top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | Jan. 17, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Nagkasundo na ang Israel at Hamas.

Natigil na ang madugong digmaan.


-----$$$--


Taliwas sa Israel at Hamas, hindi pa nagkakasundo sina PBBM at VP Sara.

Wala sanang civil war na maganap.


----$$$--


INARESTO ang dating pangulo ng South Korea na nagtangkang ideklara ang Martial Law.

Hindi rin sana ito masaksihan sa Pilipinas.


-----$$$--


NAGPAPALITAN ng malalakas na missile at drone ang Russia at Ukraine.

Totoo po, walang nananalo sa digmaan.


-----$$$--


HINDI pa naapula ang wild fire sa California.

Huwag sanang matulad ang Baguio City sa naturang trahedya.


-----$$$---


NAAKSAYA ang mga naimprentang balota dahil ipinabalik ng Korte Suprema ang mga pangalan ng kandidato na binasted ng Comelec.

Sino ang engot?


----$$$--


NANANATILING balwarte ni VP Sara ang Mindanao at Visayas.

Walang nabago, mas tumatag pa.


----$$$--


HINDI kailanman, puwedeng makopo ng taga-VisMin ang boto ng Luzon.

‘Yan ang makatotohanang pagtaya.


----$$$--


SAKALING kumandidato ni VP Sara bilang pangulo, kailangan lamang niya ay huwag “maiwanan o matambakan” ng kalaban sa Balance Luzon.

Ganu’n lang kasimple.


----$$$--


WALANG matibay na kalaban si VP Sara sa pagka-presidente na magmumula sa Luzon.

Isipin ninyong mabuti ‘yan.


----$$$--


ANG mga negatibong ulat laban sa pamilya Duterte ay hindi naman bago.

Anumang atake sa isang pulitiko — ay maituturing na black propaganda — may ebidensya man o wala.


----$$$--


ANG black propaganda ay mas nakakatulong sa inatake — dahil nananatiling “popular” o napag-uusapan ang kanyang pangalan.

Kumbaga sa showbiz, negative news ay nananatiling publisidad.


-----$$$--


BILYUNG-BILYONG piso ang katumbas ng “name recall media blitz” -- at ito ay inilibre ng mga kalaban ni VP Sara.

May negatibong epekto lamang ang black propaganda kapag hindi ito maayos na nasagot ng inaakusahan.


-----$$$--


ANG black propaganda kapag nasagot nang maayos at malinaw, ito ay naiko-convert tungo sa “good publicity”.

Kumbaga, kapag dispalinghado ang diskarte, nagbo-boomerang ang paninira sa isang kandidato.


-----$$$--


NAPAKALAYO pa ng 2028 — at kahit sa boxing, maaaring maka-recover ang boksingero kahit ma-knockout sa 2nd o third round.

Epektibo lang ang knockout punch kapag ito ay pinakawalan at tumama sa last round ng bakbakan.


-----$$$---


ANG pagkapanalo ni EX-PRRD noong 2026 — ay dahil na-knockout si ex-VP Binay sa mga huling round ng kampanya.

Pero, dahil masyadong mahina — ang manok ng Liberal Party, nakalusot ang isang dark horse.


----$$$--

SA aktuwal, nagtagumpay ang LP sa pagwasak kay Binay at naipanalo bilang bise presidente si ex-VP Leni.

Pero, dahil hindi pang-derby ang kaliskis ng tandang, nakatsamba ang taga-Mindanao.


-----$$$--


NGAYON, nagtataka tayo, bakit walang lumabas na resulta ng presidential survey.

Ang labanan ay nasa senatorial race, pero ang inuupakan agad ay ang pang-presidentiable.

Anubayannn?


-----$$$---


NAGLABAS na ng tubig ang umaapaw na Angat Dam.

Hindi ba puwedeng i-export ang tubig sa Angat paluwas ng California?


-----$$$--


DAPAT ay panahon na ng tag-init ngayon, pero nilinaw ng PAGASA na umiiral ang La Nina.

Nagkaletse-letse na ang klima.


-----$$$---


WALANG nakakapansin, may epidemya na ng pagkaadik sa online gaming.

Tahimik lang ang Malacañang.


 ----$$$--


NAUUBOS ang cash gift mula sa pamahalaan dahil sa talamak na online gambling na may bendisyon daw ng gobyerno.

Imoralidad ito na tila kinukunsinti ng pamahalaan.


-----$$$--


HINDI maawat ang pananakop ng artificial intelligence sa lahat ng sektor.

Ereng mga policy makers, nakatulala lang.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Jan. 15, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Umabot sa 2 milyon hanggang 8 milyong katao ang dumalo sa peace rally ng Iglesia Ni Cristo.


Isinagawa ito sa iba’t ibang panig ng bansa.


-----$$$--


Hindi mahalaga rito ang aktuwal na bilang, bagkus ay ang impact at impresyon ng pagdagsa ng tao.


Ikinukumpara ang bulto ng tao sa EDSA 1 at EDSA 2.


----$$$--


SINASABING “moral” at hindi “political” ang implikasyon ng peace rally.

Iyan ay nagmumula sa kampo ng anti-Duterte.


----$$$--


DAPAT nating matanggap ang katotohanan at huwag maging plastik.

Sinibak ni Strongman Russian President Vladimir Putin ang ilang heneral dahil sa pagsisipsip sa kanya at pagtatago ng katotohanan.


----$$$--


Iyan din ang dapat gawin ni PBBM, sibakin ang mga sipsip at nagsisinungaling o mga tagapayo na walang kakayahan “prangkahin” siya at ipaunawa sa kanya ang “mapait na katotohanan”.


Tanging ang “katotohanan ang magpapalaya sa iyo”.

Ibig sabihin, ang katotohanan lamang ang epektibong batayan ng epektibong desisyon.


-----$$$--


SA ayaw o sa gusto mo, ang peace rally ay pabor sa pamilya Duterte.

Aminin man o hindi ang peace rally ay political.


----$$$--


ANG impeachment proceedings ay “political” — hindi ito magpapatunay ng “guilty” ang inaakusahan.


Ang impeachment ay proseso upang mawala sa puwesto ang isang opisyal ng gobyerno —kahit hindi siya nahahatulang guilty ng alinmang hukuman.


----$$$--


ANG “People Power” sa EDSA 1 at EDSA 2 — ay kinilala ng Korte Suprema bilang isang lehitimong proseso sa pagpapalit ng liderato sa Malacañang.

Ang street protest kung ganu’n ay isa ring political.


---$$$--


DAPAT din nating maunawaan ang papel na ginampanan ng Armed Forces of the Philippines nang mawala sa Malacañang si dating Pangulong Marcos Sr. at ex-President Erap.

Solido ang suporta ng AFP sa street protest.


---$$$--


DAHIL solido o iisa lang ang desisyon ng buong AFP — hindi nagkaroon ng civil war na dati-rating pinangangambahan.

Dahil solido ang sibilyan at military — kinilala ng Korte Suprema ang people protest bilang lehitimong proseso — kahit “hindi nagdaan sa halalan”.


-----$$$--


ANG peace rally ay isang pagpapakita ng puwersa ng mga Duterte — ay puwedeng gamitin sa pagpapalit ng pamahalaan.

Pero, may kulang ang naturang proseso, iyan ay 50 percent lamang.


-----$$$--


SA ngayon, masasabi nating hawak ni PBBM ang AFP na siyang tinitiyak ng Malacañang.

Pero siyempre, iyan din ang pagtiyak ni Apo Makoy at Pareng Erap bago sila mapatalsik.


-----$$$--


Napakahalaga ng “katotohanan” gaano man ito kapait lalo pa’t nasa proseso ng serye ng mga desisyon.

Maunawaan sana ito ni PBBM: Kailangan niya ng matatapat at matatalinong tagapayo — hindi ang simpleng sipsip at hunyango lamang.


-----$$$--


MAHALAGANG matukoy ni PBBM kung paano nagsimula ang sigalot, at kung paano mareresolba ito.


Hindi na kakandidato pa sa 2028 si PBBM — pero ang maniobra sa loob ng kanyang kampo — ang susunog sa kanyang magagandang nagawa sa bansa.


---$$$---


SA totoo lang, hindi dapat ipagamit ni PBBM ang kanyang poder upang sirain ang sinumang aspirante sa 2028 election.


Dapat siyang maging patas o neutral — ‘yan ang legacy na dapat niyang ipamana sa mga kabataan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Jan. 13, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Aktuwal na nasusunog ang malaking bahagi ng California.

Inilalarawan ang eksena bilang INFERNO.


-----$$$--


Nagliliparan ang libu-libong aerial drones sa Ukraine at Russia.

Maikukumpara ito sa pagdilim ng kalangitan sa pananalasa ng mga balang at insekto.


-----$$$--


Ang eksena ng mala-impiyernong sunog sa California at nagliliparang drones sa Russia at Ukraine ay nauna nang inilarawan sa Apocalipsis sa Bibliya.

Nakita ito sa pangitain bilang signos sa Armageddon.


----$$$--


DATI-RATI ay pinagtatawanan ang mga pangitain at babala sa Apocalipsis dahil tila imposible ito sa sinaunang panahon.

Sa biblical times, paano nga naman masusunog ang mga bundok gayong nababalutan ito ng mga puno?


-----$$$--


PAANO magliliparan ang mga balang at insekto sa kalangitan gayong walang dahilan para ito maganap?

Hindi na ngayon, malinaw na malinaw na nauna nang nakita ang libu-libong aerial drones at nasusunog na mga bundok sa panahon ng Bibliya.


-----$$$--


HINDI puwedeng banggitin kahit ni Nostradamus ang aerial drones dahil wala namang eroplano noon!Hindi rin niya puwedeng ipaliwanag kung bakit masusunog ang mga bundok.


-----$$$--


ANG Russia at Ukraine ay may kakayahang sunugin ang mga bundok gamit ang phosphorus na siyang bagong armas sa giyera gamit ang drones.

Iyan na mismo!


----$$$--


BINALAAN na ang Australia na posibleng maranasan ang nagaganap sa California.

Mas may panganib sa Australia dahil higit sa kalahati ng teritoryo ay natatabunan ng natutuyot na damo at mga kagubatan.


-----$$$--


UHAW na uhaw sa tubig ang tigang na lupa sa Australia — at ang init nito ay nag-aantay lamang ng konting liyab bago maging impiyerno.

Ang El Nino ay hindi lamang ang panganib ng kawalan ng ulan, bagkus ito ay panganib din ng hindi mapipigil na apoy.


-----$$$--


NAGSISIMULA pa lamang maramdaman ang mga babala sa Apocalipsis at bigo ang tao na maunawaan at mapigil ito.

Marami ang nagtanong: Bakit hindi maiporma ang artificial rain sa mga lugar na apektado ng El Nino?


-----$$$--


MALI ang padron na ipinatutupad.

Hindi nauunawaan ng mga eksperto ang sitwasyon.


-----$$$--


NAKATUON kasi ang mga eksperto sa “kawalan ng ulan”, imbes sa banta ng sobrang alinsangan sa hangin.


Magkaiba ang konteksto ng dalawang sitwasyon.

Siyempre, mali ang solusyon.


-----$$$---


SINASAYANG ang national budget at sovereign loan sa walang kapararakang gugulin.

Sa panahon ng tag-ulan, dapat ay paghandaan ang tag-init o tagtuyot.


Simulan agad kung paano maibubuwelo ang artificial rain bilang gamot o lunas sa matinding init.


-----$$$--


SIKAPING alisin ang salinity ng tubig ng dagat — at ito ay gamiting pandilig sa kagubatan (habang walang sunog) — hindi pampuksa sa sunog kung kailan nananalasa

na ito.


Masisira ang kalidad ng lupa kapag dinilig ng tubig-alat.


-----$$$--


IBIG sabihin, ang kumbersiyon ng tubig-dagat tungo sa “maiinom na tubig” o tubig–tabang — ay hindi lamang solusyon sa kakapusan ng “potable water”.


Bagkus ang paggamit ng tubig-dagat bilang pandilig at pang-inom ay isang dambuhalang achievement ng isang bansa — gaya ng Pilipinas.


----$$$--


NAGLAAN ba ng budget para magamit ang tubig-dagat bilang reserbang tubig na maiinom, pandilig sa mga bundok at pamatay sunog?

‘Yan na mismo ang ating hinaharap.


Hindi na maiiwasan ‘yan!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page