top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | August 31, 2024


Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo para itanong ang tungkol sa ilang mga bagay hinggil sa compatibility. 


Sa ngayon ay may girlfriend ako na isinilang noong May 7, 1997, habang ako naman ay isinilang noong September 13, 1996.


Maestro, magka-compatible ba kami? May isa pang babae na sobrang napalapit sa akin, hindi ko naman siya girlfriend, pero sobrang gaan ng loob namin sa isa’t isa. Ang babaeng tinutukoy ko ay isinilang noong November 27, 1998. Sino kaya sa dalawang babaeng ito ang makakatuluyan ko upang magkaroon ako ng isang maunlad at masayang pamilya balang araw? Kung sakaling mag-aasawa na ako, sino sa kanila ang mas ka-compatible ko? 


Umaasa, 

Kalid ng Bagumbayan North, Navotas City



Dear Kalid,


Sa madaling salita, ikaw ay isinilang sa zodiac sign na Virgo, habang ang girlfriend mo ay isang Taurus at ang babaeng napalapit sa loob mo ay isa namang Sagittarius.


Sa teorya ng compatibility higit mong ka-compatible si Ms. Taurus na girlfriend mo na may birthday na May 7, 1997 kung ikukumpara kay Ms. Sagittarius na isinilang noong November 27, 1998, sapagkat ang zodiac sign mong Virgo na may elementong earth o lupa ay suwetung-suwetong isama kay Ms. Taurus o sa girlfriend mo na nagtataglay din ng elementong earth o lupa. Kung saan, walang alinlangang tugmang-tugma nga ang Virgo at Taurus. 


Uulitin ko na naman, ibig sabihin suweto kayong dalawa ng kasalukuyang girlfriend mo na may birth date na May 7, 1997 at talaga namang swak kayo sa isa’t isa. Kapag siya ang iyong napangasawa, tiyak ang isang maligaya at panghabambuhay na relasyon.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | August 28, 2024



Dear Maestro,


Ano ba ang aking masuwerteng araw, petsa, at kulay, para suwertehin naman ako sa buhay? Pansin ko kasing lagi na lang akong minamalas sa lahat ng bagay. 


Sana maturuan n’yo ako, para umunlad at suwertehin naman ako sa aking buhay.  Ang birthday ko ay April 9, 1988.

Umaasa,

Mikaela ng San Juan, Cainta, Rizal

 


Dear Mikaela,


Ayon sa zodiac sign mong Aries at birth date mong 9, ikaw ay mapalad sa lahat ng numerong may sumatotal na 3-6-9, tulad ng 12, 21, 30, 15, 24, 33, 18, 27, 36, 45 at iba pang kauri nito. Sapagkat ikaw ay nasa ilalim ng planetang Mars. Ang nasabing mga numero ang siya ring mapalad mong petsa kung saan sa mga petsang nabanggit mo rin dapat isagawa ang mga bagay na iyong binabalak upang tiyak na magtagumpay.


Dagdag pa rito, bukod sa nasabing mga numero, mapalad ka rin sa pula, habang ang asul at violet ang magiging secondary color mo. Suwerte naman sa iyo ang araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


Kusa namang iigting ang mabuti mong kapalaran sa tuwing sasapit ang ika-21 ng Oktubre hanggang ika-27 ng Disyembre, mula sa ika-21 ng Marso hanggang ika-27 ng Abril at mula sa ika-21 ng Hulyo hanggang ika-27 ng Agosto. 


Samantala, ka-compatible mo naman ang mga isinilang sa zodiac sign na Leo, Sagittarius, Libra at kapwa mo Aries, higit lalo silang may mga birth date na 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15, 24, 4, 13, 22, 31, 1, 10, 19 at 28.


Significant at favorable years mo naman ang mga taong 2025, 2026, at 2027. Sa nasabing panahon, maraming mga suwerte at magagandang kapalaran ang tuluy-tuloy at kusang darating sa iyong buhay. Magsisimulang gumanda ang iyong buhay sa edad mong 37 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | August 26, 2024


Dear Maestro,


May dyowa akong tomboy, at okey naman ang pagsasama namin. 


Maestro, nais ko sanang malaman kung panghabambuhay na ba ang aming relasyon kahit na marami ang kumokontra sa amin? 


Dati na akong nagkaroon ng nobyo, pero niloko niya lang ako. Kaya naman talagang masasabi ko ngayon na mas maligaya ako sa kasalukuyan kong dyowa. 


Inaaaya na niya akong magsama, tutal pareho naman kaming may work, para hindi na umano kami magkahiwalay pa.


Dapat ba talaga akong makisama sa kanya? Siya na rin kaya ang makakasama ko habambuhay?  


Isa akong Aries na isinilang noong April 9, 1998, habang isa naman siyang Scorpio na isinilang noong November  12, 1997.


Umaasa,

Erika ng Bambang, Bocaue, Bulacan



Dear Erika,


Sadyang malaki ang posibilidad na kayo na nga ang magsama habambuhay.


Sapagkat, ayon sa Depth Astrology o angtinatawag nating malalimang pagsusuri ng mga planetang nagkukubli sa bawat zodiac sign, tunay ngang ang Aries na zodiac sign mo ay nagtataglay ng ruling planet na Mars, tulad ng ruling planet ng Scorpio na nagtataglay din ng planetang Mars.


Ibig sabihin, tunay ngang magkaparehong planeta ang umiiral sa inyong kapalaran, kaya madali kayong pinagtagpo ng tadhana, at pagkatapos pagtagpuin ay naghigupan ng damdamin at lakas. Dagdag dito, masasabi ring madali kayong nagkaroon ng kakaibang atraksyon sa isa’t isa na maaaring sa bandang huli, kayo na nga ang magkatuluyan at magsama habambuhay, kahit sabihin pang parehong kayong babae sa pisikal o panlabas na anyo.


Samantala, sa pangkalahatang obserbasyon pangkaraniwan na ang inyong relasyon. Alam naman nating lahat at madalas din naman nating sabihin na nakakapagtakang nagiging ka-compatible ng isang Scorpio ang halos lahat ng zodiac sign.


Dahil para sa isang Scorpio, walang ibang mas mahalaga kundi ang unique, kakaibang panlasa sa larangan ng relasyon at kakaibang panlasang sekswal. Kung saan sa kaibuturan ng kanilang pagkatao, sa ganu’ng kakaiba at ‘di pangkaraniwang relasyon sila tunay na lumiligaya at nasasarapan.


Dagdag pa rito, nagkataon din ang birth date mong 9 ay katugma ng birth date na 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3) ng dominanteng karelasyon mo dahil ang inyong mga numero ay parehong napapabilang sa series of 3-6-9.


Kung ang karelasyon mo ay may kayumangging kulay ng balat na siyang madalas makahigop o makaakit ng mga isinilang sa zodiac sign na Aries, at madalas ding gumagamit ng pula, itim at nagsusuot ng sumbrero o cap. Tiyak na ang magaganap, marami man ang kumontra sa relasyon n’yo, wala silang magagawa dahil sa bandang huli, iiral pa rin ang pagiging magka-compatible n’yo kaya walang puwersang makakahadlang sa inyong pagmamahalan. Dahil dito, panghabambuhay na kayong magsasama na para bang isang tunay at totoong mag-asawa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page