top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 11, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Ika-50 anibersaryo ng Kabataang Barangay sa Abril 15, 2025.

Nineteen seventy five nang lagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Endralin Marcos Sr. ang Presidential Decree No. 684.


Happy anniversary sa mga kapwa nating KB officers, KB officials at KB member — kasama na ang school chapters!


 ----$$$--


Isa ang inyong abang-lingkod na nagsilbing KB chairman sa loob ng 10 taong singkad mula 1975 hanggang 1985.


Pinalitan ang pangalan ng KB tungo sa Sangguniang Kabataan (SK) noong 1986 — sa pag-upo ni Tita Cory.


----$$$--


Kabilang din tayo sa naging pangulo ng Pederasyon ng mga KB chairman sa bayan ng Balagtas, Bulacan kung saan nagsisilbi ring konsehal ng bayan dahil ikinakatawan ang youth sector.


Ilan sa mga kilalang dating KB Federation president sina Defense Secretary Gibo Teodoro (ex-KB Provincial president ng Tarlac at Region 3, president) kung saan tayo nabibilang noong 1980.


-----$$$--


DATING KB Federation president din si Sen. Francis Tolentino (Tagaytay/Cavite), Agrarian Secretary Conrado Estrella JR (Cagayan) at dating Sen. Leila de Lima (Iriga City).


-----$$$--


KABILANG din sa dating KB president si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista, Father Albert Alejo, SJ (Obando, Bulacan) at ex-Congressman Egay Erice (Caloocan).

Hindi na natin mababanggit ang iba pero kabilang dito ang ilang nakaupong gobernador, vice governor, mayor at dating bokal, konsehal at mga hepe ng ahensya ng gobyerno.


----$$$--


ANG leadership training ng KB ay ginaganap noon sa  Mt. Makiling, Los Baños, Laguna at unang dumalo rito ang ating incumbent President Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. noong 1975 bilang panauhing pandangal kasama ang kanyang ama.

Gayunman, sa mga kasunod na okasyon ay pinalitan na ni Sen. Imee Marcos na nagsilbing honorary chairman ng national federation at hepe ng KBNEC kasangga si dating MIA manager Eric Ines kung saan ang unang national federation president naman ay si Bambie Tensuan ng Muntinlupa.


-----$$$---


NAGING panauhing pandangal si Sen. Imee sa selebrasyon ng Balagtas Day sa Balagtas, Bulacan noong Abril 2, 1977 kung saan ang inyong abang-lingkod ang nangasiwa ng pagtanggap.


Kinabukasan, dumalo naman siya kasama rin tayo noong Abril 3 sa isang okasyon sa Obando, Bulacan na inorganisa ni KB Federation president Fr. Alejo.


-----$$$--


MARAMING alaala tayo sa panahon ng KB sa loob ng 10 taon dahil sa serye ng seminar-workshop ng leadership training at Filipino ideology.

Nakatakda ang Golden Grand Reunion ng KB sa Cebu City sa Abril 14-16, 2025 at inaanyayahan ang mga dating opisyal na dumalo.


----$$$--


SA Maynila, may aktibidad ng mahabang motorcade mula Luneta hanggang Makiling sa araw ng Linggo, Abril 13 — makipag-ugnayan sa host-federation ng KB Manila.


Sa Region 3, inaanyayahan ni former KB Regional Secretariat chief Bebot Diaz ang mga dating KB president ng Central Luzon sa Sabado, Abril 12, sa Barangay Care, Tarlac City — libre at walang registration fee.


Inaasahan natin ang masigabong pagdaraos ng 50th KB Grand Anniversary celebration kasabay ng Semana Santa.

Mabuhay po, KBGan! Makialam, Makialam!

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 9, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Na-promote si General Torre.

Isa kasi siyang “grandmaster”.


----$$$--


PABOR sa mga incumbent executives ang proseso ng eleksyon sa Pilipinas.

Iyan mismo ang ugat ng korupsiyon.


----$$$--


Bakit walang incumbent na nagtatalumpati na lalabanan niya ang korupsiyon?Dahil mistulang sinuntok niya ang kanyang sarili.

He-he-he!


----$$$--


SA totoo lang, hindi naman natin maloloko ang mga botante dahil alam naman nila na “ninakaw” lang talaga ang mga ayuda sa legal na diskarte.

Kumbaga, nakikiparte lang sila sa “dambong”.

Ha! Ha! Ha!


----$$$--


LUMILITAW lang ang problema, kapag ibinoboto ng mga botante ang “alam na alam” nilang mararambong sa city hall at munisipyo.

Dapat nating maunawaan na ang kawani ng city hall at munisipyo — ay tagabarangay din.

Sila mismo ang nagtsitsismis ng pandarambong.


----$$$--


KAPAG natanggal sa puwesto ang mandarambong, tanggal din ang mga 15-30.

Papalitan naman sila ng panibagong mandarambong at siyempre, panibagong amuyong. Paulit-ulit lang.

Pero, pasensya na kayo — ‘yan mismo ang “demokrasya” — malayang magnakaw sa kaban ng bayan.


----$$$--


GAGAWA ba ng batas ang mga kongresista at senador na ipagbabawal ang iskema ng “pork barrel”?

Ang pork barrel ay hindi isang klase ng pondo o badyet, ito ay “iskema” o “modus” na suportado ng mga ginawang batas mismo ng mga “mandarambong”.


----$$$--


ANG depinisyon ng “mandarambong” ay hindi nakasandal sa legalidad, bagkus ito ay mas nakapundasyon sa paglabag sa moralidad at divine law o Ten Commandments.

Ang paglabag sa Ten Commandments ay nagiging lehitimo at moral batay sa lipunang nakamihasnan.


----$$$--


ISANG halimbawa nito ay ang pag-aasawa ng iisang beses lang, pero sa praktis ng ilang relihiyon o ilang kultura — lehitimo at moral na mag-asawa ng higit sa isa.

Pero, iyan ay tungkol sa pag-aasawa, subalit ang pag-iimbot ng hindi mo pag-aari ay isang kasalanan sa mata ng Diyos at mata ng tao — iyan ay illegal.


 ----$$$--


GAYUNMAN, ang katagang “illegal” ay may malawak na kahulugan o “broad term”.

Kailangan pang gumawa ng espesipikong regulasyon o batas upang matukoy — kung anong espesipikong aktibidad — ang maituturing na “pagnanakaw o pandarambong”.


----$$$--


ANG modus o iskemang pork barrel ay lehitimo sa Pilipinas dahil binibigyan ng “executive power” ang legislative officials — kahit ang kanyang trabaho ay gumawa lamang ng batas.

Anumang badyet o pondo na may “discretion” ang isang mambabatas — senador, kongresista, bokal, konsehal o kagawad ay legal pero ito ay “immoral” sa esensiya ng probisyon at paglabag sa Konstitusyon.


----$$$--


ANG Konstitusyon ang mismong nilalabag kapag ang lehislatura ay binibigyan ng executive power.

Duplikasyon ‘yan ng trabaho at responsibilidad ng mga ehekutibo.


----$$$--


HINDI na mabago ang imoralidad sa gobyerno dahil ang inaasahang gagawa ng batas ay hindi nauunawaan ang kanyang trabaho.

Maging ang Korte Suprema ay bigo na proteksyunan ang Konstitusyon at ordinaryong mamamayan dahil nagkakasya lamang ang kanilang interpretasyon sa umiiral na mga batas — at hindi sa “ideya, ispekulasyon o dakdak” tulad ng ating ginagawa.


----$$$--


KAKAMBAL ng kasaysayan ng Republika ng Pilipinas at maging ng ibang demokratikong gobyerno sa ibang bansa — ang talamak na korupsiyon.

Kumbaga, hindi tayo nag-iisa at hindi ito ngayon lang nagaganap, bagkus ay matagal na.


----$$$--


MAGING ang mga komunistang gobyerno gaya ng China o ang sosyalistang rehimen tulad ng Russia ay batbat din ng korupsiyon.


‘Yun nga lang, mabilis ang hustisya sa mga naturang bansa — kung hindi ikinakalaboso agad -- ang mga mandarambong ay ipina-firing squad sa plaza.

Sa Pilipinas? Paulit-ulit na nahalal at ang poder at pandarambong ay ipinamana pa sa mga apo at kaapu-apuhan!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Mar. 31, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Marami ang kwidaw kung ano ang pinasok na kasunduan ng Pilipinas sa US.

Walang ispesipikong detalye kung ano ang napagkasunduan.


 ---$$$--


BINABANGGIT dito ang industrial defense agreement.

May konotasyon ito ng malakihang pagmamanupaktura o paggawa ng mga produktong panggiyera.


----$$$--


PARA higit na maunawaan at magkaroon tayo ng ideya, mahirap tungkabin ang detalye hinggil dito, pero kapag tinalakay natin ang sitwasyon sa Ukraine ay posibleng hindi ito nalalayo.


Sa ngayon, masigla ang industrial defense sector sa Ukraine dahil gumagawa sila ng iba’t ibang klase ng drone o unmanned warcraft.


----$$$--


ISA sa posibleng napagkasunduan ay may kinalaman sa potensyal na magmanupaktura rin sa Pilipinas ng mga modernong gamit sa digmaan.

Walang masama, bagkus ay magiging aktibo ang bansa sa malawakang preparasyon sa digmaan.


---$$$--


TIYAK na papalag ang ibang sektor, pero magpapagulo lang ‘yan ng sitwasyon — dahil tulad sa Ukraine, hindi puwedeng tumanggi ang mga ito sa ‘kapritso’ ng US.

Eh, ang Pilipinas, puwede bang pumalag?


----$$$--


Sa totoo lang, ang China ay pumapalag at kumokontra dahil -- hindi sinasadya, mistulang preparasyon ito kontra sa mga banta ng Tsekwa hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa Taiwan.


Makakatuwang ng Pilipinas ang mga kaalyado tulad ng Japan, South Korea, Australia, New Zealand at maging ang France o Britain kung kailangan.


----$$$--


MAPAPANSIN natin na ang mga international news ay karaniwang tungkol sa preparasyon sa digmaan.


Pinakamainit dito — ay ang posibilidad na biglang sunggaban ng Mainland China ang pinaninindigan nilang probinsya — ang Taiwan.


----$$$--

KAHIT ang Palawan ay mistulang inaangkin din ng China bukod ang karagatang kanilang kinokontrol sa West Philippine Sea.


Hindi na lalayas pa ang China sa WPS, kaya bang awayin ng Pilipinas ang Beijing nang hindi kasama ang US at mga kaalyadong bansa?

Ang sagot: Hindi!


----$$$---


SA ngayon, ang Syria ay pinagpapartehan ng malalaking bansa — na may magkakaibang ideolohiya.


Nais ng Israel na makontrol ang ilang teritoryo ng Syria pero nanindigan ang Turkey na hindi sila papayag na magkahati-hati ang orihinal na teritoryo ng Syria.


----$$$--


MALINAW na hindi pa tapos ang digmaan sa Middle East, bagkus ay nagbabagong anyo lang ito — at higit na mabibigat ang mga masasangkot.

Paano kung biglang maggiyera ang Israel at Turkey?


----$$$--


IMBES na humupa, lalong nabibingit sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig ang ibabaw ng mundo.


Hanggang kailan ito matatapos?


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page