top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| August 16, 2022



ree

Kabilang ka ba sa mga nabudol ng paniniwalang mas productive tayo ‘pag nagpo-procrastinate?


For sure, lahat naman tayo ay may moments na nagpo-procrastinate o saka pa lamang tayo kikilos at magiging productive kapag sobrang lapit na ng deadline. Agree?


Bagama’t normal naman ito dahil may mga pagkakataong hindi talaga kaya ng schedule, pero para sa iba, naging habit na ito. Anyare?


Normal man o nakasanayan lang, may paraan pa para maiwasan ang procrastination. Anu-ano ang mga ito?


1. BEHAVIOR PATTERNS. Ayon sa mga eksperto, mahalagang matukoy kung ang pagpo-procrastinate ay isang pattern o bagong habit. Kung ito ay bagong habit, ipinapayo na tingnan at analisahin ang mga recent changes sa iyong buhay. Kapag daw kasi overwhelmed tayo sa mga pagbabago sa ating buhay, wala na tayong “mental space” para magpokus sa isang bagay at makatapos ng isang gawain sa loob ng maikling panahon dahil nauubos ang ating energy sa pag-a-adjust. Ilang halimbawa ng sitwasyon na nakakadagdag sa pagpo-procrastinate ay ang breakup, paglipat ng bahay, pagiging bagong parent, pagsisimula sa bagong trabaho o burnout sa trabaho.


2. BAGUHIN ANG SELF-TALK. Paano mo kinakausap ang iyong sarili kapag nagpo-procrastinate ka? Sey ng experts, ang pagigng nega sa sarili ay nakakapagpalala ng procrastination. Ayon nga sa isang pag-aaral, may kaugnayan ang low self-compassion at procrastination, kaya imbes na sabihin mong, “Hindi ko kayang tapusin,” o “Hindi ko kayang gawin,” mas mabuting sabihin sa iyong sarili na, “Kaya ko itong gawin,” o “Matatapos ko ito sa oras”.


3. HATIIN ANG GAWAIN. Kung marami kang kailangang trabahuhin, tiyak na hindi ito matatapos sa isang upuan. Dahil d’yan, inirerekomendang unti-untiin ang trabaho para mas madali itong magawa. Paano? Gumawa ng listahan ng iba’t ibang paraan para matapos ito at gumawa ng makatotohanang timeline para matapos ang bawat step.


4. MAGPAHINGA. Yes, besh! Hindi naman puwedeng trabaho lang nang trabaho, kaya magpahinga ka rin. Mahalagang hakbang ito upang maiwasan ang burnout o hindi ma-overwhelm, na nagiging sanhi ng procrastination. Kapag may sapat tayong pahinga, mas nakakapag-function tayo at mas madaling nakakatapos ng mga gawain.


5. MAGLAGAY NG WORKSPACE. Ayon sa mga eksperto, mayroong epekto ang environment sa iyong trabaho, lalo na kung hirap kang magpokus. True namang napaka-komportableng magtrabaho sa kama habang nakapatong ang laptop sa unan, pero inirerekomenda ng mga eksperto na magkaroon ng dedicated workspace. Hindi mo naman kailangan ng buong kuwarto o opisina para rito, pero make sure na mayroon kang space na walang distraction at kumpleto ang essentials para makapagtrabaho ka. Siguraduhin na mayroon kang proper desk at komportableng upuan. Kung trip mo namang makinig ng music habang nagtatrabaho, go lang. Puwede ring maglagay ng kaunting halaman o artwork para mas nakakarelaks.


6. MAGPATULONG. Hindi mo naman kailangang solohin ang isang trabaho. Kung nahihirapan ka o may mga katanungan, oks lang na magpatulong sa ka-team o co-worker. Mas magandang paraan ito dahil mas madaling masosolb ang isang problema at walang masasayang na oras.


Sa true lang, hindi magandang makasanayan ang pagpo-procrastinate dahil nagiging sanhi ito ng katamaran. Kumbaga, kung kaya naman natin itong tapusin habang may oras, why not, ‘di ba?


Magandang paraan ito para iwas-stress sa work o anumang gawain.


Kaya kung isa ka sa mga beshy nating nabubudol ng paniniwalang nakakadagdag ng productivity ang pagpo-procrastinate, tigilan mo na ‘yan at baguhin ang iyong nakasanayan.


Gets mo?

 
 

ni Mharose Almirañez | August 11, 2022



ree

“Welcome home!” ‘Ika nga. Pero paano nga ba tayo magiging truly welcome sa ating bagong bahay nang walang nagiging aberya?


Bilang gabay sa inyong paglilipat-bahay, narito ang ilang bagay na dapat tandaan:


1. UNAHING IPASOK ANG BIGAS, ASUKAL AT ASIN. Ang mga nabanggit ang unang-unang ipapasok sa pinto bago isunod ang iba pang kagamitan. Isa ito sa pinakapamilyar na kaugalian ng mga Pinoy sa tuwing maglilipat ng bahay dahil anila, magkakasunod na blessings ang papasok sa inyong tahanan kapag isinagawa ito. Kumbaga, hindi rin kayo mauubusan ng bigas, asukal at asin na mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay.


2. MAGPA-HOUSE BLESSING. Mag-imbita ng Pari na magbebendisyon sa inyong bahay. Napakalaking tulong ng Holy Water at dasal upang mapaalis ang masasamang espiritu na namamahay sa inyong tirahan. Ito rin ang magsisilbing basbas upang mailayo sa kapahamakan ang mga taong titira sa binendisyunang bahay. Huwag mong isantabi ang pagpapa-house blessing sa pag-aalalang dagdag-expenses lamang ito, sapagkat hindi naman naniningil ng malaking halaga ang mga pari. Thankful na sila sa donation. Honestly, hindi naman required ang magarbong house blessing na tila may pa-ribbon cutting ka pa, kung saan invited ang buong barangay, kundi simpleng salu-salo kasama ang iyong pamilya ay sapat na.


3. DUMEPENDE SA HUGIS NG BUWAN. May mga nagsasabing sa loob ng isang buwan ay may dalawang pagkakataon lamang para makalipat ng bahay, it’s either new moon or full moon, o kapag natiyempuhan mo ang blue moon. Ang liwanag na magmumula sa hugis ng buwan ang magdadala ng suwerte sa inyong bagong tirahan.


4. HUWAG MAGLILIPAT NG BAHAY KAPAG CHINESE GHOST MONTH. Ito ay isang tradisyon ng mga Intsik taun-taon, kung kailan bumubukas ang impiyerno at gumagala ang masasamang espiritu sa loob ng isang buwan o mula July 29 hanggang August 26. Dapat ay palipasin muna ang Ghost Month bago lumipat ng bahay upang hindi sumama ang mga mapaglarong espiritu sa inyong bagong tirahan. Kundiman, pinapayuhan mag-alay ng pagkain, maghanda ng anim na inumin, anim na ulam, at dalawang kanin. Mag-insenso sa labas ng bahay. Kumbaga, para kang nagpapaalam sa spirits. Mangyari’y kumonsulta sa Feng Shui experts tungkol sa masusuwerteng ayos ng pintuan, bintana, puwesto ng furniture abp. upang magtuluy-tuloy ang inyong suwerte.


5. SURIIN ANG BAWAT SULOK NG BAHAY. Ipagpalagay nating kaka-turn over lamang ng iyong brand new house and lot, siyempre ay inspection-in mo munang maigi kung maayos ba ang daloy ng tubig. I-check mo kung walang tagas ang lababo o kung barado ba ang sink at toilet bowl. Tingnan mo rin kung nagbibitak-bitak ba ang pader o sahig, lalung-lalo na kung tumutulo ba ang bubong tuwing umuulan. Tingnan mo rin ang electric wirings. Hangga’t maaga ay palitan mo na ang doorknob, sapagkat hindi natin alam kung may kaparehas kang susi sa isa sa mga homeowner, na maaari nilang magamit sa pagnanakaw. Mag-disinfect ka na rin bilang panlaban sa iba’t ibang uri ng bacteria, virus at germs.


6. TIYAKING MAY TUBIG AT ILAW. Siyempre, paano ka makakakilos nang maayos kung walang tubig at ilaw? Mahirap maki-igib ng tubig at makikabit ng kuryente sa kapitbahay araw-araw, kaya siguraduhin munang mayroon ng tubig at ilaw ang iyong lilipatang bahay bago lumipat. Okie?


7. ITAGO ANG MGA PAPELES AT RESIBO. ‘Wag na ‘wag mong iwawala ang mga papeles at resibo dahil napakahalagang documented in print ang inyong bawat transaksyon. ‘Yan ang magsisilbi mong katibayan sa lahat ng iyong karapatan sa iyong bagong bahay.


8. ‘WAG FEELING CLOSE SA KAPITBAHAY. Okay lang ‘yung magbibigay ka ng handang spaghetti o ulam sa iyong kapitbahay sa araw ng iyong paglipat, pero besh, ‘wag na ‘wag kang magbibigay ng personal information, kung ayaw mong ikaw ang maging subject ng chismis nila Aling Marites. Hindi naman sa pagiging judgmental, pero malay ba natin kung may history sila ng pangsa-psycho o may kakilala silang magnanakaw. Hindi rin sa pinag-o-overthink kita, pero what if sa pagiging feeling close n’yo sa isa’t isa ay tinitiktikan na pala nila ang inyong bahay? What if lang naman.


Ngayong alam mo na ang ilan sa mga dapat gawin, congratulations sa iyong bagong tahanan!


 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | August 8, 2022


ree

Kung sa advertisement ng ice cream noon ay may famous line na, “Saan aabot ang P20 mo?” Ang tanong naman nating mga ka-BULGAR, “Kung may P1K ka sa wallet, ano’ng gagawin mo para mapalago ito?” Sa taas ng inflation ngayon, nagmimistulang barya na lang ang P1K na siyang pinakamataas na value sa Philippine money. True naman, madalas ay isang kisapmata na lang ‘yan. At kahit parang malabo, paano nga ba natin mapatatagal sa ating kaban ang isanlibo?


1. MAG-WORK PARA MADAGDAGAN PA. Makatotohanan naman talaga ang pagtatrabaho para ang madagdagan ang ating pera. Hindi man agad-agad, pero at least may hinihintay tayo tuwing kada dalawang linggo o dalawang beses sa isang buwan.


2. MAG-ISIP NG MGA BAGAY NA PUWEDENG I-RESELL. Tumingin sa Shopee, Lazada o iba pang online shopping outlet ng mga interesting items na puwedeng i-resell sa Facebook group ng subdivision o barangay n’yo. Mula sa ganu’n ay puwede nang makapagsimula ng maliit pero masasabing progressive na business.


3. MAGTINDA NG ULAM O PAGKAIN. Kung marunong magluto, try mo magbenta ng ulam sa online platforms. Pero kung nasa mataong lugar naman kayo ay oks kung meryenda ang ibebenta mo sa labas ng bahay n’yo.


4. MAG-OFFER NG SERBISYO. Halimbawa, may motor ka, ‘yung kalahati ng P1K ay ipang-gas mo, tapos mag-offer ng hatid/sundo sa mga kakilala, pero with a fee. Kung marunong ka namang magkulay o mag-hair service, pasok na sa banga ‘yung P1K para makabili ng pangkulay o matalas na gunting para gamitin sa service.


5. MAMUHUNAN SA MGA EARN & PLAY GAMES. Pero hindi ito advisable kung P1K na lang ang iyong last money. Okay lang kung mamaya o bukas ay may darating na ring pera sa ‘yo dahil ang mga earn & play games ay maihahalintulad na rin sa sugal. Tandaan, ‘wag isugal ang huling pera, ‘wag maniwala sa suwerte.


Isa sa mga oks na abilidad nating mga Pinoy ay ang pagiging likas na madiskarte sa buhay. Tipong akala mo ay wala nang pag-asa, pero magugulat ka kasi there’s more in life pa pala na puwedeng magawa. Sa panahon ngayon na lahat na lang ng kailangan natin ay nagtataas-presyo at halos dumaan na lang sa iyong mga kamay ‘yung kinita mo sa dalawang linggo na pagtatrabaho, kailangan na talaga natin pagalawin ang baso. Kumilos at dumiskarte dahil ‘ika nga’y wala namang imposible.


Gets mo?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page