top of page
Search

ni Mharose Almirañez | November 27, 2022


ree

What if mabigyan ka ng chance para humiling kay Santa Claus ng pangkabuhayan showcase, eternal life, time machine o love life? Ano sa mga nabanggit ang pipiliin mo? Willing ka bang gawin ang lahat para maging merry ang Christmas mo?


Una sa lahat, hindi totoo si Santa Claus. Pangalawa, masyadong out of this world ‘yung wish list mo. Let’s say, ‘yung love life ay puwede pang i-consider, pero ang tanong, ready ka na bang magmahal?


Matatandaang mga bata palang tayo ay excited na tayong mag-Pasko para irampa ang mga bagong damit papunta sa bahay nina ninang at ninong. ‘Yung tipong, may kaliwa’t kanang family reunion, Christmas party at exchange gift. As we grow older, unti-unting nawawala ‘yung excitement na ‘yun, kung saan tila hinihintay na lang natin mag-December para makatanggap ng Christmas bonus at 13th month pay.

Marahil ay nai-stress ka na sa kaiisip sa mga regalo na puwedeng ibigay ngayong Pasko. Pero don’t worry, beshy, dahil narito ang ilang regalo na hindi basta natutumbasan ng kahit anong salapi:


1. PAGMAMAHAL. Sabi nga ni Mariah Carey, “All I want for Christmas is you.” Given na mayroon kang favorite person na tanging gustong makasama sa araw ng Pasko, pero what if ikaw lang ang may favorite sa kanya? Maybe it’s time para sarili mo naman ang mahalin mo. Tumingin ka sa iba para makita mo ‘yung ibang tao na gusto ring magmahal sa ‘yo.


2. PAGPAPATAWAD. Diyos nga ay marunong magpatawad, ikaw pa kayang hamak na tao lang. Patawarin mo na kung sinuman ang nagkasala sa iyo dahil maliit lang ang mundo at ang awkward naman kung palagi kayong magdededmahan sa tuwing magkakasalubong sa daan. After all, nobody’s perfect. Tao lang, nagkakasala. Learn to forgive.


3. MALUSOG NA PANGANGATAWAN. Sabi nga nila, “Hindi bale na ang mahirap tayo, basta walang may sakit sa pamilya natin.” Ang pagiging healthy ay isang napakagandang regalo, sapagkat sa paraang ito lamang maiiwasan ang pag-aalala para sa ‘tin ng mga taong nagmamahal at nagmamalasakit. Ayaw mo naman sigurong mag-Pasko na nasa loob ng ospital ang buong pamilya mo, ‘di ba?


4. KUMPLETONG PAMILYA. Family is love, sabi nga. Iregalo mo na sa pamilya mo ‘yung pag-uwi nang maaga sa December 24 para sama-sama kayong mag-Noche Buena. Mag-stay ka na rin kinabukasan para mahaba-haba ang inyong family bonding. Tandaang isang araw lang ang Pasko at minsan lang magiging bata ang mga nakababata mong family member. Siyempre, gusto mo ring iparanas sa kanila ‘yung merry Christmas na dinanas mo noon, ‘di ba?


5. MATERYAL NA BAGAY. Tandaang kahit gaano pa kamahal ‘yung regalong ibinigay sa ‘yo ay balewala ‘yun kung hindi mo naman magagamit, sapagkat nakaratay ka sa kama. Kaya naman, ito ang dapat na nasa huli sa lahat ng regalong dapat ibigay, dahil ang materyal na bagay ay naluluma, kumukupas, nauubos at nasisira. Walang anumang materyal na bagay ang makakatumbas sa pagkakaroon ng kumpletong pamilya, malusog na pangangatawan, at kung marunong kang magmahal at magpatawad.


So, beshie, sana ay nagkaroon ka na ng ideya sa mga regalong puwedeng ibigay sa iyong mahal sa buhay. After all, ang tunay na diwa ng Pasko ay magsisimula sa ‘yo.


Okie?

 
 

ni Mharose Almirañez | November 24, 2022


ree

“DOTA o ako?” Matatandaang sumikat ang awiting ‘yan noong 2013, kung saan tinalakay sa kanta ang comparison ng girlfriend vs. online games na Defense of the Ancients o mas kilala sa DOTA—larong nakakasira ng relasyon, ‘ika nga. Makalipas ang ilang taon ay hindi na lamang DOTA ang kinahumalingan ng mga gamer dahil sa pag-usbong ng iba’t iba pang online games na puwede ring laruin via mobile.


Kamakailan ay nakilala ang Blacklist International bilang E-sports organization na nagbigay ng karangalan sa bansa dahil sa ipinamalas nilang galing sa paglalaro ng PUBG, Mobile Legends: Bang Bang, Garena Free Fire at Call of Duty. Napabalitang magkakaroon din sila ng participation sa Division I ng Dota2 Pro Circuit (DPC) sa susunod na taon.


Sadyang napakalayo na natin kumpara sa kinalakihang luksong-baka, agawan-base, tumbang-preso, piko, sipa, punumbraso, Chinese garter atbp. Bagama’t hindi na palakasan ang labanan ngayon, nasusukat naman sa talas ng isip kung paano mo didiskartehan ang pag-atake sa mga kalaban. ‘Yung tipong, kahit nakaupo ka lang ay kung saan-saang lugar ka na dinadala ng naggagandahang graphics at kung anu-anong skills na ang iyong nabu-boost.


So, if you’re wondering kung bakit maraming nahuhumaling sa online games, narito ang sagot:


1. NAKAKATANGGAL NG STRESS. Sa oras na in-game ka na ay napupunta na sa laro ang iyong focus, kaya pansamantala mong nakakalimutan ‘yung mga bagay na nakakapagpa-stress sa ‘yo. Kumbaga, dinadala ka ng laro out of this world, kung saan ang tanging goal mo ay mag-level up, ma-accomplish ang mission at madagdagan ng weapons/cosmetics.


2. NATUTUTONG MAG-MULTITASK. ‘Yung tipong, napagsasabay mo ang pagkain habang naglalaro. Pagtsa-charge ng gadgets habang naglalaro. Puwede ka ring magpabuhat sa ‘yong mga kalaro, habang inaatupag ang ibang bagay. Bukod d’yan, bumibilis din ang iyong typing speed dahil unti-unti mong nakakabisado ang bawat letra sa keyboard nang hindi tumitingin. Nagiging keyboard warrior ka, ‘ika nga.


3. NAKAKADAGDAG NG KAALAMAN SA COMPUTER. ‘Yun bang, inaaral mo na magbaklas-kabit ng computer. Gusto mong mag-upgrade nang mag-upgrade hanggang mabuo mo ‘yung gusto mong specs para hindi ka na mag-lag habang naglalaro. Darating sa punto na aaralin mo na rin kung paano ang mag-live streaming gamit ang third party software. Kumbaga, nagiging knowledgeable ka pagdating sa computer hardware and software.


4. LUMALAWAK ANG VOCABULARY. Habang naglalaro ka ay may mga maririnig at mababasa kang unfamiliar words na ru’n mo lang nalaman. Hanggang tumatak na ‘yun sa iyong kokote. Sa paglalaro, may makikilala ka ring international friends na gumagamit ng iba’t ibang lengguwahe at dialect, kaya mapapasubo ka talaga sa Google translate.


5. PUWEDENG MAGKA-DYOWA SA ONLINE GAME. Ito ‘yung may mga tinatawag na ka-duo, ka-run, ka-partner, etc. Siyempre, kapag may nakilala kang solo player, magtsi-tsikahan kayo—tapos mapapadalas ang paglalaro n’yo—hanggang magka-developan. Ang mga gamer pa naman ay may tinatawag na “eye ball”, paminsan-minsan ay nagge-get together sila para ma-meet personally ang kanilang online friends. Idagdag mo pa ‘yung Discord, kung saan hindi na lamang nagagamit bilang server ng laro kundi ginagamit na ring messaging app para makausap privately ‘yung bet niyang player. So, ‘yun na.


6. PUWEDENG KUMITA NG PERA. Mayroon ding trading na nagaganap sa online games, kung saan magpu-purchase ka ng item tapos puwede mo ring ibenta ‘yun sa ibang player. May mga pustahan ding nagaganap sa bawat laro.


Batid nating napakaraming nahuhumaling sa online gaming, gayunman, hindi ito dapat makaadikan dahil napakarami ring negative impact na maaari nitong idulot sa iyo, physically and mentally. That’s why play moderately.


Okie?

 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| November 22, 2022



ree

Karaniwang sakit ang leptospirosis tuwing tag-ulan.


Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na nakukuha mula sa ihi ng mga hayop, partikular ang mga daga, aso o mga hayop sa bukid. Ayon sa mga eksperto, bagama’t hindi nagpapakita ng leptospirosis symptoms ang mga ito, posibleng may bakterya sa katawan ang mga hayop na ito.


Bilang paglilinaw, binigyang-diin ng eksperto na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakakamatay ang leptospirosis, ngunit maaaring bumalik ang sakit kahit gumaling na ang taong tinamaan nito.


Samantala, mararamdaman ang unang senyales ng leptospirosis sa loob ng dalawang linggo mula nang magkaroon ng contact sa bakterya. Narito ang iba’t ibang sintomas:

  • Mataas na temperatura ng lagnat hanggang 40 degrees Celsius

  • Sakit sa ulo

  • Sakit sa kalamnan

  • Paninilaw ng balat at mga mata

  • Pagsusuka

  • Pagdudumi

  • Skin rashes

Paano naman gagamutin at maiiwasan ang sakit?


1. ANTIBIOTICS. Maaaring magamot ang leptospirosis sa pamamagitan ng antibiotics. Gayunman, may mga pagkakataong inirereseta ng mga doktor ang ibuprofen para sa lagnat at kirot ng kalamnan. Sa hindi malalang mga kaso, tumatagal ang sakit nang hanggang isang linggo, ngunit kung mas malala ang nararanasang mga sintomas, inirerekomendang kumonsulta sa doktor. Take note, posibleng makaranas ng kidney failure, meningitis o problema sa baga ang taong may malalang impeksyon.


2. IWASAN ANG KONTAMINADONG TUBIG. Huwag basta-bastang uminom ng tubig na galing sa gripo kung hindi siguradong malinis ito. Sey ng experts, maaaring pumasok ang leptospirosis sa body openings, kaya inirerekomenda rin na iwasang lumangoy o lumusong sa maruming tubig, partikular ang baha.


3. LUMAYO SA INFECTED NA HAYOP. Partikular ang mga daga at iba pang uri nito na pangunahing nagdadala ng bakterya. Gayundin, 20% ng mga kuneho sa kanlurang bahagi ng mundo ay posibleng nagdadala rin ng leptospirosis.


4. GUMAMIT NG BOTA ‘PAG LULUSONG SA BAHA. Huwag basta-bastang lumusong sa baha, lalo na kung may sugat sa binti at paa. Kung hindi maiiwasan, inirerekomendang gumamit ng bota dahil sa ganitong paraan, hindi papasok ang bakterya sa katawan, lalo na sa sugat sa binti o paa.


Samantala, dagdag pa ng mga eksperto, ang leptospirosis ay dala ng bacterium na tinatawag na Leptospira interrogans. Ang mga hayop na may dalang sakit ay mayroon ng naturang organism sa kanilang kidney at naipapasa sa pamamagitan ng ihi na napupunta sa tubig o lupa, at pumapasok naman ito sa mga sugat sa katawan. Gayundin, maaari itong maipasa sa ilong o bibig.


Hindi man tag-ulan, kailangan nating mag-ingat upang hindi tamaan ng naturang sakit.

Base sa datos ng Department of Health (DOH), tumaas nang 15% o katumbas ng 1,467 kaso ang naitala mula noong Enero hanggang Agosto 20, ngayong taon.


Kaya naman payo natin sa lahat, bantayan ang mga sintomas at ‘wag isawalang bahala ang anumang nararamdaman.


Gets mo?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page