top of page
Search

ni Mharose Almirañez | November 17, 2022


ree

Inflation here, inflation there, inflation everywhere! Ngayong nagtataasan ang presyo ng mga bilihin at papalapit na ang Pasko, paano nga ba makakatipid sa mga pangdekorasyon, pangregalo at panghanda nang hindi nagmumukhang pobre? Don’t worry, beshie, I got you!


Bilang budgetarian, narito ang ilang paraan upang makatipid sa darating na Pasko:


1. MAGING CREATIVE. Sa halip na mag-hire ng designer na magki-Christmas decorate para sa ‘yo ay napakaraming DIY o do-it-yourself tutorial na maaari mong gayahin sa pagde-decorate ng inyong bahay. Maaari ka ring gumawa ng improvised Christmas tree sa pamamagitan lamang ng garland. Siguraduhin mo lamang na hindi mag-o-overheat at magdidikit-dikit ang wiring ng Christmas lights upang maiwasan ang sunog.


2. MAGING RESOURCEFUL. Puwede mong i-reuse ang mga nagamit na dekorasyon last year, partikular na ang Christmas Tree, Christmas Lights, Christmas balls, artificial poinsettias, garlands, parol at iba pa. Mararamdaman mo nga naman ang presence ng Pasko sa tuwing nakikita mo ang mga kumukuti-kutitap na dekorasyon sa paligid ng Christmas tree, kaya naman huwag mong itapon ang mga ginamit dahil magagamit mo pa ‘yan yearly. Bukod sa nakatipid ka na, maaalala mo pa ang sayang dala ng Pasko noong mga nakaraang taon.


3. MAG-EARLY SHOPPING. Mamili ka na ng Noche Buena package hangga’t maaga dahil paniguradong mas tataas pa ang presyo ng mga ito habang papalapit ang Pasko. Siguraduhin lamang na malayo pa ang expiration date ng mga bibilhing produkto upang maiwasan ang aberya. Makakatulong din ang early shopping para makaiwas sa pakikipagsiksikan tuwing rush hour.


4. PUMUNTA SA DIVISORIA. Kilala ang Divisoria, Quiapo, Baclaran at Taytay Market bilang bagsakan ng mga mumurahing bilihin. Iba’t iba ang mga makikita mo ritong produkto, kaya hindi ka mauubusan ng pagpipilian. Mag-ingat na lamang sa mga mandurukot dahil hindi ‘yan sasagutin ng management kapag nadukutan ka.


5. ‘WAG UBOS BIYAYA, BUKAS TUNGANGA. Hindi porke nakatanggap ka na ng 13th month pay, Christmas bonus at sahod ay sunod-sunod na rin ang paggastos mo na parang wala nang bukas. Matuto kang mag-budget ng pera at maglista ng mga binili upang hindi ka mawindang kung saan napunta ang iyong pinagpaguran sa oras na maubos na ang iyong cash. Alalahanin mo na mayroon pang New Year. Mahirap naman kung sasalubungin mo ang 2023 na walang laman ang iyong bulsa, ‘di ba?

Ang Pasko ay araw ng kapanganakan ng Diyos, kaya marapat lamang itong ipagdiwang. Gayunman, dapat mo rin isipin ang pagiging praktikal dahil sa hirap ng buhay. Afterall, hindi naman pabonggahan ang Pasko. Ang mahalaga ay alam mo kung paano ka magiging thankful kay God at kung paano mo maa-appreciate ang presence ng iyong pamilya.


Give thanks and give love. Okie?

 
 

ni Mharose Almirañez | November 13, 2022


ree

Kung may “Age doesn’t matter,” mayroon ding “Distance doesn’t matter”. ‘Yan ang karaniwang motto ng magkasintahang nasa long distance relationship o LDR, kung saan komunikasyon ang nag-iisa nilang sandigan.


Sabi nga nila, kailangan mong baunin ang napakaraming trust, faithfulness, loyalty, consistency, understanding and patience sa oras na pasukin mo ang LDR. Bawal dito ‘yung mahihina ang loob at puro overthink ang alam.


Bukod sa mga nabanggit, narito rin ang ilang bagay na kailangan mong ikonsidera kapag nasa long distance relationship ka:


1. LOVE LANGUAGE. Hindi naman sa pagiging negative, pero kung physical touch ang love language n’yo ay parang malabong maka-survive kayo sa LDR. Siyempre, paano n’yo mahahawakan ang isa’t isa kung sa screen lang kayo nagkikita? Mahirap namang magpaka-clingy kung limitado ang bawat galaw n’yo. But don’t worry, beshie, bukod sa physical touch ay may iba pa namang love language na puwedeng i-consider tulad ng words of affirmation, acts of service, receiving gifts and quality time.


2. INTERNET CONNECTION. Alam naman nating napakabagal ng internet sa ‘Pinas. Kahit mag-upgrade ka pa sa pinakamabilis at pinakamahal na plan ay hindi pa rin maiiwasang ma-disconnect ka sa internet. What if nasa kalagitnaan kayo ng pagtatalo at bigla kang nawalan ng internet, katapusan na rin ba ng relasyon n’yo? Siyempre, hindi mo naman puwedeng idahilan ang problema sa internet sa lahat ng oras.


3. ELEMENT OF SURPRISE. Hindi naman porke magkarelasyon na kayo ay mawawala na ‘yung element of surprise. Marapat lamang na surpresahin mo pa rin siya dahil isa ‘yun sa mga bagay na makakapagbigay ng kilig sa inyong relasyon. Halimbawa, sikreto kang uuwi sa ‘Pinas para bisitahin siya.


4. TIME DIFFERENCE. Para ito sa mga magkabilang mundo kung saan dito ay umaga at d’yan ay gabi. ‘Yung tipong, mag-aalmusal ka pa lang, pero siya ay maghahapunan na. Kumbaga, magkasalungat ang mga oras n’yo. Kaya ang tanong, kaya mo bang mapuyat sa kakahintay na mag-online siya? Nakahanda ka bang isakripisyo ‘yung mga oras na sana ay itinutulog mo, pero magdamag kang gising dahil sa mga oras na ‘yun mo lang siya puwedeng makausap?


5. HANGGANG KAILAN KAYO MAGIGING LDR? Ito ang pinakamalaking tanong na dapat n’yong masagot, sapagkat hindi kayo puwedeng mag-LDR habambuhay. Kahit pa sabihing nakasanayan n’yo na ang ganyang setup, mahirap pa rin kung wala kayong planong i-upgrade ang inyong relationship into next level. Mainam ‘yung mayroon kang pangakong pinanghahawakan. Baka kasi naghihintay ka lang pala sa wala.


“Absence makes the heart grow fonder,” ‘ika nga. Gayunman, huwag kang masyadong magpa-miss sa iyong karelasyon, dahil the more na nagpapa-miss ka ay mas marami kang nami-miss sa kanya. Ayaw mo naman sigurong ma-miss ‘yung panahong ikaw pa ang mahal niya, ‘di ba?


Alam nating challenging ang LDR, lalo na kung sa ibang bansa nakadestino ang iyong dyowa. Kaya kung gusto mo talagang mag-work ang inyong relasyon ay ikaw na ang umiwas sa temptasyon. Lumayo ka sa tukso at huwag kang magpadala sa panandaliang aliw.


As much as possible, gumawa ka ng paraan para ma-maintain ang inyong komunikasyon. Maging consistent ka sa pagpapakilig at pagiging loyal sa kanya dahil at the end of the day, relasyon n’yo ang nakasalalay rito.


Okie?

 
 

ni Mharose Almirañez | November 10, 2022


ree

Nakakawalang-gana kapag paulit-ulit na lamang ang mga nangyayari sa araw-araw. ‘Yung pakiramdam mo ay parang hindi ka na nagiging productive dahil naka-stuck ka lamang sa iisang routine at kahit marami kang ideas na gustong ibahagi para sa ikauunlad ng inyong kumpanya ay sinasarili mo na lamang, sapagkat wala namang nakikinig sa ‘yo.


May ilan ding senaryo kung saan tatamarin ka talagang magtrabaho kapag wala man lang naging improvement sa iyong sahod mula noong na-hire ka. Mapapakumpara ka na lamang din kapag wala kayong health card o HMO tulad sa ibang kumpanya. Hays! Bakit nga ba may mga employer na ganyan?


Hindi ko naman sinasabing mag-resign ka na, pero kung wala naman talagang growth, bakit ka mag-i-stay? Well, alam naman nating malapit na ang bigayan ng 13th month pay at Christmas bonus na maaaring dahilan ng pag-i-stay mo. Sabagay, du’n man lang ay makabawi ka, ‘di ba?


Pero beshie, bago ka pa tuluyang makapag-isip na mag-resign o magrebelde sa inyong kumpanya, narito ang ilang tips na dapat mong gawin para hindi ka makaramdam ng katamaran habang ikaw ay nagtatrabaho. Maaari mo rin itong gawin sa iyong lilipatang kumpanya:


1. LUMABAS MINSAN. Kapag nagkayayaan ang mga katrabaho mo na kumain sa labas o gumala matapos ang shift n’yo ay maaari ka ring sumama sa kanila. Mag-bonding kayo paminsan-minsan upang hindi puro trabaho ang inaatupag n’yo. Nakakatulong din ang pagkakaroon ng ka-close sa trabaho para hindi ka makaramdam ng pagkaburyo. Sa ganu’ng paraan ay may makakakuwentuhan ka at maaari rin kayong magpalitan ng ideas and experiences. Pag-usapan n’yo ‘yung bawat rants n’yo sa buhay dahil paniguradong hindi lang naman ikaw ang maraming sey.


2. SULITIN ANG BREAK TIME. Ang typical break time ay tuwing alas-10:00 hanggang alas-10:15 ng umaga, alas-12:00 hanggang ala-1:00 ng tanghali at alas-3:00 hanggang alas-3:15 ng hapon. Sa mga oras na ‘yan, dapat ay away from keyboard ka na. Maaari kang umidlip sa iyong desk, mag-mobile games, manood ng movie o series online, pumunta sa pinakamalapit na mall, mag-lunch out o umuwi kung walking distance lang ang iyong bahay. Huwag mong abusuhin ang iyong sarili na ultimo break time ay tinatrabaho mo pa rin ‘yung mga task na puwede mo namang gawin matapos ang break. Hindi ka robot, beshie. Magpahinga ka rin tuwing break.


3. MAGKAPE. Nakakabuhay ng dugo ang pag-inom ng kape kaya paniguradong mawawala ang iyong antok at katamaran habang nagtatrabaho sa oras na makainom ka nito. Pero siyempre, drink moderately. Huwag mong gawing vitamins ang kape.


4. MAGLAKAD SA HALLWAY. Ang paglalakad ay alternatibong paraan upang mawala ang iyong antok. Tiyakin lamang na hindi maya’t maya ang iyong pagtayo sa ‘yong desk upang hindi ka nila mapuna. Kung may pagkakataon ay subukan mo ring libutin ang buong building at sa oras na makasalubong mo ang iyong boss ay tiyak na mawawala talaga ang iyong antok.


5. AYUSIN ANG WORKSTATION. Nakakatulong ang pabagu-bagong ayos ng iyong desk upang ganahan ka sa pagtatrabaho. Maglagay ka rin ng salamin para ma-monitor mo ang iyong emotions. ‘Yung tipong, kahit stressed ka na, pero sa tuwing nakikita mo ang iyong mukha sa salamin ay napapangiti ka pa rin kasi, “Ang ganda mo.”


Higit sa lahat, kung gusto mo talagang ma-motivate at ma-inspire sa pagtatrabaho ay isipin mo palagi kung para kanino ka ba nagtatrabaho? Anu-ano ba ang goal mo? Pag-isipan mong maigi na sa dinami-rami ng kumpanya ay bakit d’yan mo naisip mag-apply? Balikan mo ‘yung mga sagot mo noong job interview. Paano mo ba sila nahikayat na i-hire ka kumpara sa ibang aplikante na kasabayan mo?


Ang totoo’y wala naman talagang perfect na kumpanya. Kahit ilang empleyado pa ang makausap mo mula sa iba’t ibang industriya ay pare-pareho lamang kayong may rants, kaya kahit saang kumpanya ka man mapunta ay palaging mayroon ka pa ring masasabi.

Gets mo?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page