top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| December 21, 2021



ree


Marami nang excited dahil ngayong taon, pinapayagan na ang pagdaros ng Christmas party sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2.


Ang mga selebrasyon sa workplace o kasama ang pamilya, puwedeng-puwede na ‘yan, basta fully vaccinated ang mga dadalo at susunod sa mga health protocols.


At dahil kailangang sumabay sa “new normal”, ang tanong, anu-ano ang ligtas na paraan para makapagdiwang ng Christmas party?


1. OUTDOOR. Inirerekomenda ng Department of Health (DOH) na gawing outdoor ang venue kung posible nang sa gayun ay hindi maging crowded ang lugar. Kung indoor naman, pinatitiyak na bukas ang pinto at mga bintana, gayundin, kailangang may exhaust fan upang maayos ang daloy ng hangin.


2. FACEMASK. Yes, mga beshy! Kinakailangan pa ring mag-facemask ng mga dadalo, lalo na kung may mga palaro at kung kakain naman, oks lang itong tanggalin. Ipinaalala rin ang palaging paghuhugas ng mga kamay o paggamit ng alcohol o hand sanitizers.


3. STREET PARTY. Kung balak magsagawa ng street party, ipinaalala ng mga awtoridad na kailangang may basbas o approval ito ng lokal na pamahalaan.

4. GAMES & ACTIVITIES. Bagama’t hindi ipinagbabawal, hindi hinihikayat ang mga aktibidad na may pakanta o pagsigaw.


5. CAROLING. Bukod sa kailangang bakunado ang mga mangangaroling, dapat naka-facemask kahit kumakanta, gayundin, kailangang may physical distancing.


Ibang-iba man sa nakasanayan nating paraan ng pagdaraos ng Christmas parties, good news pa rin dahil puwede nang mag-celebrate.


Pero siyempre, hindi natin puwedeng kalimutan ang mga paalala at umiiral na protocols dahil lahat ng ito ay para sa ating kaligtasan. Okie?


 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| December 14, 2021



ree


Tuwing Kapaskuhan, nakasanayan na ng marami sa atin ang umuwi sa probinsiya upang doon ipagdiwang ang holiday season kasama ang buong pamilya.


Ngunit sa nakalipas na taon, hindi naging madali ang pagbiyahe dahil sa mga restriksiyon bilang pag-iingat dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.


Ngayong lumuluwag na ang mga restriksiyon sa pagbiyahe dahil na rin sa pagbaba ng COVID-19 cases, inaasahan ang maraming bilang ng biyahero na patungong probinsiya.


Pero hindi na ito tulad ng dati na halos magkapalitan na ng mukha ang mga nais

bumiyahe, kaya ang tanong, anu-ano ang mga dapat asahan at gawin kung babiyahe ngayong Kapaskuhan?


1. MAAGANG PAG-BOOK NG TICKET. Dalawang araw o 48 oras bago ang schedule ng biyahe, tiyaking naka-book na ang ticket. Sa ngayon, 50% lamang ang kapasidad ng provincial bus na may malayong biyahe. Kung galing naman sa Metro Manila at papunta sa mga karatig-probinsiya nito, 70% ang kapasidad, depende sa requirement ng local government unit (LGU).


2. COVID-19 TESTING. Bilang pag-iingat, may ilang lokal na pamahalaan na nagre-require ng COVID-19 antigen test bago bumiyahe. Gayunman, may mga LGU rin na tumatanggap ng COVID-19 vaccination certificate o S-pass.


3. PARA SA ‘DI BAKUNADO. Kung hindi pa bakunado laban sa COVID-19, may ilang LGU na humihingi ng RT-PCR test na kinuha 72 oras bago ang biyahe.


4. HEALTH PROTOCOLS. Kaya may limitadong kapasidad sa bawat bus ay upang masunod ang minimum health protocols tulad ng social distancing. Kaya ‘pag sinabing bawal magtabi, bawal talaga, besh. Gayundin, ‘wag kalimutan ang tamang pagsusuot ng facemask at palaging paglilinis ng mga kamay.


‘Ika nga, kailangan nating sumabay sa “new normal” o ang mamuhay nang nasa paligid ang virus, kaya naman kinakailangan ang mga pag-iingat upang maiwasan ang sakit.


Kaya kung isa ka sa mga ka-BULGAR nating babiyahe ngayong Kapaskuhan, make sure na hindi mo kalilimutan ang mga tips at pag-iingat na ito para sa ligtas na biyahe. Okie? Ingat!


 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| December 02, 2021



ree


Nabalot ng takot ang ospital na pinagtatrabahuhan ni ‘Ms. F’, 51, head nurse ng surgical - ICU department sa Quezon City General Hospital (QCGH) nang magkaroon ng unang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang ospital.


Dahil dito, kani-kanyang tanggi ang mga nurses sa pag-duty sa COVID-19 ward dahil na rin sa takot na mahawahan ang pamilya ng mga ito, at ang mga kasamahan nilang ayaw mag-duty ay napilitang mag-resign. Bagay na lalong nagpahirap sa sitwasyon dahil nang mga panahong ‘yun ay maraming namamatay sa sakit.


Aniya, lahat sila ay natatakot dahil sa dami ng namamatay at dagdag pa niya, “Lahat kami napaisip, na baka katapusan na ng mundo, bakit ganito ang nangyayari?”


Dahil sa kakulangan ng staff, apektado ang work force at maging siyang head nurse ay napilitang mag-duty sa COVID ward. Saad pa ni Ms. F, minsan ay naging na lang ang duty, kung saan hahatiin ang mga staff sa ibang ward at COVID ward at nagiging straight pa ang isang duty.


Bagama’t hindi masisisi ang mga kasamahan nilang nag-resign dahil sa takot, kinailangan nilang maglakas-loob na pumasok sa COVID ward mula noong Mayo 2020, kahit pa posibleng mahawahan o makapag-uwi sila ng sakit o umabot pa sa puntong halos hindi na sila umuuwi at malayo sa kani-kanilang pamilya.


Paliwanag ni Ms. F, binigyan ng sila kuwarto ng ospital nang sa gayun ay walang uwian kung may duty at pagkatapos ng 14 days quarantine, makakauwi na aniya sila kung negative sa swab test. Sa loob ng isang buwan, tatlong linggo silang nasa ospital at isang linggo sa bahay ‘pag negatibo sa sakit.


Nang tanungin kung ano ang iba pang hamon para sa kanilang mga nasa frontline bukod sa peligro ng pagharap sa COVID patients, aniya, “Pinakamahirap ‘yung magsuot ng PPE (personal protective equipment) at hasmat suit. Parang hindi ko kaya, pero ‘pag pupunta sa COVID ward, maaawa ka sa sitwasyon ng mga pasyente kasi halos maya’t maya, may namamatay. Maiiyak ka na lang dahil wala kang magawa kasi nagkakamatayan sila.


Pagpasok mo ru’n, mawawala yung fear mo kahit hindi ka na makahinga at pawis na pawis ka dahil sa hasmat.”


Habang suot ang hasmat, tila umano giyera ang pagpasok sa COVID ward habang kitang-kita ang kaawa-awang mga pasyente. Aniya, “Gusto nilang makita ‘yung kamag-anak nila, pero hindi nila makita, hindi mo rin maibigay ‘yung sapat na medical care kasi lahat naka-hasmat.


Ang hirap eh, pero kailangan ‘yun para fully protected ka.


“Kapag nandu’n ka na, kakayanin mo na kasi marami kang gustong gawin, pero hindi mo kaya dahil mag-isa ka, lalo na’t kulang kami dahil sa dami ng nag-resign. Isa pa, kulang ang oras, kaya iisipin mo talaga kung paano sila mabubuhay. Mato-trauma ka pa kasi makikita mo na hirap na hirap silang huminga, at gusto man namin silang tulungan, hindi kami basta-basta nakakapasok. ‘Yung mga kasama ko, nag-iiyakan na rin, sinasabi nila, ‘Bakit ganu’n, maraming namatay nang walang laban dahil sa COVID?’”


Gayundin, dahil sa dami ng pasyente, umabot pa aniya sa punto na kinailangan nilang mamili ng pasyenteng isasalba. Aniya, “Sobrang lungkot kasi gusto mo siyang mabuhay pa.


Pagdating pa lang ng pasyente, tinitingnan na ng mga doktor kung kaya pang isallba, at ipapaliwanag sa pasyente at bantay na ganu’n na ‘yung sitwasyon. Nag-iiyakan na lang sila, siyempre, masakit ‘yun sa loob.”


Sa puntong ‘yun, naisip ni Ms. F na mabilis lang ang buhay, lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic. Aniya, “Medically, hindi mo magawa lahat, tapos wala pang sapat na gamot para mabigyan ng lunas ‘yung sakit nila at wala ka pa sa pamilya mo, mag-isa ka lang talaga.”


Hindi lang din immune system ang apektado sa sakit dahil aniya, nade-depress din ang mga tinatamaan ng sakit, lalo na ang mga doktor na naging pasyente dahil tinamaan ng sakit. Minsan pa umano, may pasyenteng tumalon sa building ng ospital dahil hindi nito matanggap na nagpositibo siya sa COVID-19.


At maging siya ay nakaranas din ng depresyon dahil sa matagal na panahong malayo sa pamilya dahil sa sitwasyon sa kanyang trabaho. Ngunit kailangan umanong labanan ang kalungkutang dala ng depresyon para sa kanyang dalawang anak na edad 16 at 9 nang panahong ‘yun.


Kahit negatibo umano ang resulta niya sa swab test, natatakot siya tuwing uuwi kaya minamabuti niyang humiwalay pa rin bilang karagdagang pag-iingat. Aniya, sakripisyo umanong maituturing na hindi niya mayakap ang dalawang anak para sa kanilang kaligtasan.


Laking pasasalamat din ni Ms. F na nauunawaan ng kanyang mga anak ang sitwasyon sa kanyang trabaho sa tulong ng kanyang mga kapatid na nag-aalaga sa mga ito.


Noong Disyembre nakaraang taon, huminto na siya sa pagduduty sa COVID ward dahil nagdesisyon umano ang management ng ospital na i-pull out ang mga head nurse dahil na rin nagkaroon na ng mga bagong staff.


Payo ng health worker, palakasin ang resistensiya dahil isa umano ito sa mga panlaban sa sakit. Gayundin, regular na mag-ehersisyo upang hindi kapitan ng iba pang sakit.


Isa pa sa maipapayo niya na patatagin pa ang relasyon sa pamilya at Diyos, aniya, “Kung gaano katatag ang relasyon ninyo bilang pamilya, ‘yun ang kakapitan mo para maging emotionally strong.”


Bilang head nurse, palagi rin aniyang ipinaalala sa mga kasamahan na ‘wag kalimutan ang malasakit sa isa’t isa, lalo na sa mga pasyente. Saad niya, “Palagi kong sinasabi sa mga kasama ko na, ‘Kapag nag-duty kayo, ‘wag lang duty. Isipin niyo na puwedeng mangyari sa inyo ‘yung nangyayari sa pasyente. Importante ang concern sa pasyente, hindi ‘yan dapat nawawala’.”


Samantala, mapalad tayong makapanayam ang isa pang kasamahan ni Ms. F sa QCGH upang makapagbahagi pa ng kanyang naging karanasan bilang health worker at COVID survivor.


Si ‘Ali’, 32, nurse sa parehong ospital, bagama’t nakatalagang mag-alaga at tumugon sa COVID-19 patients, hindi siya nakaiwas sa sakit matapos ma-test siyang asymptomatic noong Agosto 2020. Aniya, mahirap mag-quarantine, lalo pa’t mag-isa siya at malayo sa pamilya.


Bilang health worker na naka-assign sa COVID ward, pinakamahirap umano ang pagsusuot ng PPE. Aniya, “Bago ka mag-alaga ng COVID patient, kailangang naka-PPE ka, na sadyang nakakabagal sa kilos naming health workers, pero kailangan para sa proteksiyon namin.”


Natutunan aniya na mahalaga ang pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat. At makakaya natin ang lahat basta meron nito at marunong sumunod sa mga nararapat na gawin.


Bilang medical frontliner, nais niyang ipaalala sa lahat na maikli lamang ang buhay.


Paliwanag niya, “Sa isang segundo o saglit, maaari tayong mawala at pumanaw. Maaaring magkaroon na naman ng mga sakit na mahirap malunasan, kaya dapat, tayo ay laging handa, hindi lamang sa pisikal, kundi spiritual. At palaging magdarasal at hihingi ng gabay sa Diyos sa buhay.”


Literal na buwis-buhay ang ating medical frontliners para makapagsalba ng mas maraming buhay ng ating mga kababayan.


Ngunit sa dami ng hamon na kanilang kinaharap at patuloy na hinaharap, maging sila mismo ay hindi nakaiwas sa nakamamatay na sakit at nakaranas ng bagsik nito.


Sa ating magigiting na frontliners, maraming-maraming salamat sa inyong tapang at sakripisyo para sa milyun-milyon nating kababayan.


‘Ika nga, kayo ang modern heroes sa panahong ito, kaya walang hanggang pagsaludo at pasasalamat sa inyong lahat na nasa unahan ng labang ito.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page