top of page
Search

Katanungan

  1. Balak naming magnegosyo ng mister ko kaya naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung papalarin ba kami sa negosyong bigasan sa public market? Ito ang balak naming negosyo. Susuwertehin kaya kami rito?

  2. Gusto kong yumaman dahil halos pitong taon din ako abroad, pero hindi naman ako yumaman. May konti akong naipon at ito ang balak kong gawing puhunan.

  3. Ano sa palagay n’yo, mag-click kaya ang negosyong ito at anong buwan ngayong 2020 ako dapat magsimula?

Kasagutan

  1. Nakatutuwang makitang may makapal, malinaw at tuwid na Business Line (Drawing A. at B. N-N arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagpapahiwatig na kaunting sinop at tiyaga lang sa napili mong kalakal o negosyo, tiyak ang magaganap, sa loob ng tatlong taong singkad na pagtitinda, mabilis na uunlad ang iyong kabuhayan hanggang sa madoble ang iyong puhunan at kasabay nito, tuluy-tuloy ka nang uunlad at sa pag-unlad ng iyong tindahan, magagawa mo pang paramihin ang sangay ng iyong negosyo sa iba’t ibang kalapit na public market hanggang sa matupad sa iyong tadhana ang birth date mong 5 at destiny number na 8 kung saan ang mga numerong ito ang naghahayag na patuloy na darami ang iyong puwesto sa iba’t ibang lugar hanggang sa tuluy-tuloy ka nang yumaman.

  2. Ang pag-aanalisang yayaman ka sa pagtitinda at pagro-rolling ng iba’t ibang uri ng mga produktong butil at pagkain na sa pinakarurok ng iyong tagumpay ay bukod sa darami ang iyong puwesto ay makapagpapatayo ka pa ng malaki at sarili mong grocery hanggang sa maging supermarket ay madali namang kinumpirma ng maikli at tuwid na Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad at ng buhay at malaking nunal sa kanang bahagi ng iyong pisngi.

Ito ay tanda na sa sandaling nakatikim kang magnegosyo at tumiba ng malaking tubo, lalo kang gaganahang magpatuloy kapag nagpakasipag at nagsinop ng kabuhayan hanggang sa bandang huli ay labis mong pahalagahan ang oras, produkto at salapi. At sa rurok ng iyong tagumpay, matitiyak ang iyong pagyaman dahil sa sobrang pagmamahal sa pera at materyal na bagay.

Sa puntong ito ng iyong buhay, matututunan mo ang pinakadakilang sikreto o lihim ng pagyaman — ipon lang nang ipon at hindi ginagasta ang tubo sa mga walang kapararakang bagay at dahil ipon nang ipon at hindi gumagasta, darating ang panahong lalo ka pang yayaman.

Mga Dapat Gawin

  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Carmela, tulad ng nasabi na, sa susunod pang mga taon, sa sandaling sinimulan mo na ang iyong negosyo sa buwan ng Abril o Mayo, nakaguhit na sa kaliwa at kanan mong palad ang pagyaman habang ang pangalawang assignment mo ay ang pagpapanatili ng iyong tagumpay.

  2. Sundin mo lang ang mga simpleng rekomendasyong binanggit na sa itaas — mamuhay nang simple, pero ipon nang ipon at hindi ginagasta ang puhunan at tubo sa walang kabuluhang mga bagay, sa halip, patuloy mo itong ipuhunan, paikutin at palaguin. Sa ganyang paraan, tiyak ang magaganap, mapananatili mo ang kasaganahang pangmateryal at habang lumalaon, lalo ka pang yayaman.

 
 

KATANUNGAN 1. May asawa na ako, pero nililigawan ako ng kasamahan ko sa trabaho. May asawa na rin siya, pero parang napalalapit na rin ang loob ko sa kanya dahil araw-araw ko siyang nakikita at nakakasalo sa pagkain. Posible bang may mabuong relasyon sa aming dalawa?

2. Minsan, para makaiwas sa tukso, iniisip kong mag-resign na lang, pero hindi puwede dahil pakiramdam ko ay unti-unti nang naglalapit ang damdamin namin sa isa’t isa.

3. Natatakot din ako sa posibleng mangyari, isang beses kasi, nag-date na kami, pero wala pa namang nangyari dahil kumain lang kami tapos umuwi na. KASAGUTAN 1. Kung araw-araw mong nakikita ang babae o lalaki na kasamahan mo sa trabaho, tapos caring at napaka-gentleman pa, malamang ay mahulog na nang tuluyan ang loob mo sa kanya. Siyempre, ‘yung kunwaring pagkakaibigan lang sa simula ay maaaring humantong sa mainit at romantikong relasyon.

2. Maaaring ganu’n ang mangyari sapagkat ito rin naman ang nais sabihin ng mabilis na sumikad pahaba na Guhit ng Fling na Relasyon (Drawing A. at B. f-f arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, may panahon sa iyong buhay na magkakaroon ka ng illicit love affair, kaya ngayon, nasa bingit ka ng pagkahulog sa tukso na kapag hindi ka nag-ingat at umiwas, pansamantala kang magkakasala sa iyong pamilya at asawa.

3. Tulad ng inaasahan, ngayong 2020, mapapalautan ang iyong damdamin, mahuhulog ka sa bawal na relasyon, pero nakakikilig at masarap, sa isa ring kasamahan mo sa trabaho kung saan bagama’t, ganu’n ang mangyayari, ang ikinaganda pa rin ng mga magaganap ay nagkataong iisa lang ang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

4. Dahil iisa lang ang nasabing Marriage Line (1-M arrow b.), ito ay tanda na kahit magkaroon kayo ng ugnayang pisikal at pang-emosyunal ng kasalukuyan mong kasamahan sa trabaho, wala namang magiging epekto ang illicit love affair na nabanggit sa iyong pamilya dahil ang relasyon n’yo ni mister o ng iyong pamilya ay mananatiling buo at maligaya. MGA DAPAT GAWIN 1. Minsan, biglang dumarating ang tukso kung saan madalas, sinusubukan nating iwasan, pero dahil masarap at masaya, napakahirap iwasan. Ganu’n ang nakatakdang mangyari kung saan ayon sa iyong mga datos, Jasmin, tiyak ang magaganap, bagama’t, mahihirapan kang iwasan ang lalaking ito, darating ang panahong magkakasala ka sa iyong asawa at pamilya.

2. Gayunman, sadyang mapalad ka pa rin kaysa sa iba sapagkat tulad ng nasabi na, anumang lihim at lihis sa kabutihang-asal na relasyon ang mapasukan mo, ito ay hindi magtatagal at sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, ang immoral na relasyong ito ay lilipas din upang paglipas ng nasabing panahon ng kahangalan ng damdamin, kusa nang babalik sa katinuan ang lahat — mananatili at mamamalagi pa rin ang buo at maligayang pamilya habambuhay.

 
 

Katanungan

  1. Gustung-gusto kong makapag-abroad upang makatulong sa aking pamilya kaya sinubukan ko nang mag-apply bilang DH. Matagal na akong naghihintay ng tawag ng agency na pinag-apply-an ko, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tinatawagan.

  2. Hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa kaya patuloy akong nagpa-follow-up ng aking mga papeles.

  3. Sa unang pagtatangka kong ito na makapagtrabaho sa ibang bansa, matutuloy ba ako? Kung oo, kailan kaya ito?

Kasagutan

  1. Mas malamang na matutupad na ang iyong pangarap na makapangibang-bansa dahil kapansin-pansing may maganda at maaliwalas na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay malinaw na tanda na kung itutuloy mo ang pangungulit sa kapalaran o magsisikap kang mag-follow-up sa iyong pag-a-apply, walang duda, matutuloy ka rin sa pangingibang-bansa sa takdang panahong inilaan ng tadhana.

  2. Sa kabilang banda, maaaring kaya hindi ka pa tinatawagan ay dahil kulang ka lang sa follow-up o pangungulit sa agency o sa panahong ito, hindi pa ‘yun ang itinakdang sandali ng kapalaran upang ikaw ay makapag-abroad.

  3. Ngunit, tulad ng nasabi na, sa pagdi-DH, sa isa ring bansa sa Asia, tiyak ang magaganap, ‘wag ka lang maiinip at susuko, sa halip ay maghintay-hintay ka lang, darating ang panahon na matutuloy ka at may maluwalhating pag-a-abroad na itatala sa iyong karanasan.

Dapat Gawin Ayon sa iyong mga datos, Karen, tiyak ang magaganap, sa kalagitnaang bahagi ng taong ito, magaganap ang maaliwalas at malinaw na Travel Line (t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, sa nasabing panahon sa buwan ng Hunyo o Hulyo, sa edad mong 34 pataas, hindi na mapipigilan pa dahil may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page