top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | October 8, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Bumagsak ang palitan ng piso kontra dolyar.

Dausdos din ang stock market.

Maging ang foreign investors ay lumalayas.

Saklolo!


----$$$---


NAGREREKLAMO ang ilang bumbay, wala silang masingil sa mga mumunting negosyante sa ibaba ng laylayan.

Dumarami ang kaso ng pagnanakaw at panggogoyo sa kapwa — walang pera.


----$$$--


DUMARAMI ang nagkakasakit, pero parang tameme ang Department of Health.

Inutil din yata tulad ng DPWH.


----$$$--


NAGKALAT ang pulubi at mga may “psychosis” na natutulog sa kalye.

Ang tinutulungan ng DSWD — ay kung sino ang “maykaya” na mabuhay -- pero ang mga “hopeless person” ay pinababayaan.


----$$$--


ANG mga traffic enforcer ay hinuhuli ang mga tsuper — na may “pang-areglo” pero ang mga gumagambala sa trapiko — tulad ng street vendor at “pulubi kuno” — ay hindi binabawalan sa gitna ng lansangan.

Wala kasing “panlagay” ang mga pobre-pobrehan.


----$$$--


INAAKALA ng mga traffic enforcer ay sakop lamang nila ang may hawak ng manibela — ‘yan ay isang kamangmangan.

Ang lahat ng nakaka-obstruct sa kalye — ay dapat iniaayos ng traffic enforcers — kasama ang vendors at pulubi.


----$$$--


ANG mga pulubi — alaga man ng mga sindikato o hindi — ay dapat inaasikaso at binabantayan ng DSWD.

Malinaw na ang DSWD — ay tulad din ng DPWH — batbat ng kaduda-dudang aktibidad.


----$$$--


MAGING ang mga nagbabanal-banalan na mga religious group ay tila dedma sa mga pulubi na mga may “mental illness” na naghambalang sa bangketa at mga lansangan.

Bulag, pipi at bingi ang mga ehekutibo ng LGU at barangay na nakakasakop sa lugar kung saan naglipaw o naglipana ang mga “hopeless” Pinoy.


----$$$--


KUNG ang mga ninakaw na multi-bilyong piso ng mga pulitiko, ehekutibo at mga kontraktor ay inilalaan sa mga “hopeless” persons — disin sana’y masaya ang lahat.

Plastik at pagkukunwari ang pagtulong ng gobyerno sa mga “hopeless” persons.


----$$$--


Ang DSWD dapat ay siyang naatasang sumaklolo sa mga Pinoy na “wala nang pag-asa” na mabuhay nang marangal at disente.

Hindi lamang pagnanakaw sa pondo — ang kahulugan ng corruption, bagkus isang klase rin ng katiwalian ang pagtakas sa responsibilidad at “kamangmangan”.


-----$$$--


SA laganap na katiwalian sa loob ng gobyerno, wala ring corporate services para sumaklolo sa mga wala nang pag-asang Pinoy — pulubi at may ‘mental illness’.

Kahit ang mga alagad ng sekta at relihiyon ay mga ‘mapagkunwari’ lamang — at ‘naglulustay’ ng mga donasyon at ambag sa simbahan at sambahan.


----$$$--


SAAN patungo ang ating bansa kung ang gobyerno at pribadong sector ay kapwa makasarili—at “pera-pera” lang?

Wala na, wala nang pag-asa pa si Juan!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 7, 2025



Bistado ni Ka Ambo



Kinumpirma na ang pagbibitiw ni Sen. Ping Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee ng Senado.

Hindi siya nagtagal sa posisyon tulad ni Sen. Rodante Marcoleta.

Kumbaga, yung “ribbon”, nagkapunit-punit na.


----$$$--


HINDI malayong masibak din ang bagumbago ring Senate president na si Tito Sen.

Kailangan kasi na ibalik ang reputasyon ng Senado.

At hindi kayang iangat ito ng isang batikang komedyante.


-----$$$--

ISANG tampulan ng katatawanan ang buong Kongreso — Kamara at Senado.

Makakapal ang mukha.

Halos lahat sila ay tila umaamin sa iba’t ibang modus sa “paglalaro sa budget”—amendments, insertion, unprogrammed!


----$$$--


Nakaksulasok ang sitwasyon — lumilitaw na ang mga nag-iimbestiga — ay napapatunayang “sabit din sa kabulastugan”.


Ang ‘kabulastugan sa budget’ ay garapal — at iniyayabang nilang ito ay “walang nilabag” na batas.


-----$$$--


PINANINIWALAANG wala silang kuwalipikasyon sa pagiging mambabatas -- kongresista at senador -- dahil sila mismo ang nag-i-interpret ng batas; at sila rin ang humahatol sa kanilang aktibidad.


Mawalang galang po, hindi kayong mga mambabatas — kongresista o senador — ang hahatol kung “legal o hindi legal” — ang “paglalaro sa budget” — bagkus ay ang hukuman, hudikatura o ang mismong Korte Suprema.


-----$$$--


ANG trabaho ng mga mambabatas — ay gumawa ng batas at hindi ang “humatol” sa kaduda-dudang aktibidad.

Iyan mismo ang probisyon ng Konstitusyon.


----$$$--


ILANG beses nang sinabi ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon — ang paglalaro sa budget, gaya ng PDAF at DAP.


Pero, patuloy na “nilalaro” ang budget — at hinahatulan ang kanilang sariling kabulastugan — bilang “walang nilabag na batas”.


-----$$$--


MAY motibo ang ginagawang paglalaro sa budget — at ito ay mapapatunayan sa volume at laki ng halaga na kanilang iminamaniobra.

At mistulang nagpipiyesta ang mga buhong na naglalaway — habang nalulunod sa baha ang ordinaryong mamamayan.


-----$$$--


MAY nagsasabi na ang pagiging elected officials ay hindi kasinghulugan ng “matatalino o mahuhusay”, bagkus ito ay kasingkahulugan ng pandarambong na ang kulimbat ay ginagamit sa pag-impluwensya sa mga “bobotante”.

Ang mga “bobotante” ay mayorya — kaya’t ang nahahalal ay binabansagang “buwaya”!


-----$$$--


ANG tanong: May solusyon ba?


Nakayukayok si Juan nang sumagot: “WALA PO”!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | October 6, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Pagod na tayo sa kakasubaybay sa Congress hearing.

Hindi na kapani-paniwala ang mga impormasyong inilalabas at lumalabas.

Karaniwan ay propaganda at kontra-propaganda lamang.


----$$$--


KUNG susuriin, nagtatakipan talaga — ang mga kongresista at senador.

Kung illegal o labag sa regulasyon ang “insertion” at “unprogrammed” -- na inaamin ng mga mambabatas, lalabas na guilty ang buong Kongreso — Kamara at Senado.


----$$$--


KUNG ituturing na tumpak ang pahayag ni ex-Congressman Zaldy Co -- na hindi siya nagsosolo -- dahil nilagdaan ng ‘mayorya’ at ‘Malacanang’ ang batas o GAA, at aprubado ng ehekutibo ang paglalabas ng pondo -- ibig sabihin, guilty din ang “lahat ng higher executives”.

Isa tayo sa naniniwala sa ganyang konsepto!


-----$$$--


SA totoo lang, dapat aminin ng Malacanang at liderato ng Kongreso — Kamara at Senado ang kanilang pagkakamali, pagkukulang at pagkakasala.

Sa doktrina ng Simbahang Katoliko, hindi mapapatawad ang kasalanan ng “walang pag-amin (kumpisal) at pagsisisi”.

Absolusyon ang tawag diyan.


-----$$$--


HINDI malayong may magpatiwakal, makaranas ng atake sa puso o stroke sa matataas na lider ng bansa dili kaya’y makaranas ng “hindi maipaliwanag na sakit” — kapag kinimkim ang kanilang pagkakasala.

Mistulang bilanggo ng guilty feelings ang natatago nilang kamalayan dahil sa “masama nilang ugali”.


Batay sa sinaunang karunungan, iyan mismo ang konsensya at karma!


-----$$$--


Walang nagpapakalat ng planong kudeta, umuugong ang pang-aagaw ng poder gamit ang military — dahil sa pag-aakalang dinadaya, pinagtatakpan at binabaluktot ang batas at probisyon ng Konstitusyon.


Kapag garapal ang pambabastos sa Konstitusyon — at pag-BALUKTOT sa proseso upang makatakas ang utak ng kawalanghiyaan — hindi kailanman maglalaho ang “tsismis ng kudeta”.


----$$$--


ANG posibilidad ng kudeta ay hindi lilitaw kapag malinaw na makakasuhan ang mga utak ng pandarambong.

Pero, kapag nagtatakipan at nakikipagkutsaba ang mga nag-iimbestiga — sa malaon at madali ay tiyak na kikilos ang lahat ng sektor — hindi lamang ang military at pulis — bagkus ay ang mismong sambayanan upang maitama ang lahat!


----$$$--


ISANG malaking paghamon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magdesisyon at kumilos nang mabilis, at marahas upang maiayos ang pagiging burara ng kanyang mga ayudante — bago manghimasok ang mga dayuhan.

Hindi na dapat pang marinig ang urgent call mula sa ibayong dagat: “Cut, cut it cleanly; cut, cut it cleanly”!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page