top of page
Search
  • BULGAR
  • Nov 18, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 18, 2023



Masakit na masakit ang ulo ni Maritoni nang magising siya. Bigla siyang kinabahan, at hindi niya napigilang magbulalas ng “shet” dahil naalala niya kung sino ang kasama niya kagabi at ‘yun ay walang iba kundi si Mark.


“Ano’ng katangahan ang sinabi mo?” Naiinis niyang tanong sa kanyang sarili.


Hindi naman talaga siya madaling malasing kung normal ang kanyang isipan. Pero kung may kakaibang damdamin siyang nararamdaman, du’n siya madaling nalalasing.


“Hindi naman katangahan ang pagtapat ng totoong nararamdaman.”


Nanlaki ang kanyang mga mata sa kanyang narinig. Hindi rin niya inaasahan na makikita niya ito rito. Bigla tuloy siyang kinabahan lalo na’t nasa iisang silid lang sila. Mabilis niyang tiningnan ang sarili sa ilalim ng kumot at napagtanto niyang kumpleto naman ang kanyang damit. Ibig sabihin, walang nangyari sa kanila. Kaysa na makahinga siya nang maluwag, panghihinayang ang kanyang naramdaman


“Siraulo,” inis niyang sabi sa kanyang sarili.


“Ugali mo ba talagang uminom?” Pagtatanong sa kanya ni Mark.


“Ha?” Maang niyang tanong. Hindi niya kasi na-gets agad ang gusto nitong sabihin.


“Ang dami mo kasing alak sa ref, o baka naman pumupunta ang boyfriend mo rito?” Nakasimangot nitong tanong.


Kung umasta kasi ito ay daig pa ang nagseselos na asawa. Gayunman, sinagot niya pa rin ito.


“Umiinom talaga ako, lalo na kapag nagsusulat, mas gumagana kasi ang imahinasyon ko kapag may alak,” nahagilap niyang sabihin.


“Hindi ba dapat makalimot ka nga nu’n?” Nagtatakang tanong nito.


Ilang sandali lang ay tumunog ang kanyang cellphone. Bigla siyang kinabahan nang makita ang pangalan ni David. Alam niyang importante ang tawag nito kaya kahit na naru’n si Mark ay napilitan siyang sagutin ito.


“Umatake na naman siya kagabi,” wika nito pagkaraan.


Itutuloy…



 
 
  • BULGAR
  • Nov 16, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 16, 2023



“Kung magsalita ka naman ay parang ang laki ng galit mo sa mga taong relihiyoso.”


Pagkaraan ay natigilan siya. Ito na ba ang hinahanap niyang clue? Tanong pa niya sa kanyang sarili.


“Ang sabi ko sa mga taong panay ang punta sa simbahan,” natatawang sabi ni Mark.


Napakurap-kurap naman siya habang nakatingin rito. Para kasing may kasiyahan siyang nakikita sa mga mata ni Mark na hindi niya maipaliwanag. Hindi naman takot ang kanyang nararamdaman sa mga sandaling iyon, bagkus ito ay saya.


“Curious lang ako. Sa palagay mo, ano bang dahilan at pinapatay ang mga madre?” nahagilap niyang itanong dito.


Biglang nawala ang ngiti sa labi ni Mark, at napalitan ito ng galit. “Malamang may nagawang kasalanan ang mga madreng kanyang pinapatay.”


“Ano naman kaya iyon?”


“Hindi ako ang makakasagot niyan, kundi ang mga awtoridad. Bakit ba bigla kang nagkainteres?” wika nito.


“Siyempre, manunulat ako. Naghahanap ako ng bagong ideya para sa bago kong nobela,” sagot niya.


Ayaw niya magkaroon ito ng hinala sa kanya. Kapag nalaman nitong nagpapanggap lang siyang manunulat ay sigurado masasakal siya nito. Iyon nga lang, kahit na ano'ng gawin niya sa pagkatao ni Mark parang hindi niya nakikita na mayroon itong kakayahang pumatay. Hindi niya pa naman kasi ito nakikitang magalit. Sa puntong iyon ay parang gusto niyang pagtawanan ang kanyang sarili. Kung umasta kasi siya ay para siyang isang baliw na nakikipagtalo sa kanyang sarili.


Hindi naman kasi sapat ang mga narinig niya kay Mark para tuluyan na niya itong paghinalaan.


Kaya, mas maiging palalimin pa niya ang pagkilala rito.


Ngunit, ang layunin nga ba talaga niya ay kilalanin ang serial killer o baka naman may iba pang dahilan? Nanunudyo niyang tanong sa kanyang sarili habang lumalakas nang lumalakas ang pintig ng kanyang puso.


Itutuloy…



 
 
  • BULGAR
  • Nov 15, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 15, 2023



“Parang ang lalim ng iniisip mo, ah?” Wika ni Maritoni habang papalapit kay Mark Ferrer.


Ito na kasi ang hinihintay niyang pagkakataon para makapag-usap sila. Gusto niyang imbestigahan ang pagkatao nito, ngunit aalamin muna niya ang istorya nito.


Tonette…” nakangiting tugon ni Mark.


Napangiwi siya sa itinawag nito sa kanya. Pakiramdam niya tuloy ay isa siyang bakla. Kung bakit ba naman kasi sa dami ng pangalan ay iyon pa ang naibulalas niya.


“Ikaw yata itong may problema, eh.” Natatawang sabi nito.


“Nami-mental block lang ako.”


“Ayan naman ang laging ikinakat’wiran ng mga manunulat kapag tinatamad sila.”

“Ikaw ba, rito ka lang?” Nahagilap niyang tanong.


“I mean, wala ka bang trabaho?” Dagdag pa nito.


“Tulad mo, Mass Com din ang course ko.” Sagot naman ni Mark.


Gusto sanang sabihin ni Maritoni na ang kanyang course ay Criminology at hindi Mass Com. Buti na lang ay mas umiral ang katinuan ng kanyang isip sa mga sandaling iyon.


“Nagsusulat ka rin?”


“Hindi, mas komportable ‘pag sa bahay lang.”


Napahagikgik naman siya sa sinabi nito gayung lumang joke na iyon. Kung maririnig lang ni David ang pinag-uusapan nila, tiyak na magrereklamo ito. Ni ngiti kasi ay hindi niya magawa kapag humirit na ito sa kanya ng kakornihan.


“Pero, iba si Mark” wika niya sa kanyang sarili. Nang tanungin niya ang sarili kung bakit iba si Mark agad naman niya itong sinagot na bantay siya rito eh. Kaya, kailangan niyang magpanggap na nasisiyahan kahit na kakornihan dito.


“Wala ka bang boyfriend?”


“Naku, wala.”


“Sa ganda mong ‘yan?”


“Malabo ba mata mo?” Tanong niya rito.


Hindi dapat siya kiligin sa mga simpleng banat nito pero iyon ang nangyari.


“Napakalinaw ng mata ko para makita ang kagandahan mo.”


“Bolero ka rin pala.”


“Hindi pambobola ang pagsasabi ng katotohanan,” wika nito sabay titig sa kanya.


Makalipas ang ilang sandali, napabuntong hininga siya sabay sabing, “subalit hindi ako maniniwala kapag may lumapit sa akin at sinabing


mamahalin niya ako. Hindi ako maniniwala dahil karamihan sa mga babae ay manloloko.


Madalas sa mga babaeng panay ang punta sa simbahan, sila pa ang ‘di mapagkakatiwalaan” wika nito habang nanlilisik ang kanyang mga mata.


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page