ni Rensel Sabando @What's In! | Abril 21, 2024
Paano ba magpaalam?
Magpaalam sa taong naging dahilan ng bawat pagngiti mo sa umaga,
Sa taong naging sandigan mo nu’ng ayaw mo nang lumaban,
Sa taong nagpumilit itayo ka nu’ng minsang itinumba ka ng tadhana.
Paano nga ba magpaalam?
Dapat ko bang itaas ang aking kamay at iwagayway sa direksyon mo?
Dapat ba kitang yakapin at sabihing, “salamat sa lahat”
O tatalikod at lalakad palayo tulad ng ginawa mo?
Paano ba ang magpaalam?
Ang pinakamalaking tanong ay gusto ko nga bang mamaalam o gusto ko lang ipakita na kaya kong makipagsabayan?
Na kaya kong pantayan ang mga bagay na ginagawa at pinaparamdam mo,
Na kaya ko ring umarte na walang pakialam.
Ano nga ba ang totoo sa lahat ng nararamdaman at pinapakita mo?
Gulung-gulo na ‘ko,
Ang daming mga bagay na tumatakbo sa isip ko.
Ano ba ang totoo sa lahat ng ito?
Nakakatulong ba ito sa paglutas ng problema kung paano mamaalam sa iyo mahal ko?
Hindi.
Hinding-hindi, dahil sa totoo lang,
Isa lang ang alam ko,
Gusto kitang bawiin sa mundo.