Maestro Honorio Ong
Katanungan
Nang magpa-check-up ako, may nakitang cyst sa breast ko at sabi ng doktor ay dapat na akong maoperhan para ma-biopsy kung ito ay pangkaraniwang bukol lang o cancerous. Kaya lang, hindi na ako natuloy magpa-check-up ulit dahil sa lockdown, pero tumawag ako sa doktor at sinabi niyang pagkatapos ng lockdown niya i-schedule ang operation.
Medyo naguguluhan at nag-aalala ako dahil may dalawa po akong anak sa pagkadalaga, kaya paano na lang sila kapag nawala ako?
Sana malaman ko sa pamamagitan ng guhit ng aking mga palad kung mabubuhay pa ako nang matagal at kapag inoperahan ang cyst ko pagkatapos ng lockdown, magiging okey na kaya ulit ang lahat?
Kasagutan
Sabi sa awiting pang-simbahan, minsan ka lang dadaan sa mundong ito at sa pagdaan mo, gawin mo ang pinakamabuting magagawa mo dahil hindi ka na muli pang dadaan sa dating nilakaran mo. Sa panahon ngayong may COVID-19 at walang nakatitiyak kung ano ang haharapin nating bukas, sadyang mababalisa ka dahil sa kabila ng magulong pangyayari sa ating kapalgiran, wala tayong magagawa dahil hindi natin kontrolado ang mga bagay na ‘yan. Kaya wala tayong ibang dapat gawin kundi gumawa ng kabutihan sa ating kapwa, lalo na sa taong malalapit sa atin at ganundin sa mga higit na nangangailangan. Sa ganitong paraan, maaaring humaba at higit na magkaroon ng kabuluhan ang buhay natin sa mundong ito. Isipin mo, kung hindi ka gagawa ng kabutihan ngayon sa iyong pamilya, kaibigan at kapwa, kailan pa?
Kaya tuwing bababa ako ng computer room at nakita kong naglalaro si Regine Katherine sa salas, mahigpit ko siyang niyayakap at sinasabihang “Love ka ni Papa, anak,” ganundin ang ginagawa ko sa bunso naming si Jesse James kapag nakikita kong naglalaro ng tau-tauhan, niyayakap ko siya nang magpit at sinasabihang “Mahal ka ni papa, anak!” Habang tuwing Linggo naman, kapag magkakasama kami ni Jacob Renz at Jesus King ay namamasyal at namimitas kami ng mangga sa bukid. Sa gabi, habang magkatabi sa higaan, bago matulog ay yayakapin ko nang mahigpit si Winnie my love at bubulungang “Salamat, Mahal... I love you so much!”
Kahit gaano kaliit na kabutihang nagagawa mo sa iyong pamilya, hahanap-hanapin nila ang iyong presensya kapag nawala ka na dahil kahit maikli lamang ang buhay, masasabing inukol mo ito sa kabutihan at pagmamahal sa iyong mga kaibigan, kakilala, kapus-palad at sa iyong pamilya.
Sa totoo lang, hindi mo dapat hintaying magka-Covid-19 o taningan ka ng mga doktor upang gawin ang pinakamabuting magagawa mo sa iyong kapwa ngayon. Dahil may taning man o wala ang buhay mo, responsibilidad mong gumawa ng kabutihan sa iyong kapwa, lalo na sa iyong pamilya.
Samantala, Ms. Lonely, wala kang dapat ikatakot at ipag-aalala dahil kapansin-pansing malinaw pa, hindi naputol at napalinghado, ngunit medyo nagkabilog ang mahabang Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit may cyst ka pa sa dibdib at ito ay iyong paoperahan, tulad ng nasabi na, wala kang dapat ikatakot, sa halip, tulad ng pangkaraniwang bukol na madalas matagpuan sa dibdib ng mga babae, ang magandang Life Line (L-L arrow a.) ay sinuportahan ng maayos na Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b) at Heart Line (h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kinumpirma rin ito ng masigla mo pang lagda na nagsasabing anuman ang maganap, hahaba pa ang iyong buhay at makikita mo pang makakapagtapos ng college ang iyong mga anak hanggang sila ay magkaroon na ng pamilya.
Mga Dapat Gawin
Sa totoo lang, wala namang makapagsasabi kung kailan mamamatay ang tao, pero ngayon pa lang ay matutukoy mo na kung kailan ka dapat gumawa ng kabutihan, hindi lamang sa iyong pamilya kundi sa bawat tao na nakakasalamuha mo araw-araw sa maikling buhay natin sa mundong ito.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Ms. Lonely, hindi ka dapat kabahan o matakot sa kasalukuyan mong kalagayan dahil hindi pa lumabo, naputol o nalatid ang iyong Life Line (arrow a.). Ibig sabihin, hindi ka pa mamamatay, bagkus, hahaba pa ang buhay mo hanggang sa makita mo pa ang iyong mga apo na masayang naghahabulan sa inyong bahay.