top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | Oct. 23, 2024



Bistado ni Ka Ambo

Maraming gusali ang mababakante na ipinagawa para sa POGO.

Marami rin ang mawawalan ng trabaho.


-----$$$--


ANG POGO ay maituturing na modernong jueteng.

Parehong sugal ito na ginagawang “gatasang baka” at pinagmumulan ng intelehensiya.


----$$$--


KUNG paanong hindi naman nabuwag ang jueteng at nananatili ang jueteng lord, ganyan din ang POGO — hindi iyan maglalaho.

Maghuhunos lang ‘yan sa ibang “tawag o pangalan” at siyempre, nariyan pa rin ang POGO lord.


-----$$$--


KAPAG sinabing “lord”— hindi iyan nakikita, hindi iyan maaaresto, hindi rin ‘yan

makakasuhan.

Ang mga binabanggit na “naarestong gambling lord” — ay hindi totoong lord, bagkus sila ay ilan lamang sa front o “nagkatawang tao”.


-----$$$--


OPO, ang gambling lord  ay “immortal” — ang personalidad na tinutukoy na “gambling lord” na nagkatawang tao — ay front lamang — at kahit ikulong o i-EJK mo ‘yan — mananatili pa rin ang POGO o gambling.


----$$$--


GANYAN din sa kaso ng illegal drugs, immortal din ang mga drug lord -- kahit may maaresto, o mapatay — front lamang iyan ng isang “dambuhalang iskema”.

OPO, iskema o sitwasyon ang mga institusyonalisadong sindikato, nakabaon sa sistema ng gobyerno at lipunan.


-----$$$--


KAKAMBAL kasi ng ilegalidad ay ang pusakal na corruption.

Ang lahat ng gobyerno ay hindi nakakaligtas sa pangil ng korupsiyon — demokrasya man o komunista.


-----$$$--


ANG tanging makakasugpo sa ilegalista at korupsiyon ay ang isang seryoso at matinong ideolohiya.

Pero, ang ideolohiya ay hindi basta-basta isinisilang o isinusulong.


-----$$$--


ANG mabuting ideolohiya ay kumpleto ang sangkap o formula.

Pero, ito ay inilililok, hinuhubog at ipinakikipaglaban lamang ng isang mabuting lider na may karisma.


----$$$--


MALAKI ang tama ninyo, kahit may mabuting ideolohiya, pero wala namang charismatic leader na magsusulong nito, mabibigo pa rin na mabago ang gobyerno at lipunan.

Ang mabuting ideolohiya ay posibleng gamitin o maging kasangkapan o instrument sa korupsiyon ng isang dispalinghadong lider.


-----$$$--


HALOS imposibleng mabago ang isang bulok na lipunan dahil sa kawalan ng angkop na ideolohiya at kawalan ng isang karismatikong lider.


Sa modernisasyon at panahon ng artificial intelligence, maiiwanan tayo ng panahon at lalong magkakaletse-letse ang ating lipunan.


-----$$$--


TULAD ng paniniwala ni Dr. Jose Rizal, tanging ang mga kabataan ang may kakayahang baguhin ang lipunan dahil ang ating henerasyon ay nakabaon sa putik ng korupsiyon at kawalanghiyaan.


Hindi nag-iisa ang Pilipinas, iyan din ang problema sa buong daigdig.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Oct. 21, 2024



Bistado ni Ka Ambo

Nag-alburoto na si VP Sara.

Kumbaga sa Taal at Kanlaon Volcano, nag-degassing.

Sa Tagalog, nakalmante ang bituka, matapos umutot.


----$$$--


SA mas disenteng tingin, may sintomas din ng depresyon ang pagkabugnot.

May pagkakataon na nabubugnot ang mga tao.

Pero ang bugnot ay karaniwang sanhi ng depresyon.


-----$$$--


TAMA, na-depress si VP Sara dahil sa negatibong sitwasyon na kinauwian ng tandem nila ni PBBM.


Madaling maunawaan ‘di bah?


----$$$--


PERO sa totoo lang, ang bugnot o hindi mapigil na ekspresyon ay karaniwang nakikita lamang sa loob ng pamilya.


Opo, iyan ang dahilan kung bakit nagtataka ang ilan, na naibulalas ni VP Sara sa publiko ang sama ng kanyang loob.


-----$$$--


NANGUMPISAL sa akin ang isa kong kumpare minsan dahil hindi niya napigil ay napagsalitaan niya nang masama ang miyembro ng kanyang pamilya.

Nagreklamo ang kanyang anak: “Daddy, bakit ka ganyan, minumura mo kami?”

Sagot ng kumpare ko: “Anak, ano ang gusto mo murahin ko ang kapitbahay natin? Aba’y baka barilin ako nu’n!”


“Ibinubulalas ko ang sama ng loob ko dahil miyembro kayo ng pamilya, at sa kaibuturan ng aking isip at puso — kalmante akong nagmamahal kayo sa akin, makakaunawa kayo!”


---$$$--


TAMA kayo, sa natatagong kamalayan (natatago kaya hindi mo rin alam, hindi rin niya alam) ni VP Sara, lihim siyang umaasa na mauunawaan siya ng mga taong tunay na nagmamahal sa kanya.


Kabilang sa lihim na uunawa sa kanya ang mga bumoto sa kanya sa huling eleksyon kabilang ang Unang Pamilya at kagrupo sa UniTeam.


-----$$$--


KAPAG may pumatol sa pagkabugnot ni VP Sara, sila ang tunay na mga kaaway at totoong “hindi kaibigan”.


Ang tunay na kaibigan ay higit pa sa kasal sa simbahan, nakakaunawa ito nang walang kondisyon at walang hanggan.


-----$$$---


ERE, ang tanong: ang boto ba kay VP Sara sa huling eleksyon ay ekspresyon ng pagmamahal o pulitika lang?


Ang mga kasama ba niya sa UniTeam ay nagmamahal o namumulitika lang?

Malalaman natin ‘yan sa mga susunod na kabanata sa ating political drama.


-----$$$--


ANG malinaw, naibulalas ni VP Sara ang kinikimkim na sama ng loob — na dapat ay sinarili lang niya.


Pero bakit inilabas o hindi sinasadyang naiutot?

Tatanggapin ba natin siya bilang isang ordinaryong tao tulad mo – o isang pulitiko?

Isa ba kayong asero, isang plastic o isang ordinaryong pandesal?


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Oct. 19, 2024



Bistado ni Ka Ambo

Digong.

He-he-he!

----$$$---


AYON kay DILG Sec. Jonvic Remulla, mawawala na raw ang POGO.

Pa-pogi!


-----$$$--


HINDI maubos ang mga parak na sangkot sa krimen kabilang ang murder.

Balita pa ba ‘yan?


----$$$---


NAGTUTURO ang mga taga-mainstream media kung paano matutukoy ang “fake news”.

Ha! Ha! Ha!


----$$$---


ARAW-ARAW ay may inilalabas na palsipikadong balita ang mainstream media.

Pinakamarami rito ay aktuwal na propaganda ng mga pulitiko.

Tama o mali?


-----$$$--


ANG aktuwal na depinisyon ng fake news ay ang mga “balitang hindi kabali-balita”.

Nobenta porsyento ang ganyang estilo.

Kelan ba kayo ipinanganak?


-----$$$--


BASAHIN ninyo, makinig kayo o manood kayo ng mga balita sa panahon ng kampanya.

Sa palagay ba ninyo ay “totoong balita” ang isinusupalpal sa inyo?


-----$$$--


ANG mga palpak, dispalinghadong ulat na umiimpluwensya sa publiko — ay siya mismong nagpababagsak sa mainstream media — radio, TV at newspaper.

Hindi teknolohiya ang ugat ng pagkabangkarote, bagkus ay ang mga decision-maker na nalipasan ng panahon at hindi nakakasabay sa uso.


-----$$$--


HINDI pa huli ang lahat, kailangan ay mamulat ang mga gumagalaw sa pamamahayag sa mapait na katotohanan — lipas ang padron o modelo sa kanilang pag-uulat.

Wala ring sapat na karanasan sa mainstream media ang mga nasa akademya kaya’t baog o kapos sa kaalaman ang mga bagong graduate sa Mass Communication courses.


-----$$$--


ANG natutuhan sa “on-the-job” training ay ang mga sinaunang padron o estilo na lipas na sa panahong ito.


Halimbawa, hanggang ngayon ang estilo ng “pagbabasa o pang-unawa” sa balita — at sa aktuwal na pagbabasa sa diskarteng “left-to-right” o “top-to-bottom” gayong ang uso ngayon ay graphics at animation.


----$$$--


MALINAW na dispalinghado na ang konsepto sa “communication”, dahil 2,000 taon nang lipas ang estilo na ginagamit sa mga learning institution.


Maging ang esensiya, pilosopiya at kaalaman kung ano ang edukasyon ay nalipasan na ng panahon.


Maunawaan sana ito ng mga nagdudunungan, tulad ng inyong abang lingkod!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page