Super-in love sa BF at ‘di kering magmahal ng iba, magkakatuluyan pa rin dahil hiwalay na sa legal w
- Maestro Honorio Ong
- May 15, 2020

Katanungan
May boyfriend ako, kaya lang, may asawa na siya. Mahal na mahal ko siya, pero nang malaman ng mga magulang ko na may asawa na siya, tumutol sila kahit na ipinaliwanag ko sa kanila na matagal na siyang hiwalay sa kanyang asawa.
Ano ang dapat kong gawin? Ano ang nakaguhit sa aking palad, siya na ba ang nakatakda sa akin kahit na tumutol pa ang aking mga magulang o may darating pang ibang lalaki na binata?
Kahit may dumating na iba, parang hindi ko magugustuhan dahil ang lalaking ito ang kumumpleto sa buhay ko at mahal na mahal ko siya dahil dama kong siya ang pangarap kong makasama habambuhay, gayundin, napakabait at thoughtful niya.
Kasagutan
Sa pag-ibig, hindi maiiwasan na kung minsan ay mapagbiro ang tadhana, higit lalo sa panahong nai-in love tayo sa babae o lalaking may asawa na. Ang masakit pa nito, kadalasan ay alam mo nang mali ang ginagawa mo, nand’yan ka pa rin, nagtiiis na kinakabahan, pero arya ka pa rin nang arya at hinahayaan mo pa rin ang iyong sarili na mahalin ang lalaki o babae na hindi karapat-dapat.
Samantala, napansin mo bang may island o bilog sa simulang bahagi ng Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad? Ito ay tanda sa simula pa lamang ng iyong pakikipagrelasyon, mapupuno na ito ng intriga at problema. Subalit kahit ganu’n ang sitwasyon, dahil nananatili namang tuwid, makapal at malinaw ang kaisa-isa Marriage Line (1-M arrow a.), tiyak ang magaganap, tutol man ang mga magulang mo at kahit sabihin pa ng iba na ikaw ay number two o kabit, ang takdang kapalaran pa rin ang matutupad at huhusga – kasal man o hindi, kayo ang masasama habambuhay, bilang illegal pero masaya at okey na mag-asawa dahil tulad ng sinasabi mo, hiwalay na siya sa kanyang asawa at maaaring may iba na ring pamilya ang legal wife niya.
Mga Dapat Gawin
Minsan kahit sabihin mo pang matino kang tao, mabuti at pilit na umiiwas sa kaimoralan, hindi maiiwasang dumaan sa iyong buhay ang damdamin na kung tawagin ay balighong pag-ibig.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Glenda, sa umpisa lang magiging magulo ang inyong relasyon – maaaring sa una o ikalawang taon hanggang sa unti-uting matatanggap na rin ng iyong mga magulang mo at pamilya ang sinapit mong kapalaran. Kahit sabihin pang ang napangasawa mo ay dati nang may asawa, hindi magbabago ang nakatakda dahil makararanas ka pa rin ng masaya at panghabambuhay na pagpapamilya.






