top of page
Search

Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal si NCRPO Chief Debold Sinas at iba pang senior police officials dahil sa kontrobersiyal na birthday celebration.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos na magkausap sila Philippine National Police Chief P/Gen. Archie Gamboa.

Bilang presidential appointee at third level officer, kukuha naman ang Philippine National Police ng clearance mula sa Office of the President hinggil sa pagsasampa ng kasong administratibo laban kay Sinas bunsod ng paglabag umano sa quarantine rules.

Gayundin para sa mga senior police officials na dumalo sa naturang birthday celebration na presidential appointees din.

 
 

Mahigit sa P19 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng Northern Police District (NPD) sa walong indibidwal na natimbog sa buy-bust operation sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni NPD Director P/Brig. Gen. Rolando Genaro Ylagan ang mga naarestong suspek na sina Arthur Salguero, 49; Rose Cruz, 31; Ricky Nelson Cruz, 57, pawang mga residente ng Gilmar Subdivision, Bgy. 168 Deparo; Herchill Resco, 24; Jhon Dale Estorninos, 21; Joshua De Andres, 24; Albert Delema, 26, pawang residente ng Valenzuela City at Willam Tante, Jr., 39, ng Bgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.

Ayon kay Gen. Ylagan, alas-7:30 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Ramon Aquiatan, Jr, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao I, ang buy-bust operation kontra kay Salguero at mga kasama nito sa harap ng kanyang bahay sa Bgy. 168 Deparo na ginagawa umano nitong drug den.

Nang iabot ni Salguero at kanyang kasama ang isang pack ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P50,000 marked money na binubuo ng 5 pirasong P1,000 bill at 45 piraso ng boodle money, agad silang sinunggaban ng mga tauhan ni Capt. Aquiatan habang naaktuhan naman ang iba pang suspek na nagsa-shabu sa loob ng bahay.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 2.8 kilos ng shabu na may standard drug price na P19,040,000, tatlong cellphones, Toyota Vios (ALA-1169) at ilang drug paraphernalia.

Ani Gen. Ylagan, ang pagkakaaresto sa mga suspek ay resulta ng naunang operasyon na isinagawa ng DDEU noong Mayo 11 sa Sapang Saging, Bgy. 8, Julian Felipe, Caloocan City kontra sa notorious drug pusher na si Gary Villanueva at apat nitong kasama kung saan nakumpiska sa mga ito ang 70 gramo ng shabu.

 
 

Nagpalabas na ng show cause order ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa alkalde at ilang mga opisyal ng Santo Tomas, Pangasinan.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, pagpapaliwanagin si Mayor Timoteo Villar III gayundin ang iba pang mga lokal na opisyal na dumalo sa birthday party ng alkalde noong Mayo 6 sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019.

Kumalat sa social media ang mga larawan at video ng okasyon sa kabila na mahigpit na ipinagbabawal ang mass gathering at ang pagsunod sa social distancing at curfew sa panahon ng lockdown.

Isa sa naging viral ay ang mga video na naibahagi sa Facebook ni Konsehal Dickerson Villar, ang anak ng alkalde, noong Mayo 8 na nagpapakita ng "midnight harana" sa birthday celebrant. Sa isang video na na-share ng account na VDD Konstruk NSupplies, makikita na kinakamayan ni Mayor Villar ang mga bisita na halos walang distansiya sa bawat isa.

Inalis na sa Facebook ang nasabing mga video.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page