top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 17, 2024



Dear Maestro, 


Gusto kong malaman kung ka-compatible ko ba ang live-in partner ko. Madalas na kaming mag-away, iniisip ko tuloy na baka may iba na siyang babae, kaya palagi niya akong inaaway. Tama ba ang hinala ko na may iba na siya, kaya parang nagbago na ang pagtingin niya sa akin? 


Isinilang ako noong July 2, 1992, habang ang ka-live-in ko ay isinilang noong October 9, 1989. 


Maestro, compatible ba kami? Siya na rin kaya ang makakatuluyan at makakasama ko habambuhay?

Umaasa,

Alicia ng Balite, Rodriquez, Rizal



Dear Alicia,


May babae man o wala ang kasalukuyan mong live-in partner, maaari ngang hindi rin magtagal ang inyong relasyon, sapagkat ang zodiac sign mong Cancer ay hindi naman compatible sa zodiac sign niyang Libra. 


Ang Cancer ay under sa elementong tubig, habang ang Libra ay under sa elementong hangin, ibig sabihin, sa pagsasama ng hangin at tubig ay walang mangyayaring mainit na relasyon at panghabambuhay na pag-iibigan. 


Habang sa Numerology, ang birth date mong 2 ay hindi rin gaanong angkop o tugma sa birth date na 9 ng iyong live-in partner. Ibig sabihin, sa halip na iniisip mong magtatagal pa ang inyong relasyon, ang mas maganda, ngayon pa lang ay paghandaan mo na ang inyong paghihiwalay. Sa ganyang paraan, kapag naganap na ang nasabing negatibong senaryo, hindi ka gaanong malulungkot, masasaktan at manghihinayang. 


Sa susunod na pag-ibig, maghanap ka ng lalaking ka-compatible mo, sila ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Pisces, Scorpio, Capricorn at kapwa mo Cancer, na may birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19 at 28. Sa piling ng nasabing mga lalaki, may pangako ng isang maligaya at panghabambuhay na relasyon. 


Tulad ng naipaliwanag sa itaas, kung natatabangan na sa iyo ang kasalukuyan mong partner, tanungin mo siya kung ayaw na niya sa iyo at kung ‘oo’ ang kanyang sagot, palayain mo na siya upang ikaw ay makalaya na rin sa relasyong hindi naman kayo compatible at hindi naman kayo kapwa magiging maligaya. 


Dapat hangga’t maaga ay magkalinawan na kayo nang sa gayun, habang wala pa kayong anak, mas mainam nang matapos ang inyong relasyon kaysa naman kapag may anak na kayo ay saka pa kayo maghihiwalay. 


Tandaan mo, hindi mo siya ka-compatible, kaya hindi rin magtatagal ang kasalukuyan n’yong relasyon na nakatakdang matapos sa taon ding ito, at sa pagsapit ng taong 2025, sa buwan ng Mayo, sa edad mong 33 pataas, lulutang at darating ang ikalawang lalaki sa iyong karanasan na siya na ngang nakatakda mong makasama sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya, ang nasabing lalaki ay nagtataglay ng zodiac sign na Scorpio.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 16, 2024



Dear Maestro,


Matagal na akong sumusubaybay sa mga artikulo n’yo, pero naguguluhan pa rin ako, lalo na sa Numerology. 


Gusto ko lang malaman kung paano ba malalaman na strong o weak ang isang tao, sa destiny number ba o sa birth date? 


Isinilang ako noong July 2, 1997,  hindi ko tiyak sa sarili ko kung isa ba akong strong number, kasi ang birth date ko ay 2, na isang “weak number”, at ang destiny number ko naman ay 8 na isang “strong number”. 


Alin ba ang masuwerteng numero na dapat kong gamitin?

Umaasa,

Mhelay ng Dagang, Paracale, Camarines Norte



Dear Mhelay,

Siyempre sa simula wala ka munang pagbabatayan kung “weak number or weak personality” ka ba, o “strong number or strong personality” ka.


Oo, wala ka munang pagbabatayan sa katulad ng iyong sitwasyon na may weak birth date na 2, at may strong destiny number na 8, mula sa birthday mong July 2, 1997 na ganito kinokompyut: 7+2+1997=2006/ 20+06=26/ 2+6=8.  


Uulitin ko, wala ka munang pagbabatayan, sa halip pakiramdaman mo muna ang iyong sarili o analisahin mo muna ang iyong pagkatao sa pamamagitan ng mga sumusunod na tanong:


Una, ikaw ba ay dominanteng kaibigan o gusto mo ikaw lagi ang nasusunod? O baka naman ikaw ay mapagpaubaya, at hinahayaan mo lang ang mga kaibigan mo ang nasusunod?


Pangalawa, ikaw ba ay mahilig sa kulay na pula, itim, berde, pink, at iba pang mapupusyaw at matitingkad na kulay?


Pangatlo, sinu-sino ang mga kaibigan mo? Mas marami ba sa kanila ang weak o strong number?


Sa tatlong simpleng katanungan, doon mo matutuklasan at malalaman kung ano ang namamayani sa iyong pagkatao, ang weak birth date mo bang 2, o ang strong destiny number mong 8.


Base naman sa tanong mo kung ano ang mas masuwerte ang weak number mo bang 2, o ang strong number mong 8, depende iyon sa suwerteng gusto mong makamit o mangyari sa buhay mo. Halimbawa, kung suwerteng pampulitika ang pag-uusapan, mas maganda ang weak number na 2, pero kung pagyaman naman ang gusto mo na may kahalong kalungkutan, mas maganda ang strong number na 8.


Samakatuwid, ang pagpili sa isang numero ay depende pa rin sa gusto ng isang tao kung ano ang gusto niyang maging paglaki niya, at ano ba ang gusto niyang mangyari sa kanyang buhay. Sapagkat doon nakabatay ang suwerte o numerong mga dapat mong piliin at gamitin sa buhay.


Kapag pera ang gusto mo, pero medyo malungkot piliin mo ang numerong 8. 

Samantala, kapag politika o pagsikat na itataas ka sa pedestal ng karangalan, piliin mo ang numerong 2 at 7, kapag bet mo naman ang sports, competition at mga pakikipagsapalaran piliin mo ang numerong 9, na kaakibat ang planetang Mars.


At tulad ng nasabi na, depende sa gusto mong gawin sa buhay mo ang idudulot sa iyong enerhiya, suwerte o tadhana ng numerong mula 1 hanggang 9.


Ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran, anumang numero ang mamayani sa iyo, sa taong 2025 hindi na mapipigil at mapapasubalian ang nakatakda, sa nasabing panahon sa edad mong 28 pataas, magsisimula nang dumating sa iyong kapalaran ang maraming suwerte at magandang oportunidad sa lahat ng aspeto ng iyong buhay, lalo na sa larangan ng pagsikat, pag-ibig at materyal na mga bagay hanggang sa yumaman ka.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | September 14, 2024



Dear Maestro,


Noong Mayo, nag-a-apply ako sa abroad bilang domestic helper o DH. Dati na akong nakapag-abroad, pero hindi ako pinalad. 


Ngayon, balak ko muling mangibang-bansa patungong Singapore, dahil nandu’n ang pinsan ko at handa niya umano akong tulungan kapag nandu’n na ako. 


Nais ko lang malaman kung sakaling matuloy ang pag-a-apply ko, papalarin na kaya ako sa ikalawang pagkakataon? Kung saka-sakali, kailan kaya ako matutuloy at kaya ba talaga akong tulungan ng pinsan ko kung halimbawang nasa Singapore na ako?

Ang birthday ko ay June 13, 1990.


Umaasa,

Camille ng Silangan, Cubao, Quezon City



Dear Camille,


Ayon sa birth date mong 13 o 4 (ang 13 ay 1+3=4) sa destiny number na 2 (6+13+1990=2009/ 20+09=29/ 2+9=11/ 1+1=2) tunay ngang sa ikalawang pagkakataon, susuwertehin ka na sa pangingibang-bansa, higit lalo kung ang pinsan mo na nangakong tutulong sa iyo na nasa Singapore ay katugma at ka-compatible mo. Kung saan, sila ang mga indibidwal na nagtataglay ng zodiac sign na Aquarius, Gemini, o kapwa mo Libra, pero mas maganda kung nagkataon o natapatq ang birth date niya sa 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 8, 17 at 26.


Sa sandaling ganyan na ang nangyari, sa ikalawang pangingibang-bansa, tiyak na susuwertehin, magtatagumpay, uunlad, aasenso at magiging maligaya ka.

Ibig sabihin, suwerte ka sa mga numerong may sumatotal na 7, 1 at 8, tulad ng 16, 25, 34, 43, 10, 19, 28, 37, 46, 17, 26, 35, 44 at iba pang kauri nito, ganundin sa mga numerong 7, 13, 28, 34, 43 at 44.


Dagdag pa rito, isang lalaking isinilang sa buwan ng December na may birth date na 5, 14, 22 o 28, ang tutulong sa iyo upang tuluy-tuloy ka pang magtagumpay sa pangingibang-bansa at sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.


Mapalad ka naman sa mga kulay na dilaw, berde, pula at asul, lalo na sa mga petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 3, 12, 21, 30, 9, 18 at 27, higit lalo kapag ang petsang ‘yan ay natapat sa mga araw ng Linggo, Lunes, Huwebes at Biyernes. Kusa namang iigting ang mabuti mong kapalaran mula sa ika-19 ng Hunyo hanggang ika-27 ng Hulyo, ika-19 ng Oktubre hanggang ika-21 ng Nobyembre at ika-19 ng Pebrero hanggang ika-27 ng Marso.


Ayon sa iyong Travel Calendar, ‘wag ka na magdalawang isip pa, sapagkat tiyak ang magaganap kahit marami pang pagsubok ang dumating sa buhay mo, walang sablay, sa taon ding ito ng 2024, sa buwan ng Oktubre, sa edad mong 34 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page