top of page
Search
  • Gina Pleñago
  • Jun 7, 2020

Simula Martes, Hunyo 9, inaasahan muli ang bigtime na dagdag-presyo sa produktong petrolyo.

Maglalaro sa P1.79 hanggang P1.90 ang dagdag sa kada litro ng gasolina.

Ang diesel naman ay nasa P1 hanggang P1.10 ang dagdag sa kada litro.

Habang ang dagdag-presyo naman sa kerosene ay mula P0.95 hanggang P1.00.

Ito na ang ikaapat na sunud-sunod na linggong may dagdag-presyo sa diesel at kerosene.

 
 

Patay ang apat na sundalo gayundin ang dalawang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaff Group (ASG) sa engkuwentro sa bayan ng Patikul, Sulu.

Nabatid mula kay Major Arvin Encinas, tagapagsalita ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines, alas-8:25 ng umaga nang makasagupa ng tropa ng 6th Special Forces Battalion ng Philippine Army ang tinatayang 40 bandido.

Tumagal ng 40 minuto ang bakbakan bago mabilis na tumakas ang mga bandido na pinamumunuan umano ng isang Hatib Hajan Sawadjaan, ang grupong itinuturong nasa likod ng ilang suicide bombings sa lalawigan.

Sinabi ni Encinas na aabot din sa 17 sundalo ang nasugatan sa labanan dahil sa magandang posisyon ng mga kalaban.

Patuloy nang tinutugis ng militar ang mga tumakas na miyembro ng ASG.

 
 
  • Maeng Santos
  • Jun 7, 2020

Tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang arestado matapos makumpiskahan ng P456,000 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan at Navotas Cities, Biyernes ng gabi.

Ayon kay Caloocan Police Chief Col. Dario Menor, alas-10:20 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni P/Capt. Joel Guimpatan ang buy- bust operation kontra kina Isagani Ancheta alyas Gani, 41, pusher, at Joseph delos Angeles alyas Payat, 27, kapwa ng Bgy. 28, sa A. Mabini St., Bgy. 33.

Agad na dinamba ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng isang sachet ng shabu si PCpl. Krimhild Mating na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska ng mga operatiba sa mga naarestong suspek ang apat na sachets na naglalaman ng nasa 60 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang nasa P408,000 standard drug price at buy-bust money.

Nauna rito, alas-6:30 ng gabi nang masakote din ng mga operatiba ng Navotas Police Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PLt. Genera Sanchez sa buy-bust operation sa Leongson St., Bgy. San Roque, Navotas City si Wilfredo Pascual alyas Boyet, 58, painter, ng Bgy. San Roque.

Ani Navotas Police Chief Col. Rolando Balasabas, narekober ng mga operatiba kay Pascual ang 27 sachets na naglalaman ng nasa 7.2 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P48,960 at P500 buy-bust money.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page