top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Oct. 11, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Hiwalay ako sa asawa ko at may dalawa kaming anak. Sa ngayon ay may nanliligaw sa akin na hiwalay din sa kanyang asawa. Kahit na mahal ko siya, natatakot at nag-aalinlangan pa rin akong sagutin siya, dahil baka maulit na naman ‘yung nangyari sa una kong asawa, na naging babaero, lasinggero at ang mas masakit pa ay madalas na akong pagbuhatan ng kamay. Kaya naman, ‘yun din ang dahilan kung bakit ‘di na ko nagdalawang isip pa na layasan ang una kong asawa. 

  2. Maestro, kung saka-sakaling sagutin ko na ang manliligaw ko, magiging successful na kaya ang ikalawa kong pag-aasawa? 

 

KASAGUTAN

  1. Kung mas iisipin mo ang takot, mapait at malungkot na nakaraan mo, paano ka makaka-move on? Kung ‘yun lang lagi ang iisipin mo, paano ka magkakaroon ng masayang buhay, lalo na sa larangan ng pagpapamilya? 

  2. Oo, sabihin na nating may dalawa kang anak ngayon, pero paano kapag nag-asawa na rin sila at nagkaroon ng sariling pamilya? Minsan, sa tuwing nagkakaroon tayo ng mapait na karanasan, nananatili ito sa ating memorya at ilang taon pa bago ito tuluyang mabura, idagdag mo pa na naru’n na rin ang trauma at mapait na karanasan na siyang nagdudulot sa atin ng takot para hindi na kumilos pa.

  3. Kaya nga napakahalaga na marunong kang magbasa ng guhit ng palad, upang matiyak mo kung mauulit pa ba, o hindi na ang nakaraang mapait na karanasan ng isang indibidwal na tulad mo. 

  4. Sa kaso mo, kapansin-pansing may malinaw at magandang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, tiyak na ang magaganap, ang ikalawa at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) ang mananaig. Kaya naman, may pangako ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya sa iyo na kinumpirma ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) na nakatungtong sa Bundok ng Ligaya (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagsasabing nabigo ka man at lumuha sa unang pag-aasawa, tiyak na sa ikalawang pag-aasawa, makakaranas ka na ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


DAPAT GAWIN

Habang ayon sa iyong mga datos, Issay, mas mananaig ang ikalawang mas magandang Marriage Line (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad kesa sa (arrow a.), ito ay maliwanag na tanda na sa iyong ikalawang pag-aasawa, hatid ng kasalukuyan mong manliligaw, habambuhay ka nang liligaya na nakatakdang mangyari sa susunod na taon, sa edad mong 33 pataas.




 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Oct. 5, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Seventeen years old ako nang mawala ang aking pagkababae sanhi ng pagiging mapusok namin ng boyfriend ko, pero nang lumaon ay nagkahiwalay din kami. Mula noon, nawalan na ako ng tiwala sa mga lalaki, pero kahit na ganu’n, nagka-boyfriend pa rin ako. Hindi na para umibig, kundi para maghiganti. 

  2. Maraming beses ko ring naibigay ang aking pagkababae, at pagtapos nu’n ay agad ko silang nilalayuan, hinahabol nila ako, at may iba pa na umiiyak talaga dahil sobra nila akong minahal.

  3. Sa ngayon, dalawa ang boyfriend ko. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung sino sa kanilang dalawa ang dapat kong seryosohin. Sa edad kong 23, sawa na ako sa pagkadalaga at gusto ko nang mag-asawa at magkaroon ng pamilya.

  4. Subalit ang pangamba ko ay baka hindi rin ako seryosohin ng dalawa kong bf dahil hindi na ako virgin nang makuha nila ako. Sa inyong palagay, Maestro, sa panahon ngayon, may mga lalaki pa bang nagpapahalaga sa virginity ng isang babae?

  5. Sa nakikita n’yo sa aking mga palad, may maligaya bang pag-aasawa na mangyayari kahit na maraming lalaki akong pinaluha at pinaglaruan?


KASAGUTAN

  1. Sa totoo lang, hindi rin masasabing pinaglaruan, pinaasa at pinatikim mo ang mga lalaking nakarelasyon mo. Sa halip, hindi lang ikaw ang naglaro dahil pati sila ay ganundin. 

  2. Samantala, kapansin-pansing matapos mawasak at masira nang tuluyan ang Venus Line (Drawing A. at B. V-V) na tinatawag ding Guhit ng Kamunduhan (arrow a.), kasabay nitong nagkabilog at nagkalagut-lagot ang ilang mahahalagang bahagi ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Tanda na matapos mawala ang iyong virginity, tulad ng iyong ginawa at hinayaang mangyari, kasunod ng pagkasira ng puri, ang puso at damdamin mo naman ang hinayaan mong malunod sa mundo nang ka-immoralan at kawalan ng pagpapahalaga sa iyong pagkababae. 

  4. Sa bandang huli, tulad ng iyong inaasahan, ang nagulo at nabiyak na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing may lalaki mang magpakasal at umibig sa iyo, sa pagkawasak ng pamilya at paghihiwalay din hahantong ang lahat. Ang magiging bunga ng inyong pagmamahalan o ang iyong mga magiging anak ay makararanas ng wasak o broken family.


DAPAT GAWIN

Samantala, mabuti na lang may ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2- M arrow d.) na umusbong, at namataan sa kaliwa at kanan mong palad, na nagsasabing sa bandang huli, matapos kang pagsawaan at anakan ng kung sinu-sinong lalaki, sa taong 2028, makakatagpo at makakasumpong ka rin ng isang tapat at mapa-mahal na lalaki na nagtataglay ng zodiac sign na Gemini.  Kung saan,  sa kabila ng may mga anak ka na sa pagkadalaga, mamahalin ka niya nang tapat at lubusan, upang sa nasabing panahon, sa edad mong 27 pa taas, siya na rin ang mapapangasawa at makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.







 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | Oct. 1, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Wala akong ibang mapaglibangan ngayon kundi ang Facebook, at kapag may free-time naman ako nagti-TikTok din ako. Hiwalay na kami ng asawa ko, pero aaminin ko hanggang ngayon ay mahal na mahal ko pa rin siya. Kaya lang, ano pa ang magagawa ko? Mula nang mag-abroad siya, umuwi lang siya ng isang beses sa amin, at simula nu’n ay ‘di na siya nagparamdam. Ang huli kong balita sa kanya ay nasa ibang bansa pa siya kasama ang kanyang babae.

  2. Noong una, masakit talaga pero katagalan ay unti-unti ko ring natanggap na minalas ako sa pag-aasawa. Isa pa, naisip ko rin na kung hindi na talaga siya maligaya sa akin, at hindi na niya ako mahal, wala naman akong magagawa.

  3. May trabaho naman ako ngayon, kaya wala na akong pakialam sa kanya dahil kaya ko namang buhayin ang sarili ko at ang dalawa naming anak. Kumbaga, tanggap ko na ang nangyari sa aking kapalaran, at isa na lang talaga ang pinoproblema ko, kung paano ko titiisin ang kalungkutan sa tuwing sumasagi sa isip ko ang pangungulila o pag-iisa.

  4. Sa edad kong 33, alam kong kaya ko pang mag-asawa at makatagpo ng lalaking magmamahal sa akin. Pero sa pagkakataong ito, hindi na ako dapat pang magkamali. Kaya Maestro, naisip kong ikaw lang ang makakatulong sa akin upang malaman kung ano ba talaga ang aking magiging kapalaran at paano ko matatagpuan ang lalaking magmamahal sa akin nang tapat at makakasama ko habambuhay? Sana ay matulungan mo ako upang magkaroon din ako ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya. 

 

KASAGUTAN

  1. Tama lang na buksan mong muli ang iyong puso, umibig kang muli at magmahal. Sa ganyang paraan lamang, muli mong mapipitas ang ligayang hindi naipalasap sa iyo ng mister mong nasa piling na ngayon ng ibang kandungan.

  2. Sapagkat ayon sa guhit ng iyong palad, tiyak ang magaganap – makakasumpong ka pa rin ng karapat-dapat na lalaki na inilaan sa iyo ng kapalaran, na siya rin namang nais sabihin ng ikalawa at mas malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Ito ay tanda na ang dating kabiguan sa pag-aasawa ay hindi na mauulit, upang sa ikalawang pakikipagrelasyon, mapatunayan ang tunay at talagang dapat mangyari sa mga katulad mong lumalaban at nakatanggap ng reyalidad ng buhay. 


MGA DAPAT GAWIN

  1. Tunay ngang may rason, Janna, upang muling magmahal at umibig dahil hindi ka nilikha para malungkot, gayundin, hindi ka nabubuhay ngayon para mangulila at manghinayang sa mga nagdaang kabiguan at pagkakamali sa una mong pag-aasawa, bagkus, nilikha ka upang lumigaya.

  2. Gawin mo na ngayon at magagawa mo naman talaga— muli kang umibig at magmahal kung saan ayon sa iyong mga datos, nakatakda mong matagpuan ang ikalawang lalaking makakasama mo isang maligaya at panghabambuhay na pamilya sa susunod na taong 2025, sa buwan ng Mayo o Oktubre, sa edad mong 34 pataas, muli kang magmamahal at habambuhay nang liligaya, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra.






 
 
RECOMMENDED
bottom of page