pinaplano.


Kahit kasi pinagdududahan siya nito, mas maigi pa ring mayroon siyang tagapagtanggol dito at ‘yun ay walang iba kundi si David.


“Paniwalang-paniwala sila sister na isa kang babae!” Wika niya sabay hagikgik.


“Siyempre, maganda ako eh.” Pagmamayabang na tugon nito.


“Hindi na kita kokontrahin dahil baka magbago pa ang isip mo.”


“May kinatatakutan ka rin pala?” Sarkastikong tanong ni David.


“Of course! Una naru’n sa listahan ay si chief. Panigurado kasing malalagot ako kapag nalaman nilang pinalitan mo ako. Pero promise, sandali lang ito. Kailangan ko lang talagang malaman kung ano ang pagkatao ng lalaking ‘yun.


Pagkaraan ay nag-flash sa kanyang isipan ang mga madreng pinatay na humihingi ng tulong, at nagmamakaawang bigyan sila ng hustisya.


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 8, 2023



“Sigurado ka ba sa sinasabi mo?” pagtatanong ni David.


Hindi napigilan ni Maritoni na mapailing, feeling kasi niya wala itong tiwala sa kanya. Sa bagay, hindi niya ito masisisi dahil napakabilis niya naman talagang husgahan si Mark Ferrer.


“Hinala pa lang naman, kaya nga gusto kong magpatulong sa’yo.” Wika niya


“Sinasabi ko na nga ba, sa oras ng kagipitan ako pa rin ang tatawagin mo,” tugon ni David sabay ngisi.


Tinaasan niya ito ng kilay at sabay sabing “Aba natural, ikaw ang partner ko, eh!”


“I love you, sweetheart.”


“Ipapasok mo na naman ba ‘yang panliligaw mo? Hindi ka ba nagsasawang makarinig sa akin na hindi tayo talo?! Wala akong panahon sa pag-ibig na ‘yan. Ang kailangan ko ngayon ay matapos ang misyon ko,” buong diin niyang sabi.


“Ang sakit mo namang magsalita. Wala kang awa sa puso ko,” madrama nitong tugon.


Kahit na masugid niya itong manliligaw, hindi pa rin siya naniniwala na inlab ito sa kanya. Kahit lahat ng atensyon ay ibinibigay nito sa kanya at hindi nag-i-entertain ng ibang babae, hindi pa rin siya kumbinsido.


Bahagya siyang umiling dahil ayaw na niyang mag-isip pa ng kung anu-ano. Ang kailangan niya kasing isipin ay walang iba kundi si Mark Ferrer lang. Muli na naman siyang umiling dahil may pagkakataon na sa sobrang pag-iisip niya rito, nagagawa na niya itong mapanaginipan, at dahil du’n ay nakakaramdam siya ng pagkainis.


“Huwag mo na kasi akong kulitin. Kailangan ko malaman ang background ni Mark Ferrer.


Hindi kasi ako basta-basta makakapag-imbestiga kung…” napahinto siya sa pagsasalita ng may ideya siyang naisip.


“Ano na namang kalokohan ang naiisip mo?” tanong sa kanya ni David.


Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan bago siya magsalita. “Ano’ng kalokohan ang pinagsasasabi mo r’yan? Hindi ko alam ang sinasabi mo!” Tarantang tugon ni Maritoni.


“Maloloko mo ang lahat pati na ang sarili mo, pero hindi ako. Kilalang-kilala kita kaya alam kong mayroong naglalaro sa utak mo.”


“Mayroon nga,” wika niya.


“Eh, ano?”


Sa halip na sumagot ay hinawakan niya ang baba ni David saka pinaling-paling. Napangisi siya ng may ideyang pumasok sa kanyang isipan.


“What?” Pagtatakang tanong nito.


“Ang ganda mo siguro maging babae. Partner naman tayo, kaya ang problema mo ay problema ko rin. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, tutulungan mo ako sa naisip kong gawin.” Seryosong sagot ni Maritoni.

Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page