top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 26, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Natabunan na ang isyu hinggil sa pagguho ng tulay sa Cabagan, Isabela.

Nagtuturuan ang mga kumag.

Kumbaga sa postings sa social media, ang keywords dito ay kontraktor, subasta, padrino at korupsiyon.


----$$$--


KAPAG may imprastruktura, hindi kailangan ng debate — idinidikit ‘yan sa korupsiyon.

Kakambal ‘yan ng kasaysayan ng Republika ng Pilipinas.

‘Pag may gumuho, dambuhalang kurakot!


----$$$--


MAY nagma-marites ngayon na isang mambabatas, ang pinalagan na mismo ng mga taga-DPWH.

Isang kontraktor kasi ito na naging partylist.

Kitam, napasok pa niya ang modernong “modus”.


-----$$$---


WALA siyang sariling distrito, pero siya na mismo ang nagma-marites upang mai-black propaganda ang mga lehitimong kontraktor.

Siyempre, ito ay para masulot niya — maliit man o malaking “ticket projects”.

Tsk, tsk, tsk.


----$$$--


EPEKTIBO ang kanyang diskarte, kasi may naine-namedrop siya kakambal ang kanyang padrino.

Presto, ayos na ang buto-buto.

He-he-he.


----$$$--


SIMPLE lang ang boladas: “Napag-usapan na namin iyan ni boss, sa akin ang project na ‘yan”.

Marami siyang padrino at maboladas.

Ere ang angas: Solidarity sa corruption.

Ha! Ha! Ha!


----$$$--


ISANG malaking problema ngayon ay ang mental health at marami ang umiiwas na pag-usapan ito.

Paano mareresolba kung walang kikilos?


-----$$$--


NATUTUWA tayo sa pagsuporta sa mga single parent at pamilya na may anak na may mental health conditions sa Pasig City.

Karaniwang idinadaing ay “ADHD” at “Autism”.


-----$$$--


SA totoo lang, isang civic leader na may apat na anak na dumaranas ng ganitong problema ay nagpapasimuno na tulungan ang mga batang may mental health conditions.

Nagkusang tumulong dahil nararamdaman kasi ni Sarah Discaya ng Pasig City kung paano at gaano ang hirap ng mga magulang na may mga anak na may Autism at ADHD.


----$$$--

 

“NAUUNAWAAN   ko ang hirap na nararanasan ng mga magulang ng mga batang may ADHD. Alam ko ang kanilang pangangailangan at kung gaano kamahal ang mga therapy at ibang medikal,” wika ni Discaya na kandidatong mayor sa Pasig.

Mahaba ang gamutan at halos habang buhay ang pag-aalaga sa mga batang may ganitong karamdaman kaya’t ito ang pinagtutuunan ni Discaya.


----$$$--


TINIYAK  niya sa mga Pasigueño na hindi rin siya titigil sa pagkakawanggawa at pagtulong sa mga magulang na kapos sa pantustos at panggastos upang maalalayan ang kanilang mga anak.

“Ang sipag, pananampalataya sa Diyos, at tiwala sa sarili  ang pundasyon nating lahat upang maibsan ang mabibigat na suliraning ito,” ani Discaya.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 25, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Walang duda, kailangan ang reporma sa PhilHealth.

Iyan din ang tipong lumabas sa oral argument mismo sa Korte Suprema.


-----$$$--


BATAY sa opinyon ni SC Associate Justice Antonio Kho, Jr dapat nang ireporma ang PhilHealth dahil sa hindi maayos na pamamahala.

Sinasabing mas malaki ang natanggap na pondo kaysa sa nagastos nito kaya’t ipinababalik sa National Treasury ang sobrang pondo.


----$$$--


BATAY kasi sa probisyon sa General Appropriations Act (GAA) of 2024, hindi lang ang PhilHealth ang inaatasang magsauli ng pondo, bagkus ay maging ang iba pang korporasyon na pag-aari ng gobyerno.

Ayon sa Department of Finance (DOF), umabot sa P89.9 bilyon ang hindi nagamit na subsidy ng PhilHealth mula 2021 hanggang 2023.


----$$$--


NAPAG-ALAMAN din na ang PhilHealth ay mayroong P700 billion reserve fund na naipon sa loob ng mga taon.

Pero noong Disyembre 19, 2024, P60 bilyon na ang na-remit pabalik sa National Treasury.


----$$$--


NAKATULONG ang oral argument sa Korte Suprema dahil nabisto ang kahinaan ng PhilHealth sa pangangasiwa.

Ngayon ay nagkukumahog ang PhilHealth sa pagpapaganda ng benepisyo kasama ang pag-alis sa 45-day benefit limit.


-----$$$--


PERO, bakit ngayon lang sila kumikilos upang mapagbuti ang benepisyo sa mga miyembro?


Malinaw na hindi dapat pagkatiwalaan ang mga opisyales nito ng malaking pondo.

Iyan mismo ang argumento kaya’t ipinababalik sa National Treasury ang “unused fund”.


-----$$$---


MAUGONG ang panawagan ng reporma sa loob ng naturang korporasyon ng gobyerno.

Dapat itong ipatupad sa lalong madaling panahon.

Entiendes?


----$$$---


SA gitna ng masalimuot na isyung political sa bansa, hindi dapat pabayaan ang serbisyo sa ordinaryong tao.

Imbes na magpropaganda at makisawsaw sa isyu, magpokus sana ang mga ehekutibo sa mabilis at episyenteng pagtulong sa ordinaryong mamamayan.


----$$$--


KUNG inaasistehan ang ordinaryong obrero, dapat ding saklolohan ng pamahalaan ang pobreng magsasaka at mangingisda.

Dahil sa nagkalat na imported agri-products, diretso sa pagkalugmok ang sektor na ito.


 ----$$$--


TANGING ang mga komprador, broker, importer, middlemen at mga ismagler ang ‘nagpapasasa’ sa pamahalaan.

Sabagay, iyan ay isang dambuhalang problema kahit sino pa ang maupo sa Malacañang.

He-he-he!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 24, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Dahil magkakaiba ang kaalaman, talino, karanasan at moralidad ng indibidwal — magkakaiba ang kanilang magiging ‘desisyon’ hinggil sa iisang sitwasyon.

Pero, ano naman ang disposisyon?


Ang disposisyon — ay ang tapang at pagkukusa mong manindigan at magdesisyon — batay sa pinaniniwalaan mong “tama o mali” — na hango sa iyong kumbiksyon.


----$$$---


Ang malaking problema ay kapag walang disposisyon ang isang tao — lalo na kapag lider ka ng bayan.


Ang katrayanggulo ng disposisyon at kumbiksyon ay ang desisyon!

Iyan ang dapat maunawaan ng marami, lalo na si Senador Imee.


EH, MEY SOLUSYON!

----$$$---


Ayaw na sana nating sumawsaw sa maiinit na isyu pero napakarami ang nangungulit kung ano ang maayos na opinyon.


Kung aktuwal na naghiwalay, eh, kumbaga sa labada, dapat kung decolor, dapat ay isama sa decolor, kapag puti, isama sa puti.


----$$$---


HINDI lang si Sen. Imee Marcos ang naiipit sa nag-uumpugang bato, bagkus ay napakarami.


Sa aktuwal, marami ang nakatameme lang pero aktuwal silang apektado.


-----$$$--


ANO ang dapat gawin — kapag parehong malapit sa iyo ang nagtutunggali?

Bibihira ang nakakaunawa pero sisikapin nating ipaliwanag ang isang diskarte.

Ito ay may kaugnayan sa “disposisyon” at “kumbiksyon”.


----$$$--


HINIRAM natin ang ispeling sa Ingles ng “conviction” at “disposition”.

Magkaiba ang kahulugan -- kung gagamitin ang depinisyon sa English meaning at depinisyon kung gagamitin naman ang “lantay na Tagalog”.


Ibig sabihin, kapag nag-CHATGPT -- English man o Tagalog, ang ibibigay na kahulugan ay “teknikal” na kahulugan batay sa datos na nakapasok sa mga computer.


----$$$--


PERO ang kataga kapag ginagamit nang aktuwal ay may likas na itong kahulugan — batay sa aktuwal na aplikasyon, sosyal at kultura o nakamihasnan.

Ang conviction — ay may konotasyon ng pagiging “guilty” — batay sa English meaning, pero sa Tagalog, ang kumbiksyon — kapag ginagamit sa iskema, estilo o sistema sa pagdedesisyon — ay iba na ang kahulugan.


Ibig sabihin, magdesisyon ka batay sa “pinaniniwalaan mong tama — batay sa iyong kaalaman, talino, karanasan o moralidad”.


 -----$$$--


MALINAW kung ganu’n — kailangang magdesisyon ang isang tao — batay sa kanyang kumbiksyon — mali o tama man ito sa “paningin o paniniwala ng iba”.

Iyan ang disposisyon!


Political will — ang tawag diyan kapag ang desisyon ay may kaugnayan sa sosyal o panlipunan — para sa ikabubuti ng nakararami kahit kontra ang mayorya o ang popular na opinyon o  sentimyento.


-----$$$--


HINDI puwede ang neutral, hindi puwede ang plastic, hindi puwede ang balatkayo, hindi puwede ang boladas.


Dapat ay magdesisyon ka — anuman ang kauuwian nito — negatibo man o positibo sa personal mong buhay.


-----$$$--




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page