top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 6, 2024



Dear Maestro,


May boyfriend ako dati, pero nauwi rin sa hiwalayan ang aming relasyon. Itatanong ko lang sana kung may chance pa kaya kaming magkabalikan? Nalaman niya kasing nagdadalantao ako, at ‘yun ang dahilan kung bakit kami naghiwalay. Sa ngayon, nandito pa ako sa bahay ng bestfriend ko. Hindi ko rin kasi alam kung paano ko sasabihin sa mga magulang ko ang aking pagdadalantao. Hanggang ngayon, umaasa pa rin ako na sana isang araw ay matauhan ang boyfriend ko, at agad akong balikan. Dalawang buwan na rin kaming hindi nag-uusap. Maestro, babalikan pa kaya niya ako? Ang birthday ko ay October 4, 1999, habang January 28, 2000 naman ang birthday ng boyfriend ko.


Umaasa,Aya ng Santa Inez, Tanay, Rizal


Dear Aya,


Tama ang pakiramdam mo, dahil sadyang compatible ang zodiac sign mong Libra sa zodiac sign niyang Aquarius, dahil ang Aquarius at Libra ay nagtataglay ng iisang elemento – ang air o hangin.


Gayundin ang kinalabasan ng pagsusuri sa Numerology. Kung saan, ang birth date mong 4, at 28 o 1  (2+8=10/ 1+0=1) naman ng boyfriend mo ay nagsasabing kapwa kayo pinaghaharian ng planetang Uranus at Sun.


Ibig sabihin, hindi lang sa Astrology kundi pati na rin sa Numerology ay tugma rin kayong magsama. Kaya naman, sa malapit na hinaharap, sa taong 2025, – tiyak ang magaganap pagsapit na pagsapit ng kalagitnaan ng buwan ng Oktubre, parang isang himala ang mangyayari, habang papalapit nang papalapit ang Kapaskuhan, – muling babalik sa iyo ang boyfriend mo upang panagutan ang pagbubuntis mo hanggang sa tuluy-tuloy na kayong magpakasal, at magsama sa pagbuo ng isang maligaya, at panghabambuhay na pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 4, 2024



Dear Maestro, 


Isa akong bading, at marami na rin akong karanasan sa mga lalaki. 

Ang kaso nga lang, wala namang lalaking nananatili sa buhay ko. Kung tutuusin, pera lang ang habol nila sa akin. 


Sa edad kong 45, nararamdaman ko na ‘yung pagtandang binata. Kaya naman, kailangan ko na rin magplano para sa future ko.


Sa katunayan, nangangarap din naman ako na may makasama sa aking pagtanda. 

Kaya nais ko sanang malaman kung may darating pa kayang lalaki na seseryoso sa akin, at makakasama ko habambuhay?


Ang birthday ko ay October 30, 1978.


Umaasa,

Nonie ng Ambiong, Baguio City   


Dear Nonie,   


Para mahigop mo ang suwerte sa larangan ng pag-ibig, at pakikipagrelasyon, magsuot ka ng kulay na pula, dilaw at berde. Kahit pa sabihing isa kang bakla o bading, may lalaki pa ring seseryoso sa iyo upang makakasama mo habambuhay.


Mas maganda kung babaguhin mo rin ang iyong lagda. Alisin mo ang malaking bilog na nagkukulong sa iyong pirma. Hindi mo na dapat ibalikwas pakaliwa ang dulong bahagi ng letrang “A” sa iyong last name. Sa halip, ang dapat na maging “last stroke” ng letrang “A” ay ‘yung tuwid patungo sa diresyong pakanan.


Sa ganyang lagda, ‘yun bang walang malaking bilog, at magulong burloloy, unti-unti na ring aayos ang buhay mo. 


Nonie, ‘wag ka mag-alala dahil may magkakagusto na rin sa iyo na seseryosohin ka, hanggang sa tuluy-tuloy na kayong magsama habambuhay upang bumuo ng isang maligayang pamilya. 


Dagdag dito, mapalad ka mula sa ika-18 ng Hunyo hanggang sa ika-27 ng Hulyo, mula sa ika-18 ng Oktubre hanggang sa ika-27 ng Nobyembre at mula sa ika-18 ng Pebrero hanggang sa ika-27 ng Marso, higit lalo sa mga petsang 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15, 24, 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25.   


Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas – tiyak ang magaganap kahit sabihin pang bading o bakla ka, sa taong 2025, sa edad mong 47 pataas, sa buwan ng Oktubre hanggang Nobyembre, makakatagpo ka na rin ng isang lalaking makakasama mo habambuhay, ang lalaking tinutukoy ko ay nagtataglay ng zodiac sign na Sagittarius, na may birth date na 9, 18 o kaya’y 27.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Oct. 2, 2024



Dear Maestro,


Isa akong ilaw ng tahanan. Akala ko magiging okey na ang kalagayan namin dahil may trabaho naman ang mister ko. 


Pero sa kasamaang palad, bigla siyang nawala ng trabaho. Kaya naman ngayon, hirap na hirap kami. Apat ang mga anak namin, at unti-unti na rin kaming nababaon sa pagkakautang. 


Maestro, makakahanap pa kaya muli ng trabaho ang mister ko? Tama rin ba ang iniisip ko na maghanap na rin ng trabaho? Sa tingin ko kasi kailangan na talaga namin magtrabaho para naman lumuwag-lumuwag na rin ang buhay namin, at makapagbayad na rin kami sa mga pinagkakautangan namin. 


Isa pa, nahihiya at ayaw na rin naming umasa pa sa kani-kanyang magulang namin. 

Ang birthday ko ay February 5, 198, habang December 10, 1981 naman ang birthday ng mister ko.

 

Umaasa,

Glo ng  San Vicente, Jaen, Nueva Ecija


Dear Glo, 


Ayon sa birth date mong 5, sa zodiac sign na Aquarius, at sa destiny number na 8 (2+5+1981=1988/ 19+88=107/ 10+7=17/ 1+7=8), tama ang iniisip mo na tulungan ang iyong asawa sa pagtatrabaho upang mas madali kayong makaahon sa kahirapan, makapagbayad sa mga pagkakautang upang tuluyang umasenso ang inyong pamilya.


Kung saan, dahil ikaw ay may birth date na 5, mas mainam kung mag-a-apply ka sa abroad ngayong taon o sa susunod na taon, kapag ginawa mo ‘yan, mararamdaman mo agad ang suwerte, isang mabunga, at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong karanasan na siyang magiging daan, o simula upang unti-unti na kayong makaahon sa kahirapan, at sa mga pagkakautang, hanggang sa tuluyan na ring umunlad, at sumagana ang inyong pamilya sa aspetong pangkabuhayan.


Dagdag dito, ang birth date na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) ng mister mo ay nagsasabing suwerte rin ang asawa mo sa pangingibang-bansa, gayundin sa pagnenegosyo na may kaugnayan sa apoy, sa mga nilulutong bagay o pagkain, sa mga produktong ginagamitan ng init at elektrisidad, at sa iba pang mga produktong kauri nito.


Ayon sa Decadens ng iyong Kapalaran, sa sandaling sinunod n’yo ang mga simpleng rekomendasyon na inilahad sa itaas, tiyak ang magaganap, tulad ng nasabi na, sa taong 2024 o kaya’y sa susunod na taong 2025, sa nasabing panahon – kusang uunlad ang inyong kabuhayan hanggang sa tuluyan na rin kayong yumaman, na siyang nakatakda sa kapalaran ng mga taong naiimpluwensiyahan ng numerong singko at otso na tulad n’yo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page